Kabayan Weekly - UAE

Page 17

17

June 2 - June 8, 2011 www.kabayanweekly.com

LIFESTYLE | HEALTH Lubhang nakababahala:

Diabetes at Cardiovascular Disease

NITO lamang huli, isang seminar ang ginanap sa Dubai School of Government na dinaluhan ng mga dalubhasa at mga propesyonal mula sa iba’t ibang sangay ng medisina. Ang paksang tinalakay sa naturang seminar ay ang epekto ng mga sakit na Cardiovascular Disease (sakit sa puso) at Diabetes. Ang mga eksperto mula sa Dubai Health Authority na si Dr. Muhammad Hamed Farooqi, Direktor at Consultant Endocrinologist, Dubai Diabetes Centre, at si Dr. Obaid Mohammed Aljassim, Consultant at Pinuno ng Cardiothoracic Surgery Department sa Dubai Heart Centre ng Dubai Hospital ang mga panauhing tagapagsalita sa naturang seminar. Sa pakikipanayam ng Kabayan Weekly sa dalawang eksperto, iisa lamang ang pauli-ulit nilang sinasabi – tumataas na ang dami ng mga taong nagkakasakit ng diabetes at sakit sa puso sa buong mundo. Bagay na hindi dapat isawalang bahala o isakibit balikat lamang. Nakakaalarma din anila na ang mga sakit na ito na kung noon ay nagiging sakit lamang ng mga may-edad o matatanda, ngayon ay dumadapo na rin ang mga ito sa mga kabataan. Ang dahilan? Ang pagkakaroon ng unhealthy lifestyle. Ang hindi pagkain ng maraming prutas at gulay, ang kakulangan ng regular na ehersisyo, ang pagkakaroon ng mga bisyo tulad ng pag-inom ng alak at paninigarilyo ay nagbibigay daan upang ang isang tao ay madaling kapitan ng Cardiovascular Disease at Diabetes na kung hindi ito mabibigyan ng agarang lunas, ay maaari itong sanhi ng pagkamatay. Cardiovascular Disease Dito sa UAE, ayon sa dalawa, isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ay ang sakit sa puso. Ang Cardiovascular Disease o madalas nating tawaging sakit sa puso ay ang pagliit o nahaharangang mga ugat na pumipigil sa maayos ng pagdaloy ng dugo sa puso, utak at iba pang bahagi ng katawan, na nagiging dahilan dahilan ng pagkakaroon ng heart attack, Angina at stroke. Mga kadalasang simtomas ng sakit na ito ay ang paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga at ang pananakit o kawalan ng pakiramdam o panlalamig ng mga braso at mga binti. Maliban sa hindi pagkakaroon ng malusog na pamumuhay, may mga ibang dahilan din ang pagkakaroon ng sakit sa puso, ayon kay

Dr. Aljassim. Ang modernong pamumuhay at ang kapaligiran natin sa kasalukuyan na nagbibigay na mataas na stress level sa tao ay nagiging sanhi na rin ng pagkakasakit sa puso. Ang pagkakaroon din ng history o kasaysayan ng sakit sa puso sa pamilya ay isa ring risk factor. Mas mataas din ang risk factor ng mga lalaki kaysa sa mga babae, paliwanag ni Aljassim. Huwag din aniyang isantabi ang pagkakaroon ng mabigat na timbang at ang pagkakaroon ng malaking sukat ng baywang o waistline. Bagama’t nakakatakot ang sakit na ito, kadalasan ay nagagamot ito kapag naaagapan at kung ginagawang regular ang pagpapatingin sa doktor. Dapat ding ugaliin ang pagkain ng maraming gulay at prutas araw-araw, pagbabawas ng pagkain ng mga pagkaing nakakataba, pageehersisyo at ang pag-iwas sa mga bisyo upang maiwasan ang sakit sa puso. Diabetes Kung nakakatakot ang sakit sa puso, mas nakakatakot naman ang sakit na ito, dahil kapag ang isang tao ay meron nito, maaari kang atakihin sa puso o magka-stroke. Maliban dito, may mga komplikasyon din ang sakit na Diabetes, tulad ng sakit sa kidney, pagkabulag, at pagkakaputol ng mga binti. Ano ang Diabetes at bakit ito nakamamatay? Kadalasan ng pagkaing pumapasok sa katawan ng tao ay nagiging glucose, isang uri ng asukal. Ang glucose na dumadaloy sa dugo ay nagiging enerhiya sa ating katawan. Upang magamit ang katawan nang maayos ang glucose, kinakailangan ang hormone na tinatawag na insulin. Ang insulin naman ay nagmumula sa pancreas. Inilalabas naman ito ng pancreas sa pamamagitan ng mga beta cells. Kapag ang tao ay may sakit sa Diabetes, dalawa ang maaaring dahilan nito. Una, ay maaaring hindi nakagagawa ng sapat na supply na insulin ang pancreas o di kaya’y walang ka-

kayahan ang katawang gamitin ang sapat na insulin upang magsupply ng enerhiya. Dahil dito, ang mga taong Diabetic ay walang sapat na kakayahang sunugin ang glucose mula sa kanilang kinakain upang ito maging enerhiya, kung kaya’t naiipon ito sa dugo. Ang mataas na lebel ng glucose sa katawan o “high blood sugar” ay tinatawag na hyperglycaemia. Ang pagtaas ng lebel ng glucose sa dugo ang nagiging sanhi ng mga komplikasyon. Maliban sa mga komplikasyong dulot ng Diabetes, natuklasan rin ng mga eksperto na mas mataas ang probabilidad na magkaroon ng sakit na Depression ang isang Diabetic kaysa sa taong hindi Diabetic. Ang Depression ay isang seryosong sakit kung saan ang isang taong mayroon nito ay madalas at labis na nalulungkot nang walang dahilan, at matagal na nananatili sa kondisyong ito ang taong may Depression. Ang mga taong may Diabetes na may kasabay na Depression, ay mas mahihirapang gamutin ang kanilang sakit na nagiging dahilan ng paglala nito, na nagiging sanhi ng kanilang kamatayan. Walang pa diumanong gamot na nadidiskobre ang Siyensiya upang lubusang gumaling ang isang Diabetic. Diabetes at ang Pilipino Nakakalungkot mang aminin, marami ang mga Pilipinong namamatay sakit na Diabetes taon-taon. Sa pinakahuling talaan ng International Diabetes Federation (IDF) Diabetes Atlas para sa taong 2010, sa 50,999 bilang ng Pilipinong Diabetikong may edad na 20 hanggang 79 anyos, 50,797 ang binawian ng buhay. Ito ay napapabilang sa pangkalahatang porsiyento ng mga na-

mamatay sa naturang sakit sa buong mundo, na tumaas naman ng 5.5% nitong 2010 mula sa huling talaan noong 2007. Aminado naman si Dr. Aljassim, na ang pagdami ng mga Pilipinong nagkakasakit ng Diabetes ay dahilan ng kawalan ng sapat na kaalaman ukol sa naturang sakit. Mas mahirap din aniyang kumbinsihin ang mga Asyano tulad ng mga Pilipino, na bigyang pansin ang kanilang kalagayan kung sila ay may Diabetes, dahil sa kadahilanang sosyal at ekonomikal. Kung kaya’t nararapat aniyang paigtingin ang mga kampanyang pagbibigay ng sapat na kaalaman ukol sa sakit na ito sa lahat ng mga Pilipino sa buong mundo, lalo na sa mga nagtatrabaho sa UAE. Dapat aniyang malaman ng bawat Pilipinong expat na ang taong may lumalalang sakit na Diabetes na hindi nagagamot, ay mahihirapang makapakapagtrabaho ng maayos at sa halip na makatulong sa pamilyang umaasa sa kaniya, ay nagiging isa umano itong pabigat. Makatutulong din umano sa ating mga Pilipino kung babaguhin natin ang ating pang-araw-araw na diet o diyeta. Dahil ayon sa mga nutritionists, kinakailangang bawasan natin ang ating “total caloric intake” ng mga 30%. Damihan ang pagkain ng mga sariwang prutas at gulay, bawasan ang pagkain ng mga karne at paggamit ng mga mantika sa pagkain, at bawasan ang pagkain ng simple carbohydrates na matatagpuan sa mga processed food at refined sugar, tulad ng mga candies at softdrinks. Di lamang pagdidiyeta kundi ang pagbabawas din umano ng timbang ay isa ring paraan upang maiwasan ang sakit sa puso at maibsan ang komplikasyong dulot ng Diabetes. Ang mga lalaking may waistline na 35 hanggang 40 inches, ay may mataas na probabilidad na magkasakit ng Diabetes at atakehin sa puso, kaysa sa mga lalaking may 35 inches waistline. Samantalang ang mga babaeng may waistline na 32.5 pataas ay nanganganib ding magkaroon ng mga sakit na ito. Para maba-

wasan ang timbang at mapaliit ang sukat ng baywang, regular na pageehersisyo ay kinakailangan, tulad ng paglalakad.Malaking tulong na ang nagagawa ng paglalakad ng 150 minuto (pangkalahatan) sa isang lingo. Dapat lamang ay gawin itong regular upang maituring itong isang sapat na ehersisyo. Naniniwala naman ang mga dalubhasang tulad nina Dr. Aljassim at Dr. Farooqi na ang walang humpay na paglulunsad ng mga kampanya laban sa dalawang sakit na ito ay kailangan ding isagawa ng malawakan nang sa gayon ay mapigil na ang patuloy na pagdami ng mga pamilyang naapektuhan ng dalawa sa mga kinatatakutang sakit sa buong mundo. Kinakailangan ang pagtutulungan ng mga pribado sektor at ng mga pamahalaan ng bawat bansa upang labanan ang mga nakamamatay na Diabetes at Cardiovascular Disease. (kasama ang mga ulat mula sa www.idf.org; www. allaboutdiabetes.net) Bawat 21 segundo, may isang nadadiagnose ng Diabetes. Sa estima ng International Diabetes Federation, mahigit 300 milyon katao sa buong mundo ang may Diabetes. Aabot pa ito hanggang 500 sa loob ng 20 taon. Umaabot naman sa pitong milyong katao ang nakakaroon ng Diabetes taon-taon. Ang sakit na Diabetes ay isa sa pangunahing dahilan ng maagang pakakasakit at pagkamatay ng isang tao, karamihan sa mga bansa tulad ng UAE. Ang Cardiovascular Disease ay nagiging sanhi ng pagkamatay ng 50% o mahigit pa ng mga taong may Diabetes, depende sa populasyon. Kulang-kulang apat na milyon ang namamatay sa Diabetes na may edad 20 hanggang 79 anyos, o 6.8% sa kabuuang bilang ng mga namamatay sa iba’t ibang kadahilanan, noong 2010. Ang mga malalaking bansa tulad ng Estados Unidos, India, China at Russia ang may pinakamataas na bilang ng mga namamatay sa Diabetes. Mas maraming babae ang tinatantiyang mamamatay sa sakit na may relasyon sa Diabetes kaysa mga lalaki, dahilan ng mas mataas na bilang ng mga babaeng namamatay kaysa mga lalaki. Ito ay 25% sa pangkalahatang bilang ng mga babaeng may-edad na, na namamatay sa ibang rehiyon.


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.