Destinasyon
ni Myla V. Leonardo
Iba ang sayang Pinoy ni Arrian Marie O. Bunda Ang bagong tagline na ginagamit ngayon bilang pang-akit sa mga turista ay ‘It’s more fun in the Philippines.’ Isang malaking hamon sa Department of Tourism (DOT) na mahikayat ang ordinaryong tao (tayo ‘yun) na muling ipakilala ang ating sariling bayan sa mga dayuhan at kapwa Pilipino na nasa ibang bayan ang masaya at magandang Pilipinas. Lahat tayo ay hihikayat na ICHISMIS, IPAGSABI, IKWENTO, IDALDAL, IPAALAM at ISIGAW nang malakas sa buong mundo na IT’S MORE FUN IN THE PHILIPPINES! Saan ka nga ba nakakakita ng mga taong kahit ano pa ang inabot na hirap sa buhay ay palagi mo pa ring nakikita na nakangiti habang sinusuong ang kahirapan? It’s more fun in the Philippines! Saan ka nakakita ng mga taong ipinaglalaban ang demokrasya sa pamamagitan ng pagbibigay ng ngiti, bulaklak, pagkain at rosaryo sa mga sundalong kalaban? It’s more fun in the Philippines! Saan ka nakakita ng bayan kung saan ang taong naglilipat-bahay ay bahay ang mismong binubuhat para ilipat. It’s more fun in the Philippines! Saan ka ba nakakita ng mga taong maligaya sa paglangoy kasama ang mga nakangiting kaibigan sa malalim na bahang dulot ng kalamidad. It’s more fun in the Philippines! ‘Masaya’ ang madalas na sinasambit natin bilang sukatan kung ang isang event o okasyon ay tunay na makabuluhan. Kung hindi lang tayo palaging inaabot ng sakuna---- bagyo man o kalamidad dala ng masamang pulitika --- masasabi na isa tayo sa mga bansang siguradong mataas ang rating, kundi man sa GNP ay sa GNH naman---Gross National Happiness. Tayo ay likas na masayahin, hindi dahil sa tayo ay insensitibo kundi kaya nating lampasan ang mga pagsubok na ibinibigay sa atin habang tayo ay nakangiti at masaya. Hindi ito kababawan! May malalim itong kaugnayan sa ating ispiritwalidad. Iniisip natin na anumang nararanasan natin ay kaloob ng Diyos kaya kaya nating tanggapin at lampasan. Kakaiba talaga ang kapangyarihang Pinoy sa pagpapatunay na masaya sa Pilipinas dahil ang anumang karanasan kasama ang Pinoy ay laging more fun. ‘Yan ang espiritung Pinoy. Tayong lahat ay inaanyayahan na tumulong sa pagpapaunlad ng turismo sa ating bayan. Hali kayo at danasin nyo ang aming kagandahang-loob at kasiyahan dito sa bayang Pilipinas! Dahil dito, sa totoo lang…
It’s more fun in the Philippines!
Unti-unting nagtatago ang araw sa kanyang kanlungan at hinahawi ng dilim ang liwanag. Buong kasabikan kong hinihintay ang pagsapit ng takipsilim. Mapupungay na mga mata, mapupulang labi, namumutok at mamula-mulang pisngi at malambot na itim na buhok na sumasayaw sa ihip ng malakas na hangin. Puno ng paghanga kong pinagmasdan ang aking sarili sa harap ng salamin. Anak ako ng isang manlalayag. Ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig, ‘happy go lucky’ daw at walang anumang alalahanin sa buhay. Subalit para sa akin, tila pagkaing paulit-ulit na nakahain ang aking buhay. Sawa na ako…May isang bagay na nais kong makuha na hindi mabibili kahit sa pinakamalaki’t pinakasikat na mall at hindi kayang gawin maging ng pinakamahusay na designer. Gusto kong pabilisin ang takbo ng orasan.Nagmamadali akong tumanda, sawa na akong laruin ang maamong mukha ni Barbie. Pagod na akong makinig sa mga pagbabawal ni mommy. Nais kong matikman ang nakalalasing na lasong magdadala ng aking diwa sa mga lugar na ‘di pa naaabot ng aking mga paa. Nais kong bigyang-laya ang aking katawan sa pag-indayog sa saliw ng mahaharot na ilaw at maiingay na musika. Labis na ang kasabikan ng aking batang mga labi na matikman ang dampi ng mapupulang lipstick. Hanggang sa makilala ko si Lola Tasya… Sa mahigit isandaang lolo’t lola na inabandona ng kanilang mga magulang sa Bahay-Kalinga, si Lola Tasya ang pumukaw sa aking atensyon. Tahimik na nakaupo sa kanyang tumba-tumba, nakatingin sa malayo at tila ba hiwalay ang diwa sa karamihan. Lumapit ako kay Lola Tasya at iniabot ang isang bag na puno ng ‘health at hygiene kit’ na inihanda ni mommy. Bahagyang gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi pagkaraang tanggapin ang bag at maingat na ipinatong sa kanyang kandungan. Subalit hindi