LIGTAS ISSUE 1

Page 1

TISYA HUSTISYA Rights mo, ask mo!

2 Karapatan mo sa Kalusugan

0953 382 6935 - Globe at TM 0951 077 4412 - Smart, TNT, at Sun

4 Bakuna, Alamin Muna!

Abril 2021

Isyu 1

“Ingat.” dr. gene nisperos ‘Yan ang sinasambit ng mga Pilipino bilang paalam bago pa man dumating ang COVID-19. Hindi gaya sa ibang kultura na see-you-soon — sa atin ay tila pagpapaalala ng malasakit. Marahil dahil sa kawalan ng kasiguruhan sa hinaharap. Ngayon, sa gitna ng rumaragasang pagdami ng kaso ng COVID-19, ang salitang “ingat” ay naging malawakan nating depensa mula sa isang kalaban na hindi natin nakikita. Pero binago nito ang ating pangaraw-araw na buhay. Napipilitan tayong magsuot ng mask. Napipilitan tayong maghugas ng kamay nang mas madalas. Napipilitan tayong sundin ang social distancing. Higit sa lahat ay napipilitan tayong magkulong sa bahay. Ito ang mga unang hakbang sa pagpapanatili na tayo’y ligtas mula sa pagkahawa. Gayunman, alam natin na hindi ito sapat.

Kamakailan ay dumating ang isa pang andana ng pag-iingat: ang bakuna. Napakagandang balita nito lalo na sa mga taong higit na bulnerable – ang mga matatanda at ang mga mayroong sakit na pang-matagalan o co-morbidities. Kaya marami sa atin ang natuwa. Kaya marami sa atin ang nagpabakuna at nabigyan ng dagdag proteksyon. Higit sa lahat, marami sa atin ang nabigyan ng pag-asa na kahit mahawa tayo ng COVID-19, hindi ito magiging grabe at hindi magdudulot ng pagkamatay. May laban tayo kahit papaano. Magandang balita nga ito pero alam natin na hindi rin sapat. Dahil sa kabila ng LAHAT ng pag-iingat na ito, patuloy na lumalala ang pagkalat ng COVID-19. Saan tayo nagkukulang pa?

Kulang tayo sa kaalaman. Ano nga ulit ang mga sintomas ng COVID-19? Ano ang dapat g awin kung nag-positibo sa COVID-19 o nakasama a isang taong may COVID-19? Ano nga ulit ang isolation at ano ang quarantine? Paano malalaman na grabe na ang COVID-19? Sino ang lalapitan at saan hihingi ng tulong? Kulang tayo sa kakayahan. Ano ang BHERT (Barangay Health Emergency Response Team) at CESU (City Epidemiologic and Surveillance Unit)? Paano ang aking pagkain at trabaho kung naka-quarantine o isolate ako? Saang ospital ako pupunta kapag naging grabe ang sakit? Sino ang sasagot ng mga gastusin sa pagpapaospital? Kulang tayo sa kapasyahan. Kailan natin igigiit ang ating karapatan sa kalusugan? Kailan natin ipaglalaban na hindi curfew, checkpoint at paghuhuli ng mga “violators” ang tamang paraan? Kailan natin ipapa-tigil ang pagtrato sa COVID-19 bilang krimen

imbes na sakit? Kailan natin igigiit ang tungkulin ng pamahalaan na bigyan tayo ng ayuda habang may pandemya? Kailan tayo maninindigan? Ang pagpuno sa mga kakulangang ito ay maaaring maging mga maliliit ngunit dagdag na hakbang pasulong laban sa COVID-19. Sa ganitong paraan natin higit na mapoprotektahan ang ating sarili. Unti-unti, hakbang-hakbang pasulong. Mukhang magtatagal pa ang COVID-19. Mukhang mahaba pa ang ating laban. Mukhang hindi pa rin lubusang sasapat ang mga proteksyon natin. Kaya samantala, ingat.

Si Dr. Gene Nisperos ay isang community medicine practitioner at doktor sa Philippine General Hospital. Nagtuturo rin siya ng community medicine sa UP Manila College of Medicine.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
LIGTAS ISSUE 1 by IDEALS Inc. - Issuu