SARO 2: PAMPANITIKANG DIYORNAL NG SAMAHANG LAZARO FRANCISCO

Page 18

MAIKLING KUWENTO

Pangako

Maria Fatima Cerva “Babalik ako,” pangako ni Mang Efren. “Sabay tayong kakain ng paborito mong bibingka.” Sa nanlalabo pang paningin ay tinanaw ni Berto ang ama. Ito ang lagi nitong pangako sa kanya tuwing umaga bago magpunta sa masikip na puwesto nito sa palengke na puno ng nilalamat at inaalikabok na palayok at tapayan. Sa kabila nang madalas nitong hindi pagtupad sa pangako, ngumiti si Berto. Sa kanyang mukha ay gumuhit ang ibayong kasabikan sa pagbabalik ng ama. Umasam na sa pagkakataong iyon ay tuluyan na niyang makakasalo ang ama sa pagkain ng paboritong bibingka. Gumulong ang bisikleta ni Mang Efren kasabay ng paggulong ng isang police mobile. Pumarada siya sa tapat ng kanyang masikip na puwesto kasabay ng pagparada ng mga tao sa kung saan-sang puwesto sa palengke. May babaeng nakatayo sa harap ng tindahan ng karne at nakikipagtawaran, may matandang sinisipat ang ilang lantang dahon ng petchay, may lalaking binubusisi ang mata ng isang malapad na isdang bangus. Tanging sa puwesto lamang ni Mang Efren tahimik, ngunit hindi iilang oras mula sa mga sandaling iyon, pagkakaguluhan ang kanyang puwesto. Uugong ang sirena ng isang police mobile at ilang pulis ang bababa. Isang pakete ng droga ang hindi maipaliwanag na madidiskubre sa loob ng isa sa mga tinda niyang tapayan at kasabay niyon ay ang tuluyang pagbabago ng kanyang buhay. Samantala, sa kanilang uuga-ugang pawid na tahanan, makikitang nagwawalis si Berto. Nakangiti ang sampung-taong gulang na musmos habang panaka-nakang sumisilip sa kanilang gusgusing orasan na binili lamang ng ama mula sa bote-bakal. Hindi na mahintay ang pagbabalik ng ama bitbit ang pangakong bibingka. Nang makatapos magwalis ay nangalumbaba sa harap ng bintana si Berto at matiyagang naghintay hanggang sa tuluyang matanaw ang ama. Subalit lumipas ang maraming oras, nangawit na ang mga kamay ni Berto, at tuluyan nang nilamon ng dilim ang liwanag ay hindi dumating si Mang Efren. Nakaidlip si Berto at nagising sa mga tawag ng kanilang Kapitan. Nakapaang lumabas siya at sinalubong ang bigotilyong matanda na may tapal na sigarilyo ang ang bibig. Pupungas-pungas na pinagmasdan niya ito. “Masamang balita, Berto.” Tinanggal nito ang sigarilyong nakatapal sa bibig at ihinagis. Sa ilang sandali ay pinagmasdan siya nito na tila ba pinag-aaralan kung paano ilalahad sa kanya ang dalang balita. Nagbuntong-hininga ito di kalaunan. “Ang mabuti pa, sumama ka na lamang muna sa akin.” “P-pero,” napapalunok na saad ni Berto. Nilinga niya ang kanilang bakanteng pawid na tahanan. Nang muli siyang luminga sa Kapitan ay kababakasan ng lungkot ang kanyang mga mata. “A-ano, um, baka po kasi dumating ang tatay.” Bumuntong-hininga ang Kapitan. Lumuhod ito sa harapan ni Berto nang sa gayon ay mag-abot ang kanilang mga mukha. Inilagay nito ang magkabilang kamay sa kanyang mga balikat.

{ 16 }


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.