2 minute read

Petrifying Angle

Next Article
Nakakahawang Himig

Nakakahawang Himig

Tuwing nagdiriwang sila’y aking ginugunita Nagniningning na kalangita’y nanganganak ng maraming tala Dagungdong ng tambol kahit saan Ang lahat ay nagtataluna’t naghihiyawan

Tuwing nagdiriwang sila’y aking ginugunita Mga kahilinga’y malakas na winiwika Na ang aming pamilya’y iisa’t manatiling nakakapit-bisig At ang aming tahananang salat man sa kahusayan ng pagkakayari ay manatiling nakatindig

Advertisement

Tuwing nagdiriwang sila’y aking ginugunita Ang dahilan ng paglisan mula sa kung saan ipinunla Kung sa kanila’y madalang man ngunit laging kapistahan Samantalang sa amin, madalas nga’t siya namang nagbabadyang katuldukan

Tuwing nagdiriwang sila’y aking ginugunita Ang lamig ng hangin ngayo’y lamig ng pagkaulila Ang init ng mga paputok ngayo’y pagbabalik-tanaw sa init ng natutupok na kagubatan at ng aming pamayanan At sa pagtigil ng kasiyahan ay malimutan ko na sana ang sinapit na karimlan sa kamay ng pamahalaan.

Nang nagsimula ang pandemya sa bansa, ang kagyat na tugon ng gobyernoay i-lockdown ang buong Kamaynilaan. Apektado ang mga negosyo, mga eskuwelahan, at mga hanapbuhay lalo na sa sektor ng transportasyon mapapribado man o mapapubliko. Isa si Mang Tano sa libo-libong natigil ang hanapbuhay bilang drayber. ”Mang Tano, naikarga na ang lahat ng gamit sa loob. Aalis na po tayo. Baka mahuli tayo sa event.’’ ‘’Salamat sa pagkakataong ito. Meron na kahit kaunting panggastos. Ilang buwan na kaming walang pasada dahil sa COVID-19. Walang nakakaalam kung kailan kami makakabalik.’’ Hindi mahulugang karayom ang mga tao nang dumating sa UP ang van nina Mang Tano na galing sa Sitio San Roque - isang komunidad na sakop ng Lungsod ng Quezon na may nakaambang pag-demolish sa mga kabahayan para sa isang “joint venture development project” ng National Housing Authority at Ayala Corporation. ‘’Ibaba na ang mga gamit, nariyan na ang grupo ng mga nagmamartsa papalapit na sa Oblation,’’ utos ng isang binata Habang abala ang lahat sa pagkuha ng mga gamit mula sa van, biglang may humawak sa kamay ni Mang Tano para magmano. ‘’Eman anak, bakit ka nandito?’Meron ka bang deliver dito?’’ Gulat ang ama nang makita ang anak. ‘’Wala po. Nandito po kami ng mga kasamahan ko sa trabaho na taga-Sitio rin para iprotesta ‘yong planong demolisyon sa atin.’Nasa pandemya tayo, pero mas inuuna pa ang sinasabi nilang development kapalit ng ilang libong pamilyang mawawalan ng tahanan,’’ ang sagot ni Eman. Isang nakakasulasok na usok galing sa tear gas ang bumagsak sa paanan ng mag-ama. At sunod-sunod na putok ang kanilang narinig habang balot sa usok ang paligid. Nagtakbuhan ang mga tao palayo sa pinanggalingan ng mga putok. Isang lalaki ang bumagsak sa paanan ni Mang Tano. ‘’Eman, anak! Bakit ka may dugo? Eman, gising! Eman, gising! Uuwi na tayo!’’ Nagkalat ang mga duguang tsinelas at mga sira-sirang placard. Papalayong buhat ni Mang Tano si Eman. Palubog na ang araw. Naghihintay si Aling Amelia sa pag-uwi ng mag-ama.

This article is from: