1 minute read

Doble Kara

Next Article
Myths by the Shore

Myths by the Shore

Walang pagdadalawang isip na tinungo ang maputik na daan sa tanghaling tapat kahit isang linggo pa lamang ang nakalipas. Wari'y ‘di alintana ang amoy, init, at dumi ng ‘di mahulugang karayom na pagpupulong sa isang liblib na lugar. Nagsihiyawan at umalingawngaw ang ingay ng mga dumalo matapos marinig ang bawat talumpati. Sinong mag-aakala na ang nakahanay na pula ay sasambahin ng madla?

Advertisement

Ikaapat napu’t limang araw at panay ang pagbabalot ng pangkat sa bukang-liwayway. Ani ng lider, mas mainam na maipaabot ang mga ito bago mag-almusal. Ilang minuto nalang at sasapit na ang alas-sais, hudyat ng simula ng pamimigay ng supot na may lamang pandesal, kape, at biskwit. Magkabilang tenga ang ngiti ng mga kapos palad habang karga-karga ang katiting na pagkain; pilit na pinagkakasya ng isang malaking pamilya.

Lumipas ang siyam napu't araw na walang ibang sadiya kundi himukin ang puso ng mga tao. Mahikayat na ang pulang hanay ang liliman gamit ang kani-kanilang pluma sa pagsapit ng pinakahihintay na araw. Nabuhusan ng pag-asa at diwa ang mga mamamayan mula sa mga pananapos na mensahe. Inakalang abot-tanaw na ang minimithing pag-angat ng buhay matapos sambitin ang panata mula sa kanilang tinitingala.

Ngunit walang sinuman ang nakapagtanto na matapos sila’y mapasagot ng oo, bubungad ang imaheng salungat sa nakilala ng publiko. Imaheng bumabasura ng pangako, mapangdaya sa serbisyo, at umaalpas sa tungkulin—dahilan ng pagkaudlot at paghupa ng masigasig na loob ng mga mamamayan.

Tunay na ang mga matatamis na pangako ay kinagagalak ng nakararami. Ang mga simpleng pagbikas ng mga salita ay tila ba naging sagot sa kumakalam na sikmura, kakapusan, at dahas. Kaya't mamamayan ay nalinlang muli sa mumunting tulong. Nakikiliti sa motibo at pambobola. Nadadala sa panliligaw na inakala’y dalisay at walang humpay pero kung tutuusin, magaling lang pala sa umpisa. Marahil iilan sa atin ay hindi pa rin mulat sa mga mapagpanggap at mapagsamantala.

This article is from: