1 minute read

Strangled Serenity

Next Article
Myths by the Shore

Myths by the Shore

dilaᜊ᜔

1944

Advertisement

Walang kabuhay-buhay ang mga dahon sa labas at tila humayo ang huni ng mga ibon. Ako’y kinaladkad sa pulang bahay. Isang marangyang mansiyon na pinawi ang aking mundong maligaya. Sa ilalim ng sikat ng araw naging mutsatsa, sa gabi nama’y ginawang tagaaliw ng mga sundalong mula sa lupang sikatan ng araw.

Isa ako sa mga babaeng nakakulong sa isang silid na ‘di maapuhap ang bintana. Mga madidilim na pader, na may matingkad na bumbilya. Niyakap ng takot, kalumbayan, at maging ng kamatayan.

Wala ako ibang nais gawin kundi sansalain ang paglubog ng araw, upang mga katawan nila’y manatiling panaginip lamang. Hindi ko na rin mabilang kung ilang ginoo ang bumungad sa aking harapan, dahil ako’y nakatutok sa buwan na gusto kong gawing araw.

Walang habag, walang puso.

Limang daan at apatnapu't pitong araw. Matagal pa upang palayain nitong lupang sinilangan. Mga kasamahan at katuwang ko ay isa-isang binalot sa banig ng tambo. Ang mamatay ay may ganap na katahimikan.

Paalam sa mga matapang.

Mukha ko’y napuno ng luha mula sa mga matang kayumanggi. “May naghihintay na bangka sa dulo ng rumaragasang tubig.”

Nakita ko ang Birheng Maria, maybahay ng isang opisyal. Ang mga nasa ko’y pasalamat ay natupad at ang mga mapapait na luha bukas ay mapaparam na.

Ang huni ng inang bayan ang naging kasama ko papalayo sa pulang asilo. Mga mapapanglaw na ulap, ngayon ay nawari sa sikat ng araw. Ngunit, ang pag-ibig ay napalitan ng takot at hiya, aaminin kong ilang halik ang dumapo sa’king balat.

Animnapu't tatlong taong nakabalot sa banig na tambo ang mga gabing mapanglaw.

Makibaka!

Huwag sanang makalimutan ng mga nasa kasariwaan ang panganib ng digmaan. Hanggang sa mga nalalabing araw, ako’y maninindigan upang ang mga baho ng niponggo’y makagising ng mga kabataan. Pag-asa, pangarap, at pagbabago ang nais kong makita sa mga mata mo.

This article is from: