
2 minute read
Sabi ni Lola . . .
Prosa ni Justine Y. Toñacao
Paalala: Ang kwentong ito ay naglalaman ng maselang konteksto.
Advertisement
Sabi ni Lola, bawal daw maglaro ng habulan sa gabi.
Pero ako ngayo’y nasa gitna ng kagubatan, tumatakbo sa ilalim ng nakangiting buwan. Hindi kaibigan ang humahabol sa akin at mas lalo nang hindi na ito laro.
Lumingon at nakita ko ang malaking silweta na tila taong humahabol sa akin. Galit na sumisigaw ng mga salitang ‘di ko maunawaan. Bumalik ang tingin ko sa harap, patungo sa liwanag na galing sa bayan.
Sabi ni Lola, huwag daw makipag-usap sa mga taong hindi ko kilala.
Pero lahat ng ito ay dahil sa isang simpleng alok ng nagpakilalang kusinero. Hanap daw niya ang hindi pangkaraniwang asin na matatagpuan lang sa isang tindahan sa gitna ng kagubatan sa labas ng aming bayan.
Binigyan niya ako ng sobreng may perang ‘di ko mabilang sa rami. Pagkarating ko raw sa tindahan ay ibigay ko ang sobre sa tindero kapalit ang asin, sa hatinggabi, at ihatid sa kaniya ang supot ng asin at bibigyan niya ako ng maraming pera.
Sabi ni Lola, bawal daw bumili ng asin sa gabi.
Hindi ko alam kung bakit bawal ngunit habang bitbit ko ang supot, kaakibat ang pagsakit ng mga paa sa kakatakbo, ay siyang pagsisisi kung bakit ko tinanggap ang alok ng kusinero. Sa kabila nito’y mas nabulag ako sa perang makukuha ko. Para ito sa gamot ng Lola ko.
Sa wakas ay nakalabas na ako sa gubat at nakapasok na sa bayan namin. Ang itim na silweta’y unti-unti nang lumalapit sa akin.
“Peke ang pera mo, 'tang-inang bata ka!” sigaw ng tindero. Malapit na ako sa tagpuan namin ng kusinero ngunit bigla akong hinila palikod. Akala ko’y nakahabol na ang tindero sa akin ngunit sa pagtanaw ko sa mukha ay isang takot na matanda—si Lola. Niyakap niya ako sa kanang kamay habang sa kaliwa naman ay hawak niya ang isang madugong itak. Sa likod niya ay ang tinderong nakahiga sa kalsada.
“Huwag mong saktan ang apo ko!” sigaw ni Lola at binaling ang tingin sa akin mula sa tindero.
“Diyos ko, Dino! Bakit ka napasali sa mga bagay na ito?!” sabi niya sabay kuha sa supot at inihagis papalayo sa akin. Biglang may putok na lumikop sa paligid. Nakatayo na ang tindero at may hawak na baril na nakaturo sa aming kinatatayuan.
“Anong kailangan mo? Pera? Babayaran ka namin ngayon din!” iyak ni Lola habang mahigpit ang yakap sa akin.
“Pasensya na pero, sabi ng Lola ko, bawal daw magbayad ng utang sa gabi,” sabi ng tindero habang tinutok niya ang baril sa Lola ko.
Humiwalay ako sa yakap ni Lola at humarap sa baril sabay ang pagputok nito.
Napakalakas man ng putok ng baril ay mas narinig ko ang sigaw at iyak ng Lola ko sabay pagdilim ng aking paligid.
Under the bleak sky
Clipped wings unable to fly
No tears left to cry
Haiku by Shalghney Balangyao