




Sa samu’t saring kwento ng kababalaghan na ipinamana ng mga nakatatanda, ang naratibo ng multo marahil ang pinakakagimbal-gimbal sa lahat — lalo na kung ang nagmumulto ay hindi espiritu ng mga namayapa kundi ang kaluluwa ng buwis ng sambayanang Pilipinong walang habas na binulsa at winaldas ng mga kurap na politiko. Hindi maikakaila na buhay na buhay pa rin ang diwa ng korapsyon sa bansang Pilipinas, at ito’y hindi mamamatay kailanman hangga’t hindi nauubos ang bulto ng pera na dapat sana’y nakalaan para sa kapakanan ng taumbayan.
Sa mga ganid na politiko, hindi kailanman paninilbihan sa bayan ang katagang iniukit nila sa kanilang mga isipan, kundi ang layuning patuloy na nakawan ang mga hamak na mamamayang pilit lumalaban ng patas kapalit ang kakarampot na halaga, samantalang bilyon-bilyon naman ang binubulsa ng mga mandaraya. Ayon sa ulat ng Commission on Audit, mayroong 1.44 trilyong halaga ng proyekto mula sa 17 ahensya ng gobyerno ang hindi natapos, naantala, o hindi naisakatuparan ayon sa plano. Sa Department of Public Works and Highways (DPWH) lamang, mahigit 2,395 proyekto ang hindi epektibong naipatupad dahil sa mahinang pagpaplano. Nakakadismaya na ang perang dapat sana’y nagamit para sa pagpapatupad ng mga inisyatibong ito ay napasakamay na ng mga huwad na lingkod-bayan.
Kahi’t anong pasumangil ng mga nanunungkulan at kontraktor, at kahit anong pagbabaluktot pa ang gawin nila sa tunay na naratibo, malinaw na sangkot ang lahat sa isang mas malawak eskema na ang tanging layunin ay kulimbatin ang pondo ng bawat Pilipino. Isa sa mga pinakakontrobersyal ay ang flood control program ng DPWH na umabot sa ₱545 bilyon mula 2022 hanggang 2025. Ayon sa ABS-CBN x PCIJ report, daan-daang proyekto ang nauwi sa ghost contracts, substandard na konstruksyon, at kickback schemes. Sa halip na proteksyon laban sa baha, panibagong sakit ng ulo ang sumasalubong sa mga komunidad.
Kung sa ibang bahagi ng bansa ay baha
ng korapsyon ang kinakaharap, halos walang pinagkaiba ang kalagayan dito sa lungsod ng General Santos. Ang matagal nang inaabangang Mabuhay Underpass ay nananatiling tila pasaning walang katapusan. Sa ulat ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), sinabi ni Cong. Shirlyn Bañas na ang halagang orihinal na ₱659,000,000 ay umabot na ngayon sa ₱850,000,000, para lamang sa proyektong tila nakatengga. Tunay na gahaman ang mga opisyal na dapat managot sa paghihirap ng mga mamamayan. Ngunit wang hangal ang aako ng kasalanan, kaya’t hindi na rin kataka-taka na sa bandang huli, puro rason at paninisi ang nagiging hantungan ng mga taong dapat ay nananagot kapag ang kabuktutan ay nabubunyag.
Matagal nang pasakit ang underpass na sa halip pagaanin ang daloy ng trapiko, ay mas nagpalala pa ng kalbaryo ng mga motorista. Bagama’t giit ni DPWH Regional Director Allan Borromeo na walang korapsyon at kaya hindi matapos sa isang taon ay dahil paunti-unti ang pagdating ng pondo, kabaligtaran naman ang pahayag ni Doc. Louie Ceniza ng Philippine AntiCorruption Commission na mismong inabandona ng DPWH at kontraktor ang proyekto. Hindi ito aatupagin ng gobyerno kung hindi pa nabibigyan-pansin ng media at hindi nagigising ang publiko sa realidad ng korapsyon. Ngunit hindi sapat ang paliwanag, hindi sapat ang pag-ako ng responsibilidad, kung wala ni isang opisyal ang mananagot at mapaparusahan.
Sa kabilang banda, hindi rin maikukubli ang kapalpakan ng administrasyon sa loob ng kampus. Mahigit walong taon na ang nakalilipas mula nang unang itayo ang quadrangle gymnasium sa ilalim ng administrasyon ni Senador Manny Pacquiao sa MSU-GSC. Matapos ang mahabang panahon ng pagkaantala, muling naipagpatuloy ang konstruksyon ngayong taon sa tulong ng bagong pondo mula sa General Appropriations Act. Ngunit sa kabila ng pag-usad, nananatiling tanong kung bakit kailangang maghintay ng halos ilang taon para sa isang proyektong pang-akademiko.
Ayon kay Prof. Sheila Loable, Vice Chancellor for Administration and Finance,
“ Kung tayo ang nagimplement, tapos na sana ito pero napunta sa DPWH, kaya natagalan. ”
Sa halip na direktang pamamahala ng pamantasan, ang ₱75 milyong pondo ay itinakda sa ilalim ng DPWH, alinsunod sa GAA 2024, na nag-aatas na ang mga capital outlay na higit sa ₱5B ay dapat ipatupad ng ahensyang iyon. Dahil dito, ang proyekto ay naging biktima ng matagal na bidding, kulang na disenyo, at paulit-ulit na reprogramming—mga multong teknikal na hindi dapat kinukunsinti.
