5 minute read

ONLINE CLASSES, NAKAKASIRA RAW NG MATA

ni Hemelyn Jilian Renee S. Agayam

Masasabing ang online class ay isa sa mga dahilan kung bakit mas babad ang mga kabataan sa paggamit ng kanilang laptop, computer, o cellphone. Ayon sa ophthalmologist na si Alvine Pauline Santiago noong makapanayam siya ng “Good Vibes” sa DZMM, ang pag gamit sa gadget ng sandali ay wala namang masamang epekto, ngunit ang paggamit nito ng higit pa sa dalawa o tatlong oras ay may masamang dulot sa mata. Maaari raw magkaroon ang bata ng “accommodative spasm” kung saan nakararanas ng pagsakit ang ulo, pagkapuyat, o kaya naman ay dry eye syndrome.

Advertisement

Mga tips upang maiwasan ang eyestrain:

1. Sundin ang 1-2-10 rule. 1 talampakan ang layo kapag cellphone ang gamit, 2 talampakan naman kapag computer, at 10 naman kapag nanonood ng telebisyon. 2. Gamitin ang gadgets sa loob lamang ng 2-3 oras. 3. Mainam na mas madalim ng kaunti ang ilaw ng kwarto kaysa sa screen ng gadget na ginagamit. 4. Sundin ang 20-20-20 rule, kada 20 minuto ay tumingin ng 20 talampakan na layo ng 20 segundo. 5. Iwasan ang paggamit ng gadget 2-3 oras bago matulog o magpahinga.

Iwasan ang paggamit ng gadget 2-3 oras bago matulog o magpahinga.

Maari ring gumamit ng Anti-Radiation glasses, ngunit siguraduhin na ito ay hindi peke. Ayon sa checkin.ph may mga kumakalat na anti-radiation glasses sa halangang 99-250 pesos lamang ngunit ito raw ay mga demo glasses. Ang antiradiation glasses ay makaktulong sa pag block out ng bad blue light na kung saan ito ay maaring makasira ng retina at magkaroon pa ng dagdag na problema sa mata. Hindi inirerekomenda ng mga optometrist na bumili ng glasses sa internet, kung bibili man ay siguraduhin na ito ay medical grade at galing sa kompanyang nagbebenta ng blue light glasses o kaya naman mag pacheck sa isang optometrist upang makabili ng maayos na salamin sa mata. Nararapat lamang na alagaan ang mata lalo na sa panahon ng new normal kung saan ang mga kabataan ay babad sa kanilang mga gadgets upang makadalo sa online classes.

Kababaihan ang Kinabukasan

ni Jillian Renee Calo

Sa usaping pagpapatakbo ng mundo, isang “girl world” ang madalas na ipinapangarap ng nakararami. Isang mundo na lahat ay perpekto lamang sapagkat pinaniniwalaan ng tao na ang kababaihan ay gawa sa asukal, pampalasa, at lahat ng bagay na mabubuti at magaganda. Ngunit sa katunayan at katotohanan, ang ganoong klaseng mundo ay higit na komplikado. Ang mga babae ay inaasahang makamit ang mga imposibleng pamantayan ng lipunan nang hindi kinalilimutan ang pagpapanatili ng kanilang ganda. Ang kabalintunaan ay, ang mga bagay na kakailanganin upang maabot ang nasabing pamantayan tulad ng edukasyon, pagkakapantay-pantay ng kasarian, at body autonomy ay madalas na ipinagkakait sa kababaihan. Ang mas nakalulungkot pa na katotohanan ay lahat ng ito ay pasan maging ng mga batang babae. Ang kanilang munting kaisipan ay inilalantad sa nasabing hirap sa murang edad na kung saan sa huli, iniiwan lamang silang tila nakakulong na hindi malayang mailahad ang sariling kagustuhan at kumilos nang naaayon sa kanilang sariling paraan.

Dahil sa ganitong mga pangyayari, idineklara ng United Nations General Assembly noong taong 2011 ang ika-11 ng Oktubre bilang araw ng mga babae o “International Day of the Girl Child”. Ito ay sumusunod sa tatlong layunin: upang walang babae o kahit na sinuman ang mapagkakaitan ng pagkakataong maging maalam sa kanilang mga karapatan, upang maging tama ang pagrerepresenta ng kababaihan sa kani-kanilang sariling panlipunang kultura at maging sa media, at upang hayaan na makilala ng mundo ang kanikanilang mga kwento.

Patuloy na ang paglitaw at paglalantad mga problema at paghihirap na naranasan at nararanasan ng mga kababaihan. Nagsimulang namulat ang mga mata ng mga tao sa baluktot na realidad ng mundo ng mga kababaihan sa isang “girl world” nang makita ang sitwasyon ng kababaihan kung saan sila ay hinahamon sa pisikal na aspeto, pangkaisipan, at maging emosyonal. Ang mga kababaihan ay nagsimulang magsalita tungkol sa kanilang mga karanasan sa kanilang mga trabaho na kung saan karaniwang mga lalaki ang nangibabaw. Hindi rin natakot ang mga babaeng ilantad kung paano sila tinanggihan sa kanilang karapatan sa edukasyon dahil sa ugaling sexist ng lipunan, mga problemang pinagdaraanan nila sa pag-abot ng pamantayan ng kagandahan, at maging ang mga bagay na may mabibigat na paksa tulad ng kanilang mga sekswal na karanasan ay pinag-uusapan na rin. Bukod sa pagkilala sa nasabing araw bilang pagbibigay ng ilaw sa dilim at pagpalalakas ng mga hindi mapagkinggang boses, ito rin ay itinuturing na isang araw ng padiriwang na kung saan ginugunita ang lakas ng mga kababaihan—lakas sa laban para sa kung ano ang nararapat, at pagmamahal para sa sarili at kapwa babae.

Ang tema ng International Day of the Girl sa taon na ito ay “My voice, our equal future” na kung saang nakatuon sa pagsasagawa ng daan para sa mga kabataan upang umunlad. Inaasahang sila ay: maging malaya sa pangkasarian na karahasan, nakasasamang gawi, at karamdamang sekswal, magkaroon ng oportunidad upang matuto ng makabagong kasanayan na makatutulong sa kanilang kinabukasan, at makagawa ng henerasyon ng mga aktibista na magpapatuloy sa mga kilos tungo sa pagbabago ng lipunan para sa ikabubuti ng lahat.

Ang pinakamagandang bahagi na nangyayari sa araw na ito ay kahit na ito ay pagkilala sa mga kababaihan, hindi mo kailangang maging babae upang suportahan ito. Lahat ay pwedeng makilahok sa pagbabago. Ang pagbabahagi ng kwentong inspirasyon ng mga kababaihan o mga samahang pinamunuan ng kababaihan ay nakatutulong sa paglaganap ng mga pagbabago sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kanilang boses. Kahit simpleng mga bagay tulad ng pagbibigay ng respeto sa mga kababaihan ay isa na sa mga hakbang sa pagkakaroon ng pagkakaisa sa ating lipunan at nagpapakita ng magandang halimbawa na maaring sundin ng nakararami.

Darating ang araw na mamumuhay ang mga kababaihan sa mundong may pagkilala sa kanilang kahalagahan, may pagrespeto na ang kanilang katawan ay sarili nilang pag-aari, at may pagpapahalaga sa kanilang ambag sa lipunan. Ang araw na ito ay siyang panimulang punto lamang ng mundo na mamulat sa nararapat na makabagong pananaw. Nasa atin ang kagustuhan.

This article is from: