The Perpetualite Literary Folio: Samu't Saring Maskara

Page 1

The Perpetualite Samu'tMaskaraSaring

CEO's Corner

Malugod kong binabati ang mga bumubuo ng The Perpetualite sa kanilang pagsusumikap na makabuo ng likhang-sining na ito. Ang paglalathalang ito ay nagpapakita ng iba't ibang talento ng ating mga manunulat at ating munting ambag sa kultura ng panitikan sa Pilipinas.

Ang maging isang manunulat ay nangangahulugang pagiging konektado sa sarili. Ang maging manunulat ay nangangahulugang pagiging alagad ng kasaysayan, tagamasid ng mga emosyon ng tao, o sugo ng pag-ibig. Ang maging mambabasa ay isang paraan din ng pakikipag-ugnayan sa sarili. Ang pluma ng manunulat ay lumilikha ng mga mundong kahanga-hanga at mga kaalaman. Ang maging manunulat at mambabasa at tagahanga ng nasusulat na salita ay isang pagsusumikap na unawain kung ano ang ibig sabihin na maging tao at kung ano ang ibig sabihin nang mabuhay.

Kapag nagbabasa o nagsusulat, tayo ay nasisiyahan at natututo. Ngunit higit pa roon, ang pagsusulat at pagbabasa ay nagbibigay-daan sa atin na isipin ang mga mahahalagang konsepto tulad ng pagkakakilanlan para sa indibidwal at pagkakakaisa para sa lahat.

Sa pag-usbong ng internet at social media, ang kasikatan ng nasusulat na salita ay maaaring maglaho. Ngunit umaasa ako na ang likhang-sining na ito ay magsisilbing inspirasyon para sa mga manunulat na Perpetualite na magpatuloy sa pagsusulat at pagbabasa.

Mabuhay ka, Perpetualite!

Editor's Note

Sa bawat ngiti na ating ipinapakita ay ang lungkot na ating ikinukubli sa karamihan. Ang bawa't isa sa atin ay may maskarang pilit isinusuot maitawid lamang ang isang araw na puno ng pagsubok. Sa mundong puno ng mga mapanghusga, samu't saring maskara ang naging solusyon upang maitago ang totoong nararamdaman.

Sa bawat pahina ng panitikan na ito ay masasalamin ang mga kwento at damdamin na ating nararanasan. Ating tung hayan ang mga litrato at akda na magsasalaysay ng samu't sa ring emosyon na nagpatibay sa atin.

The Perpetualite

ADVISER

Ms. Rowena G. Morta

EDITORIAL BOARD

Ma. Angel Nicole Rondez | Editor-in-Chief

Erica Mae E. Tamparong | Managing and Features Editor

Juliana Andrea L. Agbulos | Sports Editor

Paola P. Rigor | Literary and Forum Editor

Justin Isaac D. Uy | Chief Photographer

Sean Paolo V. Resente | Chief Artist

PHOTOGRAPHERS

Carlos Raphael R. Acosta

Christian Barnachea

Donelien K. Rico

Justin Isaac D. Uy

LAYOUT ARTIST

Jansel Jana L. Timbreza

“Ama’t Anak”

Isinulat ni Alan Joshua G. Adoviso

Isang salita, isang kibot, isang suntok,

“Tumigil ka!” Pagpigil ng lola sa isang ama.

Habang ang mga luha ay pumapatak,

Pagtaas ng boses ay nakasisindak.

Habang sinusunod ang mga utos,

Mas dumarami ang mga galos.

May mga namumuong katanungan,

Bakit kailangang maranasan? Bakit kailangang pagdaanan?

Hinahanap ang ugat sa poot na tinataglay

Ng isang amang mundo’y walang kulay.

Dapat ba na iparanas mo ang iyong madilim na nakaraan

Sa isang bata na walang kamuwang-muwang?

“Patayin mo nalang kaya ako!” sigaw ng binata.

Napatigil ang ama sa kaniyang paghambalos, Ang binata ay nagulat sa pagsambit at ‘di makakilos.

Sa tagal ng panahon, ngayon lamang naglakas-loob

Para mailabas ang naipong galit magmula pa noong ito ay paslit.

“Patayin? Wala pa ‘to sa naranasan ko noon,”

Giit ng ama na tila nagkukumpara.

Sa kanyang makitid na pag-iisip, ito lamang ang naiisip.

Ito ba’y paraan lamang ng pagdidisiplina?

Ito ba’y naaangkop para sa makabagong henerasyon?

Isang salita, isang kibot, isang suntok.

Ang Pangarap ni Maria

Isinulat ni Donelien Rico

Bata pa lamang si Maria ay mataas na ang kaniyang pangarap. Ang makapagtapos ng kolehiyo at maging isang ganap na flight attendant at libutin ang buong mundo. Pinagpala siya sa ganda, tangkad, at talino. At tiyak ngang kung magpupursigi siya ay magiging isa siyang ganap na flight attendant balang araw.

