LIGTAS ISSUE 3

Page 1

TISYA HUSTISYA Rights mo, ask mo!

3 Tanong sa Kalusugan

0953 382 6935 - Globe at TM 0951 077 4412 - Smart, TNT, at Sun

5 Tamang Impormasyon

ISYU 3

HUNYO 2021

“Kwarantina, Hanggang Kailan Ka Pa?” DR. GENE NISPEROS Mahigit isang taon na mula nang ideklara ang kwarantina o lockdown, hindi pa rin ito natatanggal. Nagbaba ng lockdown upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 noong Marso 2020 at simula noon, palipat-lipat lang tayo sa iba’t ibang antas ng Community Quarantine: Enhanced (ECQ), Modified Enhanced (MECQ), General (GCQ) at Modified General (MGCQ). Sa tagal ng kwarantina, marami ang naapektuhan. Marami ang nawalan ng pagkakataon kumita o nawalan ng trabaho. Marami ang nasadlak sa kahirapan at sa gutom. Pero sa totoo, hindi dapat tumagal nang ganito ang kwarantina! Mismong ang salitang “kwarantina” ay hango sa “kwarenta” dahil ang kwarantina ay hindi dapat lumalampas ng 40 araw. Kaya naman Abril 2020 pa lamang, mismong ang World Health Organization (WHO) ay naglabas ng rekomendasyon upang mabilis na matanggal ang lockdown. Kung magagawa ang mga sumusunod na hakbang, maaaring buksan na ang lipunan kahit pa may pandemya: (1) Kontrolado ang pagkalat ng COVID-19; (2) Kaya ng sistemang pangkalusugan na mag-test, isolate at treat ng bawat nagkaroon ng COVID-19 at kayang mag-trace ng lahat ng nakontak; (3) Minimal ang posibilidad ng biglang pagkalat (outbreak) sa mag espesyal na lugar gaya ng mga ospital; (4) May mga hakbangin

para gawing ligtas ang mga paaralan at workplaces; (5) Kayang kontrolin ang pagpasok ng virus mula sa ibang bansa; at (6) Ang mga komunidad ay maaalam, handa at kalahok sa pagsulong sa bagong kaayusan (new normal). Pero matapos ang isang taon, iisa lang sa anim na yan ang nagawa. Sa mga lugar gaya ng ospital, maliit na ang posibilidad ng pagkalat ng COVID-19. Ito ay dahil sa pagsisikap mismo ng mga nasa ospital dahil kung magkakaroon ng hawahan sa ospital, mapipilitan itong magsara at marami ang hindi makakatanggap ng serbisyong pangkalusugan. Pero ang testing at contact tracing ay kulang pa rin. Ang mga eskwelahan at lugar ng trabaho ay hindi pa rin ligtas. Ang pagpasok ng virus mula sa ibang bansa ay hindi pa rin mapigilan at kamakailan nga ay nakapasok na sa bansa ang variant ng virus na nadiskubre sa India.

Higit sa lahat, kulang na kulang ang kahandaan ng ating mga komunidad. Nitong nakaraang pagbugso ng mga kaso ng COVID-19, malinaw na hindi alam ng mga tao kung ano ang gagawin o kung saan pupunta upang humingi ng tulong. Kahit ngayon, ang mga mahahalagang batayang impormasyon ay hindi tumatagos sa mga komunidad. Marapat na igiit sa pamahalaan na gampanan ang papel nito at kamtin ang anim na rekisitos upang matapos na ang kwarantina. Dahil hanggang hindi ito ginagawa ng pamahalaan, hindi magiging sapat at makabuluhan ang pagsusuot ng masks, paghuhugas ng kamay at social distancing. At hanggang hindi ito ginagawa ng pamahalaan, hindi matatapos ang kalbaryo ng mga mamamayan.

Gayunman, nasa atin din ang kapangyarihan upang maging mas handa laban sa kasalukuyang sitwasyon. Nasa ating kamay ang pag-alam at pagkamit ng ating mga karapatan, lalo na ang karapatan sa ligtas na pamumuhay, ang karapatan para sa sapat na serbisyong pangkalusugan at ang karapatan para mabuhay nang sapat at may dignidad. Sa ganitong paraan, masisiguro natin ang higit na maayos at maaliwas na bukas matapos ang pandemya.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.