Kung minsan ay napapagal, ngunit walang kapaguran sa pagpapatuloy. Tangan ang positibong pananaw sa kabila ng pagsuong sa mga hamon ng kasalukuyan bilang mga estudyante at bahagi ng lipunan, muli nating niyakap ang bagong akademikong taon. Hayag ang sistemang hindi naaangkop para sa lahat, ngunit naroon ang espasyo para sa paniniwala na muli pang matatagpian ang mga butas at maididiretso ang gusot ng makabagong sistema ng edukasyon at pamumuhay.
Hindi maikakaila ang damdamin ng sangkaestudyantehan na nagnanais na makabalik ng ligtas sa mga paaralan, ngunit ang umiinog sa isipan ay kailan nga ba natin ito muling makakamtan? Kailan tayo makababalik sa tunay na normal kung saan walang panganib na nakaamba sa labas? Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay kasabay din ang paglobo ng mga problema sa ating lipunan.