
1 minute read
Ligaw na Kaharian
Tula ni Scott BJ E. Nadela
Obra ni Rainaia Gem E. Leyson
Advertisement
Karangyaan ay walang dudang tunay, Sa mga taong kung magtrabaho’y puspusan, Marangyang buhay ay tunay ring abot-kamay, Ng mga taong nakatira sa lugar na walang patutunguhan.
Alinsunod sa mga direksiyong ibinigay, Tayo’y magtatagpo sa kahariang puno ng buhay, Mga direksiyong nakabubulag ng mga mata, Nagbibigay kapangyarihan para bilugan ang balota, Tunay bang mga direksyon ay may patutunguhan?
Alinsunod sa mga direksiyon na siyang ibinigay, Hakbang puno ng pagsubok at nakadududang akay, Mga salitang nagbibigay lakas upang kaharian ay masilayan, At matamasa ang init dala ng karangyaan.
Testimonya ay pili ngunit walang duda’y tunay, Pagmamay-ari ng mga kamay na nag-aalok ng akay, Tila lahat ay walang hibik na maisalba, Sa paglalakbay sa lugar na walang patutunguhan.
Ngayo’y tunay ko nang naiintindihan, Kung bakit sa lugar na walang patutunguhan, Iilan lang ang tunay na naiimbitahan, Kailangang buong hibik ika’y bubulagin, Kapalit ang buhay sa kahariang ligaw ang patutunguhan.