Hindi ito simpleng pagkaantala bagkus ito ay maituturing na sistematikong paglimos sa dignidad ng mga estudyante. Sa loob ng ilang taon, nakatengga ang istruktura habang ang mga materyales ay kailangang muling i-test kung ligtas pa bang gamitin.
Ang mas masaklap, hindi lang ito problema ng Pamantasan. Ayon sa ulat ni Prof. Loable, out of 113 SUCs, tatlo lang ang naipursige ng DPWH sa taong 2024. Kung ganito kababa ang porsyento ng mga proyektong natuloy, hindi ba’t multo na rin ang pamahalaan sa mga pangakong ibinibigay nito sa mga pamantasan?
Ngunit kabila ng lahat, masasabing may pagasa pa. May nakaprograma nang Phase 3 sa NEP 2026, at ayon kay Prof. Loable,
“Kung tayo kasi magpaimplement parang mahuman gid siya.”
Ibig sabihin, kung ibabalik sa pamantasan ang kontrol, mas mabilis ang galaw, mas malinaw ang plano, at mas tapat ang resulta. Ngunit hindi sapat ang pag-asa kung walang paninindigan. Kailangang ipaglaban ng mga MSUans ang karapatang makilahok, magtanong, at magbantay.
Gayunpaman, hindi lahat ng proyekto ng gobyerno ay nauwi sa multo. Matagumpay pa rin na naipatupad ng DPWH ang 54 flood control and mitigation projects noong 2024 sa Region 12, na
nagpoprotekta sa mahigit 28.29 kilometro ng riverbanks sa SOCCSKSARGEN. Sa Kabacan River Flood Control System, 17 dike projects ang sabay-sabay na isinagawa sa limang barangay upang maprotektahan ang mga komunidad mula sa pagbaha na isang patunay na kung may tamang plano, aangat ang tiyak na konkretong resulta.
Ngunit sa kabila ng mga tagumpay na ito, nananatiling tanong kung bakit sa GenSan, sa MSU-GSC, at sa maraming SUCs, tila multo pa rin ang mga proyekto. Ayon sa ul at ng Philippine Information Agency, may 350 bilyong flood control budget para sa 2025
na hindi pa nauubos, habang ang DPWH ay humihiling ng karagdagang 250.8 bilyon para sa 2026 kahit hindi pa tapos ang mga naunang proyekto. Sa halip na solusyon, tila nauulit ang kapalpakan at ang multo ay patuloy na gumagala sa ilalim ng tulay ng burukrasya.
Bilang mga iskolar ng bayan, hindi tayo dapat maging tagamasid sa multong ito. Tayo ang dapat maging liwanag sa ilalim ng tulay, ang boses na hindi natatakot magtanong, ang panulat na hindi natatakot magsiwalat, ang kilos na hindi natatakot tumindig. Hindi sapat ang pag-asa kung
kaya’t ito ay kailangan ng paninindigan. Hindi sapat ang galit kung kaya’t ito ay kailangan ng pagkilos.
Ang multo sa ilalim ng tulay ay parang anino ng isang pangakong iniwan sa gitna ng araw na ating nakikita, pero hindi mahawakan. Oo, ating naririnig, pero walang tinig. Isa itong bangungot na paulit-ulit nating nilalakad na naging daan ng mga proyekto’t plano na sinimulan ngunit hindi tinapos, pinondohan ngunit hindi pinakinabangan. Tulad ng tulay na dapat tumawid sa pagunlad, naging taguan ito ng pananagutan, at libingan ng tiwala ng bayan.
GenSan Engineering Office sinimulan na matapos halos 1 taon antala mula pagka-endorso, pagpondo
Umabot ng halos isang taon bago naumpisahan ng City Engineering Office - General Santos ang pagsemento sa daanan ng MSU-GenSan back gate mula nang magsumite ng plano at badyet ang Baranggay Council ng Brgy. Fatima nakaraang taon.
Sa isang panayam ng Bagwis noong Oktubre 1, 2024, ipinahayag ni Renante D. Curit, kapitan ng Brgy. Fatima, na naisumite na nila ang plano ng proyekto sa City Engineering Office para sa kanilang pagapruba.
“Gi endorse ko na para review sa plano. Pag balik ato dire resolution na pagkahuman, posting na dayun na. So nandoon sa kanila na ngayun kung tagalan nila, madugayan ta,” sambit ni Curit.
Binanggit niya rin na maaaring masimulan ang proyekto sa loob ng huling kwarter ng taong 2024 dahil aniya may badyet nang nakalaan na mahigit-kumulang P700,000.
Subalit, makalipas ang 11 na buwan lamang ito tuluyang nasimulan noong Agosto 14, 2025 ayon sa Information Board na nakapaskil sa back gate.
