1 minute read

Huwag Tularan!

Next Article
Segunda Mano

Segunda Mano

Prosa ni Cresmarie Felmar T. Villarin Obra ni Rainaia Gem E. Leyson

Nagsimula ang lahat sa isang madugong patayan. Parang bulang nawala ang pangarap at pag-asa ng isang indibidwal na ang tanging hangad ay serbisyo at pagmamahal para sa sarili at bayan. Hindi na pinag-aksayahan ng oras ang tila palaisipan na krimeng nangyari. Nagkabuhol-buhol na imbestigasyong nagbunga ng pagsasawalang bahala sa kaso. Inayos na lang ang lamay at libingan, na siyang huling hantungan ng kaibigan kong si Ted.

Advertisement

Sa isang makulimlim na gabi, mga bisita ay hindi inaasahan. Itim at puti, puti at itim. Ang dalawa sa kulay na dapat sana ay suot-suot ng mga bisita. Napagawi ako at tumingin sa kabilang banda ng lugar. Pula, berde, rosas, at asul. Paano ba nahaluan ng iba’t ibang kulay ang taimtim na pagtitipon para sa kaluluwang ipinagdarasal?

May kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan ang mga bisitang puslit. Nakipagkamayan, nag-abot ng abuloy sa naulilang pamilya, at nakipag-usap sa mga tao sa paligid. Parang pamilyar ang mga imaheng ito sa publiko, na lumalabas lamang sa kanilang lungga upang mag pakitang-tao at aalis kaagad upang makatakas sa kaluluwang sakim sa hustisya.

“Maghunos-dili kayo!”

Galit na sigaw ni Nanay Delia nung nakita niya ang ginawang kalapastangan ng mga bisita sa lamay ng kaniyang anak. Dali-daling tumayo ang mga ito at lumapit paisa-isa sa matanda. Mga salitang pangako para sa hustisya, kaakibat ng sinseridad ng tono, ngunit buwayang luha ang huling kasangkapan na kukompleto sa rekados na inihanda. Nagpaalam at hindi na lumingon pa sa himlayan ni Ted, upang makapagpagpag sa kasinungalingang dala-dala.

Napailing na lang ako at tumingin sa aking orasan. Ikawalo ng Mayo ang petsa noong gabing iyon.

"Ah, kaya pala…"

This article is from: