
3 minute read
Ang dibisyon sa pagbasa at pag-intindi
EDITORIAL
Ang dibisyon sa pagbasa at pag-intindi
Advertisement
Kamakailan lamang ay umalingawngaw ang balitang nasa laylayan ang bansang Pilipinas sa reading comprehension o pag-intindi sa pagbasa ng 80% ng mga estudyanteng labinlimang taong gulang. Base 'yan sa Programme for International Student Assessment (PISA), na naglalayong suriin ang sistemang pang-edukasyon sa higit 90 na bansa, nang nagsagawa sila ng pagtatasa noong 2018 at lumabas ang resulta noong sumunod na taon.
Eh anong koneksyon ng mga estudyanteng edad 15 sa mga nasa kolehiyo na? Maaari ngang mahubog pa ang kaalaman ng isang tao habang tumatanda sa pamamagitan ng mga karanasan sa buhay, pero napakalaki ring salik and edukasyong nakukuha mula pagkabata. At kapag sinanay natin ang mga sarili natin na 'di marunong umintindi, kalauna'y magiging ugali natin ito hanggang pagtanda.
• ANTAS NG LITERASIYA SA BANSA
Ayon sa 2019 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay 91.6% ang literacy rate ng ating bansa sa nasabing taon na nangangahulugang sa bawat 100 na Pilipino ay may 94 na marunong bumasa at sumulat.
Pero aminin na natin-- ang totoong buhay ay hindi lamang basta umiikot sa dalawang ito. Hindi natin maikakaila na ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay napakahirap- dulot na rin ng estado sa pamumuhay, kakulangan sa serbisyo ng gobyerno, at mahinang kalidad ng pagtuturo ng ibang guro. May mga nagiging iskolar nga dahil lang sa koneksiyon, samantalang napakaraming estudyante ang may potensiyal na 'di nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral at mapalawig pa ang kaalaman. O tipong quiz-quiz na lang kahit 'di gaanong nagdiscuss si prof! O kaya chika minute na lang basta naisulat na ang notes sa pisara. Hindi rin naman lahat ng estudyante may kakayahang magself study-- may nadadalian, may nahihirapan. Kadalasan wala ring reflective teaching; basta nadiscuss, 'yun na.
• SENTIDO KOMUN
Hindi laging full package ang handog ng paaralan. Prayoridad nga nila ang disiplinahin, pangaralan, at gawing responsable ang mga mag-aaral-- pero hindi naman epektibo ang common sense. Tuwing quiz nga, ultimong "Write TRUE if the statement is correct and write the correct answer if the statement is FALSE." na nakaBold na, iniiyakan pa ng estudyante pag checking dahil "FALSE" 'yung isinulat. At heto, ang pinakasikat na "Okay, class. Bring out 1/4 sheet of paper," ang sagot ba naman, "Ay, 1/4, mam? Hindi po 1/2?" Baka naman talagang kailangan na natin ng major subject para sa critical thinking?
Isa pang halimbawa ay ang isang opisina sa
PHINMA University of Pangasinan (UPang) na may napakalaki na ngang signage sa pintuan na "Pull", ipuPush pa rin. O kaya may announcement sa Facebook ang department, kumpleto na nga ang detalye, may magcocomment pa ng "Sir, what time po?" Partida, magaling umintindi ng memes pero instructions, hindi.
• AYAW SA KONSTUKTIBONG KRITISISMO
"Eh di ikaw na magaling!", "Pabibo," "Oo na, bob* na ako!" Ilan lamang 'yan sa mga maririnig natin kapag itinatama natin ang mali nila o sinusubukang ipaintindi sa kanila ang mga bagay-bagay. Nakakalungkot, pero totoo. Balat-sibuyas ang karamihan sa Pilipino ngayon sa konsepto ng "criticism for self-improvement."
• PAGKAWALANG-INTERES
Madalas, kapag nakabasa o nakarinig na tayo ng isang opinyon ay pakiramdam natin ay tama na. Ang emosyong bumabalot sa ating basta-bastang paghatol sa mga bagay o pangyayari ang pumipigil sa pag-intindi natin sa makatwirang pag-iisip.
• TALAMAK ANG FAKE NEWS
Malaki ang kontribusyon ng social media sa pagkalat ng fake news. Ukol sa Social Weather Stations (SWS), 76% ng mga kolehiyo sa Pilipinas ay naniniwalang ang fake news ay mas lalo pang dumarami sa panahon ngayon. Nasanay na rin ang karamihan sa mas mabilis na pagshare kaysa pagcheck muna ng facts, at panay lamang pagbase sa headline nang hindi binabasa ang content. Ito ay tinatawag na Illusory Truth Effect.
Ilan sa mga paraan ng pag-unawa sa mga binabasa ay ulitin sa isipan ang talata. Kung hindi kuntento sa impormasyong nakalap, mangyaring magresearch. At kung hindi pa rin naintindihan ay wala namang masama kung tayo's magtanung-tanong at humingi ng tulong sa iba. Sa paraang ito ay masasanay natin ang ating sarili na malayong may dibisyon sa pagbasa at pag-intindi.
Magsasagawang muli ng pagtatasa ang PISA sa 2022 na magpopokus naman sa Creative Thinking.