Nakasaad din na ang kabuuang halaga nito ay P687,895.79 mula sa barangay fund ng Brgy. Fatima na siyang development partner ng City Engineering
Office, kung saan naging contractor o supplier naman ay ang Janmarie Construction Services & Supply.
Tinatayang matatapos ang proyekto sa Oktubre 23 ngayong taon.
Matagal nang problema sa back gate
Bago pa man maipatupad ang proyekto, matagal nang hinaing ng mga MSUan at maging ng mga residente ang lubak-lubak, maputik, at bahaing sitwasyon sa back gate.
“I’ve been a student of MSU since 2022 and one of the most problem jud na everyday ginaface namo is ang back gate. Kung hindi dahil sa baha, dahil naman sa sobrahan ka daghan ka balas na ginabutang maong nagakadisgrasya mga estudyante especially sa mga gasakay, riders, ug nagadala ug sarili na motor,” diin pa ni Kristine Joy Sicat, estudyante mula College of Agriculture.
Dagdag pa niya, malaking abala kapag uulan sa back gate dahil tinatanggal niya ang kanyang sapatos upang hindi mabasa sa rumaragasang baha na siya ring ipinag-aalala niya dahil sa sakit na maaaring makuha.
“Kalain pa jud kay biskan wala gaulan, basa gihapon didto
kay wala may proper drainage. Ang ending, didto nagakadto ang mga tubig gikan sa babaw, baho pa jud permi, so instead na dalan unta sya, daw nahimo siya na kanal kay sa tubig nga naga stock ug sa kabaho,” reklamo ng naturang estudyante.
Kaya panawagan niya na dapat i-semento ang naturang lugar sapagkat nakakaperwisyo sa lahat ng mga dumadaan na ang iba ay nadidisgrasya pa.
“Estudyante pa naman ang pinaka apektado permi dira taga magbaha kaya tani buhatan na ug paraan. Nauna pa masemento ning mga kanto diri sa mga zone na dili man jud kaayo inconvenient compare diri sa backgate na permi gina-agyan ka mga motor ug salakyan,” aniya pa.
Ipinaliwanag naman ng pamahalaan ng Brgy. Fatima na walang nakalipas na aksyon sa problemang ito dahil, kahit na may mga nakalaang pondo dito, hindi ito maaprubahan dahil wala umano ang daan sa orihinal na subdivision plan ng lugar.
“‘Di siya na approve kasi wala sa subdivision plan na may kalsada, wala siyay na allocate na space intended for roads, mao to na gina-negotiate nalang nga bisag diha nalang. Kay kara nga lugar diha, buo na siya, so ang kalsada taman ra gyud sa block 1, then pasaka,” paliwanag ni Curit.
Prioritizing students’ welfare and development, the first Freshies Union officers of Mindanao State University - General Santos City (MSU-GSC) took their oath of office during the Freshies Night 2025 at the University Gymnasium, marking its fresh start as an organization and verbalizing their advocacy on various platforms for Academic Year 2025-2026, on September 8.
Spearheaded by Supreme Student Council (SSC) President Ramzel Delloro, the event served as a reminder to every student leader to render service with commitment and represent the freshmen community with sincerity.
According to Winchelle Miles Belgera, a first-year Political Science student and the newly elected Freshies Union Chairperson, the Union primarily gave new students a “secure environment, connections, and sense of acceptance,” enabling them to succeed academically and socially.
“By creating connections, offering necessary resources, and encouraging participation through events, orientation activities, and online support platforms, the MSU-GSC Freshies Union assisted freshmen in adjusting to college life,” Belgera said.
Belgera also added that the Union
would provide a safe space for students to express themselves, maintaining the university’s mission of “inclusivity.”
“Creating a polite atmosphere that helped freshmen develop into engaged and capable members of the campus community by boosting their selfesteem and fostering leadership,” she added.
Achilles Peña, a fellow Political Science constituent and the elected vicechairperson, believed in the essence of discipline and teamwork in the council, honoring academic responsibilities while serving as a leader.
“My first priority was to connect with the freshmen and listen to their concerns. From there, we could create programs that were responsive, meaningful, and truly reflective of what they needed,” Peña said.
Furthermore, Peña promoted inclusivity by making sure that no voice was left unheard, working to create spaces where every freshman, regardless of course or background, felt valued, represented, and part of the Union.
“Through providing forums for participation, representation, and cooperation, the MSUGSC Freshies Union sought to provide an environment that was encouraging and empowering for first-year students. It facilitated freshmen’s smooth transition to
college life and encouraged their participation in campus events and student government,” he said.
Peña ensured the Union to observed and amplified integrity, inclusivity, and empathy, anchoring their task with fair, transparent, and people-centered decisions.
“It strengthened our unity by showing that leadership was about service and collaboration. As we took oath together, we proved that we were here to lead not above, but alongside our fellow freshmen,” he continued.
Peña also cited the relevance of collaboration through partnerships for progress, maximizing resources, strengthening initiatives, and building projects that benefited more students.
Recalling the Historical Start.
The Freshies Union was lobbied by the SSC Committee on Internal and External Affairs Senator Jun Rhei A. Ugdamin last July 23-24 during the First Semester Planning of the council.
The proposal was set to create a unified socio-civic body that integrated first-year MSUans, building a bridge that connected both the Union and the council.
The project aimed to equip freshmen students of the university, offering services such as the Freshies Kit, which contained the MSU-Gensan student handbook, university map, and dormitory policies.
Kasabay ng pagbubukas ng panibagong akademikong taon ay ang tila nagngangalit na himagsik ng kalangitan sa pagbuhos ng walang humpay na ulan. Bagama’t lumipas na ang tindi ng haring araw at nagsimula nang lumamig ang simoy ng hangin, hindi maikukubli muli tayong haharap sa isang nakakapanlumong yugto ng taon kung saan ay atin muling masasaksihan ang kapalpakan at kasakiman ng mga nasa itaas, bagay na higit pang naglulubog sa Pilipinas kaysa sa baha ng bagyo.
Panahon na naman ng tag-ulan sa Pinas Sa ating bansa, hindi na bago ang mga pagbaha. Ito ay sa kadahilanang nasa loob ang Pilipinas ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ)—ang tagpuan ng mga hangin mula hilaga at timog na siyang pinagmumulan ng ulap at unos. Dahil dito, higit tayong naaapektuhan sa rurok ng typhoon season, kung kailan ang mga bagyo ay hindi lamang nagdadala ng malakas na ulan kundi wari’y humihila at lalo pang nagpapalakas sa bugso ng habagat. Sa katunayan, nasa 20 na bagyo ang pumapasok sa bansa kada taon. Subalit sa kabila ng kaalamang ito, nananatili pa ring bulok ang sistemang nakapaligid sa pagtugon sa mga kalamidad.
Kamakailan, muling nabunyag ang mga anomalya sa flood control projects na dapat sana ay nagsisilbing proteksyon ng mamamayan. Ayon sa Malacañang, mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025 ay mayroong 9,855 na proyektong nagkakahalagang ₱545.64 bilyon ang naiulat. Kabilang dito ang mga lugar na laging binabaha gaya ng Hagonoy, Calumpit, Isabela, at Pampanga. Ngunit nang ito’y suriin, natuklasan na marami sa mga proyektong ito ay hindi naisagawa o kaya nama’y substandard ang pagkakagawa. Tinatayang nasa ₱42.3 hanggang ₱118.4 bilyon ang naibulsa ng mga tiwali ayon sa Department of Finance (DOF).
Sa halip na maging sandigan ng mga Pilipino, ang mga proyektong ito ay naging simbolo ng kawalan ng malasakit at garapalang pagnanakaw. Tuwing bumabaha, hindi lamang tubig ang umaapaw kundi pati na rin ang hirap na dinadala nito sa bawat Pilipino. Habang ang ordinaryong Juan ay inaanod na ng rumaragasang tubig, ang mga pulitikong sangkot ay abala sa kanilang magarbong piging kasama ang kanilang mga kaalyado sa pandarambong. At habang tuluyang winawasak ng daluyong ang mga pananim, kabahayan, at kabuhayan ng mga salat sa buhay, ang mga makabagong iskolar ng bayan—mga anak ng mga kontraktor at kongresista— ay ipinagmamayabang pa sa madla ang mamahaling kasuotan at marangyang pamumuhay na na para bang kanilang sariling pawis ang pinagkukunan ng yaman.
Laki sa layaw
Masakit sa mata na tanawin sa ating lipunan ang anak ng mga tiwaling animo’y mga prinsipe at prinsesa ng kaharian—panay paglalakbay sa ibang bansa,
nagbubuhos ng salapi sa luho, at isinasampal sa publiko na para bang sila mismo ang nagbanat ng buto upang yumaman.
Habang abala sa pagpapakasasa sa pribileheyo, ang nakararaming kabataan ay patuloy na hinahadlangan ng kakulangan sa mismong batayang pangangailangan ng edukasyon—mga kulang-kulang na silid-aralan, sirang pasilidad, mabagal na internet, at mga gurong pagod na ngunit salat pa rin sa suporta. Sa bawat pisong nilulustay para sa layaw, katumbas ay ang libo-libong estudyanteng nagtitiis sa kakulangan ng sistemang dapat sana’y kumakalinga sa kanila. Sa ilalim ng kupas na ilaw, may mga estudyanteng nagre-review na hindi lamang pag-aaral ang nasa isipan, kundi kung paano na rin ipagkakasya ang natitirang isang-daang piso para sa buong linggo. May mga pumapasok na halos walang laman ang tiyan ngunit mapait na dinadala ang pagasang makapagtapos.
Sa kabila ng mga luho at silaw, hindi na maikukubli ang matinding pagsalungat sa karanasan ng mga isko at iska ng dakilang pamantasan. Kung kanina’y nag-uunahan pa sa mga silid ng Gemma, ngayo’y nagtatagisan na ng tiyaga sa paghahanap ng internet connection bunsod ng mabilisang paglipat sa hybrid na pamamaraan ng pag-aaral. Ang biglaang pagbabagong ito ay hindi lamang usapin ng teknolohiya, kundi usapin din ng pagtitiis—pagtitiis sa masisikip na iskedyul, kulang-kulang na pasilidad, at limitadong espasyo na may maayos na signal. Sa kabila ng lahat, nararapat pa ring igiit ang dangal ng edukasyon. Sapagkat sa huli, may pinapaaral tayong mga “Iskolar” na naka Gucci, hindi ba?