Ngunit talaga ngang walang ginawang perpektong buhay ang Diyos. Pinagpala man siya sa pisikal na anyo, laki naman sa hirap si Maria at kailangan kumayod araw-araw para lang may lamang tiyan siya sa pang araw-araw, at may ibaon sa pagpasok niya sa eskwelahan.

Pero buo ang loob ni Maria, walang makakapigil sa pagtupad ng pangarap niya. Ngayong papasok na siya sa kolehiyo ay pagsasabayin niya ang pagtatrabaho at pag-aaral.

Lumipas ang ilang taon at naging isang ganap ngang flight attendant si Maria, taas noong naglalakad habang may hawak-hawak na maleta araw-araw. Binabati ang mga tao na may malaking ngiti sa kanyang labi.

Ngunit sa gabi, pag-uwi niya at tatanggalin niya na ang kolorete na nasa mukha niya, hindi niya na matingnan ng maayos ang sarili sa salamin dahil natupad niya nga ang pangarap niya, pero marami naman siyang pamilyang nasira para patusin ang mga taong babayaran siya para sa katawan niya. Hindi niya matingnan ang katawan niya sa salamin dahil madumi na ang tingin niya sa sarili at nandidiri na siya.

Bawat parte ng katawan niya ay isinisigaw ang nakaraan niya na naging dahilan sa kung ano siya ngayon.

Balak

Isinulat ni Ellah Escasa

Gabi noon nang una itong mangyari. Tinutok niya sa akin ang kutsilyo, nagbabalak na kitilin ang aking buhay.

"Anak?" tawag ni Mama. Nabitiwan niya ang kutsilyo ng marinig ito.

Sa pangalawang pagkakataon, binalak niya akong itulak mula sa sampung palapag na gusali, buti na lang at may dumating, kaya hindi niya ito naituloy.

Ang pangatlo ay ngayon, nakatingin ako sa kaniya, at alam ko na may balak siyang muli. Natatakot man ako ngunit kailangan ko siyang komprontahin.

"Bakit mo 'to ginagawa? Ano bang kasalanan ko sa'yo?" walang sagot, nakatingin lamang siya sa akin.

"Natatakot na ako sa'yo, itigil mo na 'to! Gusto ko pang mabuhay, please lang!" patuloy ko.

Humagulgol ako sa iyak at nanginginig sa takot habang siya ay nakatingin lang.

"Tama na please, tama na!" sigaw ko.

"Anak, ayos ka lang ba?" kinakabahang tanong ni Mama ng mabuksan niya ang kwarto ko.

"Gusto niya akong patayin, Ma!" sagot ko habang nakaturo sa kaniya.

"Ano bang sinasabi mo? At bakit ka umiiyak sa harap ng salamin?"

Pangako

Isinulat ni Paola Rigor

Magliliwanag na nang magising si Enrico sa ingay mula sa kanilang tahanan kaya naman agad siyang bumaba mula sa kaniyang silid. Panibagong araw na naman para mag-araro siya ng kalabaw ngunit tila naging bato siya sa nasaksihan.

Nakita niya ang ina na pawis na pawis habang nakaluhod. Agad siya nitong nilingon na tila ba nasiraan na ng bait.

"Anak ko, ipangako mo sakin na kahit anong mangyari ay hindi ka tutulad sa tatay mo,” nanginginig na paalala sa kaniya ng kaniyang ina habang abala sa pagputol ng kung ano malapit sa pintuan ng kanilang kubo.

Pilit nilalabanan ni Enrico ang mga luhang nag-uunahang pumatak. Nakatayo sya sa harapan ng nanay niya habang naginginig ang kaniyang mga tuhod maging ang buo niyang katawan matapos masaksihan ang pinuputol ng ina.

"Ma, tama na..." nagmamakaawang usal ng disi-sais anyos na binata.

"Shhh. Hindi na tayo kailanman iiwanan ng tatay mo, Anak ko," nakangising sagot ng ina habang hawak-hawak ang dalawang putol na paa ng tinaga niyang asawa.

"Ma, natatakot akong maging katulad ka..."

Kalabanin ang Kahirapan, o ang mga Mahirap?

"Alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program na ipinatupad pa noong 2017 ay ipatitigil na ang operasyon mga traditional jeepneys sa kabila nang lahat ng diskusyon at pagpoprotesta ng pang-transportasyong organisasyon sa bansa; epektibo sa ika-31 ng Disyembre ngayong taon."

"Edgar mahal, ‘di bale na't 'wag kang mag-alala ha? Maghahanap akong trabaho sa lalong madaling panahon, balita ko'y naghahanap ng labandera sina Madam Tiongson."

