
1 minute read
Babaylan, Babae Lang?
Tinitingala at ginagalang, batid ang kapangyarihan. Namumukod tangi, lampas ang kahiwagaan at karunungan.
Kanilang binibigkas ay pawang katarungan at katotohanan. Kaya’t inihahayag bilang susi sa maliwanag na kinabukasan.
Advertisement
Mga bibig na noo’y gumagabay sa mga taong naglalakbay, Ngayo’y nananatiling may busal sa bibig at kadena sa paa.
Dalubhasang kamay na siyang nag-aaruga’t nagpapagaling, Ngayo’y nakakubli, baka masabihan ka pang nagmamagaling.
Puno ng makabuluhang panaginip at masidhing pangitain, Ngunit ngayo’y bihira na lang maabot ang mga layunin.
Noon ay laging nababatid sagradong tawag ni Bathala, Ngayo’y umiilag sa mga bastos na tawag at paanyaya.
Nagliliyab at kumukulong puso, daig pa ang bagsik ng bulkan.
Pwersahang pinapatay sa takot ng mismo nilang kakayahan.
Kung kaya namang bigyan ng kaluwalhatian ang isang lipunan, Kanila rin itong maipapabagsak kung hindi mapoprotektahan.
Minsan nang namuno’t namahala ang ating mga kababaihan, Saksi ang iba’t-ibang rehiyon, kabihasnan, at nakaraan.
Kung kaya sila ay 'wag pagbawalan sa kanilang karangalan.
Bagkus, baguhin ang sistemang sakim at puno ng kalupitan.
Babae, huwag mong kimkimin ang sidhi ng damdamin.
Huwag hayaan na tayo’y hubaran at gawing mga alipin.
Wasakin, mesa ng mapang-api, hilahin ang silya at umupo. Noo mo’y itaas, sapagkat tayo ang susunod na mamumuno.