Heto ako—basang-basa sa ulan
Huwag na tayong lumayo—bilang mga MSUan, ramdam natin ang paulit-ulit na sugat ng kakulangan ng tamang paghahanda sa panahon ng tag-ulan. Sa loob ng ilang taong pananatili sa Pamantasan at pagkatapos ng hindi mabilang na mga artikulong nagpahayag ng hinaing tungkol sa nakapanlulumong kalagayan ng backgate—madalas bahain at kailangang languyin kapag bumubuhos ang ulan— hanggang ngayon ay nananatili pa ring itong istorbo sa lahat, lalo na sa mga estudyante at mga empleyado ng pamantasan na naninirahan sa kalapit na lugar.
Kasingtibay sana ng pangako ang kalsadang
itatayo sa backgate ng tinaguriang Dakilang Pamantasan ng mga MSUans. Nagsimula na ang proyektong pagpapasemento ng kalsada sa MSU Backgate sa Barangay Fatima na matagal nang hiling, lalo na’t tuwing tag-ulan ay nagiging parang ilog ang daan na hindi madaanan. Madaming sapatos na ang nalunod sa putik, sasakyang hindi nakausad, at mga perwisyong naganap dulot lang ng simpleng kawalan ng maayos na kalsada.
Ngunit, ang tanong: ito na nga ba ang hinihintay na kasagutan, o isa na namang pangakong babalikan at lilipas na parang bulong na lamang sa hangin?
Dito sumasagi ang alaala ng mga proyektong nagsimula ngunit biglang naglaho—sementong madaling mabiyak, trabahong minadali, at pondong tila natangay ng agos ng tubig-ulan. Kaya’t nararapat lamang ang pagiging mapanuri at mapagbantay. Ang bawat pisong galing sa buwis ng barangay ay bunga ng pawis ng mamamayan, at ang bawat buhos ng semento ay dapat nakapundasyon sa tibay at ginhawang maidudulot nito sa lahat. Hindi sapat na simula; ang higit na mahalaga ay matapos ito nang may kalidad upang hindi muling lumubog sa baha ang mga pinangako sa bayang pinaglilingkuran.
Subalit, ang usapin ay higit pa sa mga sapatos na nalulusong, bag na nababasa, o disgrasyang nakaamba hatid ng maputik na bitak na kalsada. Para sa isang MSUan, dagdag pasanin din ang banta ng mga sakit kagaya ng leptospirosis, dengue, at iba pang karamdamang dulot ng maruming tubig. Higit pa rito, nakakaapekto rin ito sa kaisipan: ang takot na mahawa, pangangambang mahuli o hindi makapasok sa klase, at ang stress ng sabayang pagharap sa baha at sa walang habas na alon ng akademikong pangangailangan.
Sa huli, ang pagkakalublob sa ulan ay hindi lang pisikal na karanasan kundi isang simbolo ng pagkakalimutan—isang nakakabinging paalala na sa bawat pagbuhos ng langit, lalo ring nilulunod ang alaala ng bayan sa kanilang kamalayan. Nakaukit na sa mga sulok ng bahaing isipan ang walang humpay na pangamba ng kawalang-katiyakan:
“Kailan pa nga ba huhupa ang baha?”. Ilang ‘Jet-2-Holidays’ pa ba ang kailangang maranasan upang mapakinggan ang mga hinaing na ito? Ilang luho’t layaw na mga sasakyan pa? Ilang biyahe pa sa banyagang paraiso? Ilang nakakasukang pangungupit pa ba ang kailangang lustayin bago mapakinggan ang daing ng mga anak ng bayan?
Waldas dito, waldas doon. Sa totoo lang— nakakasakal, nakakalunod, nakahihiya, at higit sa lahat, nakamamatay para sa sambayanang Pilipino ang patuloy na pagsikil sa inaasam na pag-usbong. Habang nilulunod tayo ng baha ng
kapabayaan, pinapaso rin tayo ng apoy ng kahirapan—isang magkasabay na siklo ng pasakit na hindi dapat nagiging normal.
Sa bawat patak ng pawis at ulan
Kabila ng ating paglusong sa ulan, tila malaimpyerno naman ang araw-araw na pasakit na dala ng nagliliyab na apoy na lumalamon sa dangal at kalayaan ng bansa. Sa paglaom sa pagbabago, ang kahirapan ay mistulang aninong hindi humihiwalay sa mga Pilipino. Oo, hindi na ito panibago sa ating mga paningin—dala ng kasakiman ay patuloy tayong nangungulila sa inaasam-asam na pagusbong. Ngunit kung ang pasakit ay walang patid na sinusunog ang ating dangal, dapat ba natin itong tanggapin na tila bahagi ng ating araw-araw ang paglubog sa baha ng kawalang-katarungan?
Dapat ba nating hayaan ang mga gahaman na pagsamantalahan ang huwad na katatagang ipinapamalas natin tuwing bumubuhos ang ulan?
Tunay na biyaya ang ulan. Ngunit sa bawat pagbuhos nito ay siya rin ang pagpatak ng pawis; isang nakakalunod na realidad na wari’y milagro na lamang sa paningin ng mamamayan. Sa bawat patak ng langit, unti-unting nilulustay ng katiwalian ang yaman ng bayan. Kada sentimong nilalamon ng kasakiman ay isang karapatan ang naipagkakait: silid-aralan para sa kabataan, dagdag na lakas sa sistemang pangkalusugan, pagkain para sa kumakalam na sikmura, trabaho para sa pinagsarhan ng pinto. Higit pa rito, kalinga para sa kalikasang matagal nang niluluray ng kapabayaan— mga punong pinuputol, ilog na binabarahan ng basura, at baybayin na ginagahasa ng walang habas na proyekto—na ngayo’y nagbabalik bilang rumaragasang baha at pinsalang higit na sumasakal sa sambayanan.
At sa gitna ng lahat ng ito, lantad ang magkasalungat na sakripisyong mula sa magkaibang mundo: ang isa’y nakalublob sa karangyaan, ang isa nama’y nababaon sa putik, baha, at pagdaralita. Habang lasap ng iilan ang tamis ng kapangyarihang nakaugat sa kasinungalingan, ang nakararami’y patuloy na nilulunod ng kasalatan at kawalang-katarungan.
Sa bawat nakatiwangwang na estero, sa bawat sirang dike, at sa bawat proyektong iniwang bitin, malinaw na nakaukit ang mukha ng isang gobyernong inuuna ang bulsa kaysa bayan. Dito natin nasusukat ang bigat ng pasakit: nakakalunod, nakakasakal, nakababaon sa putik ng inhustisya. Kasabay ng pagbuhos ng langit ay ang pagbaha ng kawalan ng katarungan. Ang landas na dapat sana’y daan tungo sa ginhawa ay natatabunan ng kasakiman ng iilan.
Sabi nga nila, ang Pilipinas ay isang napakayabong na bansa. Ngunit ito’y yumuyuko sa bigat ng pang-aabuso. Paninindigan ang kailangan ng komunidad, hindi paulit-ulit na pangakong napanis na mula sa bibig ng makasarili. Nawa’y palagi nating tandaan: dugo’t pawis ang puhunan ng bayan, kaya’t ang tunay na ginhawa ay hindi dapat bunga ng pandaraya, kundi ng aksyon, alyansa, at pag-ahon mula sa walang patid na kumunoy ng korapsyon at kahirapan.
Naniniwala ka ba na ang ulap ay may lihim, na ang ilog ay may sariling awit, o na ang buwan ay nagbabantay sa bawat tinig ng gabi? Naniniwala ka ba? Dahil naniwala ang ating dating mga ninuno.
Sa mga kuwentong ipinanganak upang ipaliwanag ang imposible, sa alamat, lahat ay posible: ang isda ay naglilipad, ang puno ay nagkakantahan, at ang mga salita ay may buhay na higit pa sa kayang abutin ng ordinaryong pandinig. Ngunit tulad ng alamat, may mag kwento na ipinanganak lamang upang mawala. May mga kwento na napakaganda, napakamisteryoso, ngunit hindi na muling maririnig sa labi ng kabataan. At sa paglipas ng panahon, ang mga salita, na dapat sana’y bumuo ng ating pagkakakilanlan, ay nagiging alamat din—maganda sa gunita, ngunit hindi na bahagi ng kasalukuyang karanasan.
Paano kung ang mga salita ng ating mga ninuno ay unti-unting nagiging hangin lamang—maaawit sa bibig ng matatanda, mabubuo sa pahina, ngunit hindi na maririnig sa araw-araw? Ano ang mangyayari sa ating kasaysayan, sa ating kultura, at sa ating tinig kung ang lahat ng salita ay magiging kwento na lamang—maganda sa alaala, nangingibabaw sa alaala, ngunit patay sa buhay na ating nararanasan? Sa huli, ang bawat lihim, bawat awit, bawat titik ay may tanong: kung hindi natin aalagaan ang ating wika, sino pa ang magbubuo ng alamat sa halip na buhay na karanasan?
Simula ng Lahi
Sa bawat titik at salita, may buhay na nagmumula sa ating mga ninuno. Ang mga Filipino at iba pang katutubong wika ay hindi lamang daluyan ng komunikasyon, sila ang mga tulay ng kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan. Subalit, anong tulay ang matatawid kung unti-unti itong nawasak, kung ang mga salitang nagbubuo ng ating lahi ay nagiging bulong na lamang sa hangin, parang alamat na nawawala sa alaala ng mga bata?
Isa sa mga konkretong halimbawa ng unti-unting pagkawala ng wika ay matatagpuan sa Alabat Island. Ito ay ang kuwento ng Inagta Alabat, isang wika ng mga Agta sa Alabat Island, Quezon. Noong 2000, tinatayang 30 na lamang ang natitirang nagsasalita ng wika, at kung hindi ito maipasa sa mga kabataan, malalagay ito sa panganib ng tuluyang pagkawala sa loob ng isang dekada. Ang Alabat Agta ay kabilang sa mga orihinal na Negrito na nanirahan sa buong Pilipinas, at may natatanging wika at paniniwala na kakaiba sa kanilang kultura at pamana.