Salo-salo ang pamilyang Dayawon sa hapagkainan upang mag-hapunan habang nanonood ng balita, kakauwi lamang ni Edgar galing pamamasada at mahinahon itong pinangalagaan ni Cristina. Ang masugid na mag-asawa ay may tatlong anak na masipag sa eskwela.

"Salamat, Mahal! Pero kaya ko na ‘to, alagaan mo na lamang ang sarili mo at ang mga anak natin."

Tatlong taon na rin nang malaman nilang dinapuan ng leukemia si Cristina, at dalawang taon na rin nang palayain si Edgar mula sa pagkakakulong nang dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Ang rason niya? Mahirap ang buhay, at ang kaban ng bayan ay ‘di nakakarating sa dapat na paroroonan. Simula noon, pamamasada na ang naging panghanap-buhay ng pamilya.

Sumulyap si Edgar sa kaniyang mga anak na walang muwang at sa estado ng taong pinangakuan niya sa harap ng Diyos: malalim ang mga matang dati'y nahanapan ng pag-ibig at maninipis na ang mga brasong yumayapos sa oras ng kahirapan.

"Kaya ko, kahit ano, basta para sa inyo."

Hinawakan ni Edgar ang nanrurupok na kamay ng asawa at hinagkan ito.

Hindi man niya gugustuhin ang kaniyang gagawin ay ito na lamang ang tanging paraan upang mamuhay ang kaniyang pamilya.

'Patawarin niyo ako, para sa inyo ito.'

“Sa Aking Tabi”

Isinulat ni Juliana Agbulos

“Mahal kita, Jo,” ‘yan ang tatlong salitang araw-araw kong naririnig kay Charles noon. Mula paggising, habang kumakain, o kahit pa bago matulog, hinding-hindi niya kailanman nalimutang ipaalala sa akin ‘yan. Kaya sa tuwing maalala ko siya, hindi ko pa rin maiwasang hindi maluha. Ilang taon na nga ba? Isa? Dalawa? Tatlong taon? Mula nung huli kaming magkita.

Kaya naman ngayong nakatitig ako sa kaniyang mga mata habang dinadama ang iba’t-ibang sensasyong kaniyang ibinibigay, hindi ko maiwasang maluha. Sa katawan naming ngayo’y iisa na tila ba’y labis ang pangungulila sa bilis ng aming ritmo, hindi ko maiwasang maluha.

At nang kaniyang binigkas ang mga salitang matagal ko nang inaantay na marinig muli, “Mahal pa rin kita, Jo,” hindi ko pa rin maiwasang maluha… habang unti-unting hinahawakan ang singsing sa kaniyang daliri. Ilang taon na nga ba? Isa? Dalawa? Tatlo? Mula nang siya’y kinasal sa iba. Pero, saan pa rin siya dinadala ng kaniyang mga paa? Heto, sa aking silid, sa aking kama, sa aking tabi pa rin.

Kiliti

Isinulat ni Angelika Estrada

"Ahhh... Ahhhh.. Shit...."

Ramdam ko ang kiliti na tila ba kumukuryente sa bawat sulok ng pagkatao ko. Mula ulo hanggang paa. 'Yung utak ko, hindi na kayang mag-isip ng tama. Napaka-bilis pa ng tibok ng puso ko. Umaangat na rin nang bahagya ang ulo ko sa sensasyong nararamdaman ko. Ibang klase 'to! Napakatagal, marahan, pero hindi ko magawang pigilan ang sarili ko–parang konti na lang darating na ako sa rurok. Konti na lang. Ayan na.

Unat na unat na ang mga paa ko, wala na akong iba pang maramdaman kundi ang kiliting 'to. Hindi siya bagong pakiramdam, pero...

"Ahhhh.... Ahhh... Shit..."

Napabalikwas ako sa kalabog na galing sa pinto. "Punyeta naman, Marjun! Ang tanda tanda mo na, umiihi ka pa sa kama!"

GUBAT

Isinulat ni Wilson Carlo Dela Torre

Sa’king pagbaybay sa kapunuuan Gaspang ng tali'y aking naramdaman Sa aking leeg, ako ba'y mangingiliti O mahalaga ba na ako'y ngumiti?

Mahirap magtali ng isang lubid kapag pighati ang nasa iyong gilid. Mag-isa kasama ng simoy ng hangin, kapayapaan sa huli, aking lalasapin.

Sa gitna ng gubat, sa gitna ng gabi, liwanag ang nakikita sa pagpikit ng dilim. Hindi maipaliwanag ang sakit ng damdamin, hindi maintindihan ang sigaw ng pusong sakim.

Kaya't hindi kalungkutan ang mamayapa ng matulin, dahil katahimikan lang ang siyang magsasalin.

Reach us at: @theperpetualite | theperpetualite.wordpress.com | theperpetualite@perpetualdalta.edu.ph
Year 2023-2024
Academic

Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
The Perpetualite Literary Folio: Samu't Saring Maskara by The Perpetualite - Issuu