
1 minute read
"Tabi-tabi Po"
Prosa ni Chelsea S. Candidato Obra ni Alessandra S. Villaroya
Lingid sa aking kaalaman ang mga pagbabago sa pagtiklop ng bawat pahina ng buhay dahil lamang sa isang engkwentro— lahat pala kasi ay dapat binibigyang galang.
Advertisement
Takot ang naging susi, lalo na’t maniwala’y pilit idinidiin ng mga naunang nailathala sa tulad kong nakagisnan ay pagkakubkob sa mga edipisyo at karangyaan. Doon ay nakapuslit ang marka ng isang hindi maipintang mahika; ang sakit, hirap, at lunas ay hindi mahagilap. Mga salitang inukit mula sa kalibliban ng aral na siyang makatuturo tungo sa lagusan.
Lugar sana’y hindi na lang ginalaw.
Ako’y natuto na, sa masusukal at hindi natatauhang lugar sila’y namamalagi, kaya't sa pagsapit ng dilim pag-iingat ay kinakailangan. Na sa bawat paghakbang ay dapat sambitin ang mga katagang “tabi-tabi po” na siyang magbibigay babala sa mga hindi nakikitang nilalang sa aking pagdaan.
Ang lahat ay doon na pala nagwakas—nang dahil lamang sa isang pagkakamali, pero ngayon ay alam ko na, kung sa una ang paniniwala’y hindi ko magawa. Nakalulungkot mang isipin pero ang lahat ay nagbago habang ako ngayo’y nakatingin sa malamig kong bangkay. Alam ko na, pero huli na pala ang lahat.