Ang pagkawala ng wika ay hindi lamang pagkawala
ng mga salita. Ito ay pagkawala ng mga kwento, ng dasal, ng awit, at ng mga pamana ng ating lahi. Kapag ang isang wika ay napapabayaan, ang koneksyon sa nakaraan ay unti-unting humihina. Ang bawat salita na hindi na ginagamit ay parang isang bituin na namamatay—bahagya pa ring nagniningning sa alaala, ngunit hindi na nakikita sa kalangitan ng kasalukuyan.
At ngayon? Patay na ang wikang Agta.
Ang Alon ng Pananakop
Bawat wika ay may dala-dalang kuwento, hindi lamang ng salita kundi ng pamamahay at paniniwala. Ang mga alamat at katutubong wika at Filipino mismo ay nagtataglay ng aral at halaga na bumabalot sa ating kultura—mula sa paraan ng pagbati, pag-awit ng mga kanta, hanggang sa pag-ukit ng mga kuwento ng kasaysayan. Ang wika at higit pa sa midyum ng komunikasyon; ito ay gabay, salamin ng moralidad, at tagapagdala ng mga tradisyon at asal ng ating lahi.
Ngunit ang kasaysayang ng Pilipinas ay puno ng panahon ng pananakop. Natutunan nating itago, iakma, o ipagpalit ang ating mga wika sa kapangyarihan ng banyaga. Tumagal ang pakikibaka hanggang sa makamit natin ang ating kalayaan at magkaroon ng sariling pamahalaan, wika, at batas. Ngunit kahit matapos ang higit isang siglo, ang mga patakaran at sistemang itinayo ay nagdudulot pa rin ng hamon sa paggamit at pananatili ng katutubong wika. Ayon sa isang mapa na inilabas ng Katig Collective ng UP Diliman, ang mga katutubong wika sa Pilipinas ay nahahati sa iba’t ibang antas ng panganib: mula sa “threatened” (nasa panganib), “shifting” (nawawala), at “nearly extinct” (malapit nang mawala). Karamihan sa mga wika ay kabilang sa kategoryang “threatened” at “nearly extinct”, na nagpapakita ng malubhang kalagayan ng ating mga wika.
At kung ipagdidiwang natin sa mga susunod na taon ang buwan ng wika, ilang wika na lang ba ang matitira?
Sa bawat salita na naipapasa, naitataguyod natin ang isang moral at kultural na pamana: ang kaalaman sa ating pinagmulan, ang paggalang sa kultura ng iba, at ang pangako na hindi natin pababayaan ang sariling tinig. Ang hamon ngayon ay malinaw—paano natin mapapanatili ang ating wika, ang ating pagkakakilanlan, sa kabila ng modernisasyon, urbanisasyon, at patuloy na impluwensya ng banyagang kultura? Ang wika, tulad ng alamat, ay ang bibigay aral at gabay, ngunit kailangan natin gumawa ng hakbang upang hindi ito maging kwento lamang ng nakaraan.
Ang Tawag ng mga Nawawalang Salita
Sa kabila ng patuloy na panganib sa ating mga wika, may mga indibidwal at organisasyon na nagsusumikap upang mapanatili ang ating pamana. Isa sa mga makabuluhang hakbang ay ang panawagan ni Atty. Chel Diokno na islain ang batasa sa Filipino at sa iba pang katutubong wika. Layunin nito na hindi lamang maiparating ang kaalaman ng batas sa nakararami, kundi upang ipakita na ang wika ng bayan ay may lugar sa gobyerno at lipunan.
Hindi ito nag-iisa. Maraming guro, manunulat, at lokal na komunidad ang nagsasagawa ng mga proyekto upang ituro ang mga katutubong wika sa kabataan. Ang mga programa tulad ng BantayogWika at iba pang lokal na inisyatiba ay naglalayong itala, ituro, at buhayin muli ang mga wika na nasa bingit ng pagkawala. Ang bawat kwento ay muling ibinubuhay na parang isang alamat na muling isinasabuhay—hindi lamang ng pahina kundi sa puso ng kabataan.
Ngunit, higit pa sa proyekto at batas, ang tunay na aksyon ay nagsisimula sa bawat isa sa atin. Tulad ng alamat, naipapasa ito sa susunod na henerasyon—nagbibigay aral, nagpapahayag ng identidad, at nagpapaalala ng ating pinagmulan. Kung mananatiling tahimik ang lipunan, ang mga salita ay magiging alaala lamang—maganda sa paningin, ngunit patay sa aktwal na karanasan. Ang wika, gaya ng alamat, ay nananawagan: huwag mo akong hayaang mawala.
Sa huli, ang wika ay parang alamat: ipinanganak upang magkwento, upang magturo, at upang mag-iwan ng bakas sa puso ng bawat henerasyon. Ngunit tulad ng mga kwento ng alamat na unti-unting nawawala sa alaala, ang ating wika ay nanganganib na maging kwento lamang— maganda sa alaala, ngunit patay sa pang-arawaraw na buhay.
