
4 minute read
OPINION| Walang Hangganang Political Neutrality

The JusTRIXIEfication
OPINION| Walang Hangganang Political Neutrality
Advertisement
by: Trixie Ann C. Bautista
Sa dekolor o sa puti, sa pula o sa dilaw. Tuwing may eleksyon, lagi nalang nating hinihimay ang lahat sa dalawa. Pero marami-rami pa rin sa atin ang hindi kayang bumuo ng paninindigan at nananatili pa rin sa gitna.
Akala ko rin noon, sapat nang mamagitan at tignan kung sino nga ba ang gugustuhin ng karamihan. Ngunit ang hindi pagpili ng sariling paninindigan ang siyang daan ng mga sakim upang magmalaki ng tagumpay.
Neutrality – ayon sa Merriam Webster’s dictionary, ito ang refusal to take part in a war between other powers o hindi pagpili ng papanigan sa pagitan ng labanan ng impluwensya.
Hindi ko mawari kung bakit kailangang mamagitan sa dalawang kulay na magkaiba? Sa tama o sa mali? Kailangan pa bang pag-isipan ang mga bagay na kitang-kita naman na ng dalawang mga mata ang pinagkaiba?
Trending nitong mga nakaraang araw ang ating unibersidad dahil sa paglalagay ng pink lights sa itaas ng main entrance na hinihinalang simbolo ng pagbibigay suporta sa mga adhikain ng tumatakbong presidente na si Gng. Leni Robredo.
Umani ito ng 14 thousand reactions sa Facebook page ng What’s up Dagupan na siyang nagpost ng litrato sa Facebook page noong ika-19 ng Oktubre.
May mga natuwa, at meron din namang bumatikos. Napakagulo at napakaingay kung magkakaroon ng boses ang comment section.
Ngunit kung iisipin, ‘di hamak na mas mabuti na mayroong pinaniniwalaang prinsipyo ang isang tao kung kaya’t nakakapagsabi siya at nakapagbabahagi ng saloobin sa larangan ng pulitika at kung sino-sino man ang dapat na mamuno sa ating bansa sa darating na eleksyon.
Sa madaling pahayagan, walang masamang isalang sa debate ang paniniwala natin.
Balikan natin ang Tug of War. Ang pagpili sa gitna ay gaya lamang ng panonood sa kaganapan ng nagtatalong panig. Ang pakialam lamang ay nananatili sa kung sino ang panalo at sino ang talo. Wala kang pinanghawakan. Walang pinaglaban na tela ng paninindigan.
Kung mayroon mang dapat ng puksain, 'yun ay ang pagtrato sa eleksyon na akala ng karamihan ay sapat na ang maging neutral – maskara sa likod ng kawalan ng sariling paniniwala.
Isa pang halimbawa ng hindi pakikilahok ay ang pagiging tagapanood sa isang talastasan. Pumapalakpak, nakikinig, ngunit wala pa ring pinaglalaban na paniniwala sa buhay.
May mga pagkakataon sa buhay natin na kailangan nating makinig. Ngunit hindi ito habambuhay na pagtikom ng bibig at tamang dinig nalang sa pintig ng dibdib.
Tumayo ka riyan at pumili ng lubid na hihilain. Hindi ito binabase lang sa lakas at bangis ng mga kaalyado. Tungkol ito sa pagkapit mo sa iyong paniniwala na alam mong tama at hinding-hindi dapat bitawan.
Gamitin ang boses at makipagtalastasan. Tantyahin mo kung hanggang saan nga ba aabot ang iyong prinsipyo. May dapat bang baguhin sa paniniwala mo, o may dapat kang ibahaging kaalaman sa mga utak na musmos pa?
Ganun talaga ang pagpapakita ng malasakit sa bansa. Sa panahon na hinuhulma natin ang ating karapatan na bumoto, malaya kang manaliksik at magsaad. Huwag kang matakot na ikaw ay puksain, o kaya sa Gen Z terms - #cancelled.
Ngayon mo ibahagi na isa kang Pilipinong naninindigan sa bayan. Kung para sa’yo ay hindi dapat ginawang pangkalahatan ang kulay ng unibersidad, gamitin ang boses mong malayang magbahagi ng katotohanan. Hindi mahirap mamili. Binabalot ka lamang ng takot.
Magbahagi at makiisa. Sa darating na eleksyon, iyong political neutrality dapat ang una nating kinakansela. Sa panahon na nakikita natin ang dalawang kulay na magkaiba, hubugin ang opinyon sa mga bagay na suportado ng facts at hindi dala ng Fake News o ang makabagong pamamaraan ng black propaganda.
Hindi ito palakasan lamang ng naglalabanang impluwensya. Ito ay patungkol sa’yo, sa akin, at sa buong Pilipinas.