maikukubli ng kapirasong ngiti ang nabanaag kong lungkot , pangungulila at sakit sa malalabo at halos ‘di na makabanaag na mata ni Lola. May kung anong nagtutulak sa akin upang sumalampak sa damuhang katabi ng punong kanyang kinauupuan. “Lola, ayaw n’yo po bang makisali sa programa sa loob?” tanong ko, sa pagnanais na mabasag ang nakabibinging katahimikan. Muli kapirasong ngiti lang ang naging tugon ni Lola Tasya. Kay Jane, volunteer nars ng Bahay-Kalinga ko nalaman ang kwento sa likod ng malamlam na mata ni Lola. 60 anyos siya nang ibilin ng nag-iisang anak na si Tricia sa Bahay-Kalinga. Nagsusumamo daw si Lola Tasya sa pinakamamahal na anak na huwag siyang iwan du’n pero buo na ang pasya ni Tricia, nangako itong dadalawin nang madalas ang ina para hindi ito mainip. Iyon na ang naging huling pagkikita ng mag-ina makalipas ang labindalawang taon. May nakapagsabing kamag-anak nang dumalaw kay Lola Tasya na nakapag-asawa na ang anak at nagpasyang mamalagi na sa Amerika. Mula noon hindi na narinig nagsalita si Lola. Nakita ko kung paano ninakaw ng katandaan ang ganda, lakas, buhay at pag-asa mula kay Lola Tasya. Mabuti pa nung bata masaya. Kapag may problema ang takbo kay ina. Mabuti pa nung bata masaya. Mabuti pa nung bata masaya. Unti-unti nagtatago ang araw sa kanyang kanlungan, hinahawi ng dilim ang liwanag. Takot na takot kong pinagmamasdan ang pagsapit ng takipsilim.
Tanaga Pakatatag kang lubos lalo’t kayraming unos, sa buhay mong hikahos ika’y makakaraos. ( Pagsubok ) ni Jayza B. Lumague
Alay yaring talino maging puso’t talento, mahubog lang nang husto kabataang tulad mo. ( Guro ) ni Jayza B. Lumague
Salat sa yama’t singko walang puwang sa mundo, ngunit tunay kong ginto nasa aking sentido. (Edukasyon) ni Kline Cheelzea P. Lopez
Kung pag-ibig ay tunay lahat ay iaalay, handa itong dumamay, magtiis habambuhay. ( Pag-ibig) ni Iveta T. Alonzo
Bumabaha ng pamahiin
Handog ni Janice A. Atenas
Ligayang walang kahulilip ang kanilang nadama, Nang ika’y dumating sa buhay nila. Yaring pasasalamat ay walang pagsidlan, Sa unang pagkakataong ika’y nasilayan. Isa kang biyayang sadyang hiniling, Sa Poong Maykapal ay taimtim na idinalangin. Lahat ng hirap ay kinayang batahin, Upang magandang buhay sayo’y maihain. Sinikap matugunan balang iyong maibigan, Nang maginhawang buhay iyong maranasan. Ang mapaligaya ka’y tangi nilang asam, Sa bawat ngiti mo hirap nila’y napaparam. Panahon nga’y kaybilis na lumipas, Ngayo’y tahak mo na ang sariling landas. Sa tulong at gabay ng pagmamahal na wagas, Iyo nang abot-kamay ang magandang bukas.
ni Regina Grace L. Cordero
Bawal ‘yan!Naku malas ‘yan! Susuwertihin ka basta’t gawin mo ‘yan. Nasa panahon na nga tayo ng ‘modern age’ subalit may mga kaugaliang hindi mabubura lumipas man ang panahon at umusbong man ang modernisasyon. Naging kabahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay ang mga pamahiin. Mga paniniwalang nagsilbing gabay ng ating mga ninuno noong dakong una na magpasahanggang ngayo’y bukambibig pa rin nina lolo’t lola. Ngayong tag-ulan, babaha na naman ng mga pamahiing dapat nating isaisip para na rin sa ating kapakanan. Ilan sa mga ito ang sumusunod: • Upang huwag umulan kumuha ng abo sa inyong kusina at isabog sa inyong bakuran. • Swerte ang hatid ng mabining pag-ulan sa araw ng kasal, sinasabing may hatid itong kasaganaan at kaligayahan. • Kapag umuulan at lumakad sa gitna nito ang isang manok, titigil ang pag-ulan. • Gamot sa bungang-araw ang unang patak ng ulan sa buwan ng Mayo. • Kapag umuulan sa araw ng Todos los Santos ikaw ay susuwertihin at magkakaroon ng magandang ani. • Kapag may mahalagang pagtitipon/okasyon at ayaw mong umulan maghagis lamang ng damit sa bubong bago ang takdang araw ng okasyon. • Kapag umaaraw habang umuulan may kinakasal na tikbalang. • Kung ayaw mong tamaan ng kidlat tuwing may ulan, takpan mo ang mga salamin sa loob ng bahay. • Tatamaan ng kidlat ang sinumang magpapaligo sa pusa. Napakarami ng inobasyon at teknolohiya na nalikha ang siyensya subalit ang isang kaugaliang pinanday na ng panahon ang katatagan ay mananatiling isang pamanang magpapasalin-salin sa bawat henerasyong dadatnan.