Kung mananatiling tahimik and lipunan, mawawala ang tinig ng ating mga ninuo. Ngunit kung kikilos tayo—kung mananatiling buhay ang wika sa bawat salita, sa bawat kuwento, sa bawat himig— maipapasa natin sa susunod na henerasyon ang tunay na diwa ng hindi isang alamat ang ating wika: ang wika ay buhay, at ang buhay ay nasa ating mga kamay.
Naniniwala ka ba? Dahil naniwala ang ating dating mga ninuno.
Bilang panimula sa pagbubuo ng matibay na programa at palaro, isinagawa ng Sports Development Group (SDG) ng Mindanao State University–General Santos City ang pagtitipon ng mga atleta sa kanilang unang General Assembly noong Agosto 29, 2025 na ginanap sa OSA Building.
Sa pagpupulong, iginiit ng mga atletang mag-aaral ang kahalagahan ng tapat at bukas na pamumuno at pagsasagawa ng mga paligsahan bilang hakbang tungo sa mas inklusibo at mas aktibong pamayanang pampalakasan.
Bilang kauna-unahang samahan ng mga manlalaro sa unibersidad, nagtipon ang grupo upang pormal na talakayin ang kanilang mga plano, kabilang ang paglahok sa lokal at panrehiyong torneo.
Ipinaalala ng tagapayo ng SDG, John Carl Pulia, na pagkakataon ang pagtitipon para maglatag ng mas matibay na pundasyon para sa kultura ng palakasan sa institusyon.
“This GA can serve as the launchpad for a strong, sustainable sports culture in MSUGSC — where excellence is not measured only by victories, but also by the discipline, leadership, and unity built along the way,” saad ni Pulia.
Naging sentro ng diskusyon ang klaripikasyon sa pondong nakolekta, ang bagong varsity shirt, at ang pagsasagawa ng mga torneo tulad ng 1st Mayari Women’s Futsal Invitational Cup at 2nd MSU-GenSan Sepak Takraw Open Tournament gayundin ang pagsisiyasat ng mga kasapi kung paano nag-uugnay ang bawat proyekto sa layunin ng SDG.
Sa nasabing pagtitipon, winika ng mga bagong opisyal ang kanilang pangako na paigtingin ang kulturang pampalakasan sa pamantasan sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa paghubog ng atleta at pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga manlalaro.
Ipinunto ni Mearylyn Vargas, Pangulo ng SDG, na naging mahalaga ang pagtitipon upang linawin ang mga programa at suporta para sa pag-unlad ng mga kasapi.
Aniya, “[Kari na General Assembly] makahatag sailaha og klarong pagsabot sa mga programa, resources, ug suporta aron makatabang nila sa pagpa-improve sa ilang skills, disiplina, ug overall performance.”
Dagdag pa ni Vargas, mahalaga ring makita ng mga manlalaro na handa ang grupo na sumuporta sa kanilang pagunlad; nagsisilbi itong plataporma para sa paglago ng kumpiyansa at kakayahan.
Binigyang-diin ni Janis Antoinette Pinque, Pangalawang Pangulo ng SDG, ang kahalagahan ng pagtitipon bilang pagkakataon hindi lamang para sa mga mag-aaral kundi para palakasin ang suporta sa samahan.
“The GA can contribute to the long-term pursuit of sports excellence in the whole MSU-Gensan SDG community. This, in turn, can attract more organizations to partner and support SDG’s future
programs,” pahayag ni Pinque.
Dahil sa limitadong pondo ng grupong may 265 na miyembro, tinalakay sa general assembly ang papel ng support funds mula sa SDG at SSC, pati na rin ang sponsorship mula sa labas upang pondohan ang mga aktibidad tulad ng 2nd MSU-GenSan Sepak Takraw Open Tournament at suportahan ang muling pagsali sa MASTS Friendship Games.
Iginiit ni Pulia na normal para sa bagong tatag na samahan ang kakulangan sa pondo at kagamitan; kaya’t isa sa pangunahing hakbang ang pagbuo ng plano para mapalago ang pondo at matugunan ang pangangailangan.
“Above all, even with limited resources, the officers must remain honest and transparent with the members. They should be open about budget limitations and actively involve everyone in decisionmaking, because when members witness honesty and effort, they are more likely to be understanding and cooperative,” ani Pulia, tagapagpayo ng SDG.
Ipinunto rin ng mga opisyales ang pangangailangan ng mga hakbangin tulad ng sustainable at income-generating projects, gayundin ang paggamit ng kanilang koneksyon at paghahanap ng tagasuporta upang mabawasan ang gastusin sa logistics at kabuuang budget ng SDG.
Kinilala ng mga opisyales na dapat ipakita sa mga miyembro kung paano nakakaapekto ang bawat proyekto sa kanilang karanasan at pagganap bilang atleta.
Nagtapos ang kaganapan sa pagpapatibay ng pagkakaisa ng mga atleta at sa pagpapaigting ng mga programang magbibigay-daan sa mas maraming
AMPLIFYING VOICES DEFENDING FREEDOM PUBLISHING TRUTH