8 minute read
OTW
by The Flame
ni Sophia E. Eugenio
Sabi ni Jonas babalik siya kaagad.
Advertisement
Pasado ala sais na. Isang oras na siyang hindi sumisipot.
Ginawa na akong meryenda ng mga lamok dito sa labas ng convenience store. Maling desisyon pala ang magsuot ng khaki shorts, lalong nangibabaw ang mga mamula-mulang kagat sa binti ko. Tila galit na galit ang mga markang ito sa ilalim ng naghihingalong fluorescent lights. Sa bawat kurap nito, parang lalong namumula ang palatandaan ng pagsasalo ng pesteng mga lamok. Kung bakit ba naman kasi sa labas lang may silya at mesa.
“Tol, sagot mo pang-confine ko pag na-dengue ako rito ah,” text ko kay Jonas sabay hampas ulit sa paanan ko. Hindi pa ba nabubusog ang mga ‘to?
Nalalasahan ko pa rin sa dila ko ang kinain naming afritada ni Jonas kanina bago umalis ng bahay, pero nagugutom na ako sa inip. O baka nauubusan na ako ng dugo? May nabanggit si Jonas noon na tungkol sa blood sugar. Pwede ka raw himatayin pag hinayaan mo itong bumaba sa pagpapalipas ng gutom. Hindi ko sigurado kung may koneksyon ang dalawang ‘yun. Basta parehong may kinalaman
Sinabayan ko sa pagpasok ng convenience store ang isang matandang lalaki. Napaubo ako nang bahagya nang tumambad sa akin ang amoy ng sigarilyo pagkalampas ko sa kanya. Ang tapang naman ng hinihithit nito.
Nagpasya akong bumili ng donut. Kailangan ko ng matamis para matanggal ang suya sa ulam na kinain ko kanina, pati na rin ang dumagdag na amoy ng yosi na nabara na yata sa likod ng lalamunan ko. Hindi ko sigurado kung kailan pa huling napalitan ang mga donut sa loob ng mga display case na ito, pero kung ito man ang ikamamatay ko, mas pabor na sa akin kaysa sa dengue o smoke inhalation. Nasarapan pa ako kahit papano.
Mula sa kinatatayuan ko sa harapan ng mga donut, tanaw ko ang orasan sa may kahera — sampung minuto na lang ay ala siete na. Kumuha na rin ako ng isang bote ng Kopiko para labanan ang tamis ng donut (at para na rin hindi ako dalawin ng antok). Nag-iisa na lang ang Kopiko sa ref. Tinignan ko muna ang expiry date bago maglakad papunta sa kahera.
Maya’t maya ang pagtunog ng maliit na kampana sa itaas ng pintuan papasok ng convenience store. Sabagay, mga ganitong oras talaga dumarami ang customer. Karamihan ay mga galing sa trabaho at nais bumili ng makakain pauwi. Ang iba naman ay napadaan lang.
Inaninag ko ang puwesto ko sa labas at nakita kong may nakaupo nang babae rito. Nakapantalon siya. Hindi siya gagawing hapunan ng mga lamok. Buti na lang.
“Wala pa rin kayong bente no, sir?” tanong sa akin ng kahera. Pat, base sa tabingi niyang name tag. Natabunan na ng patak ng ketchup ang isang pang letra sa tabi ng Pat.
Kinapa ko ang bulsa ng lukot kong khaki shorts kahit wala nga talaga akong bente. “Wala po e.”
Bakit wala silang panukli? Marami-rami rin ang customer na pumasok kanina habang naghihintay ako sa labas. Puro ba tig-500 ang ibinayad nila?
“Kahit mamaya ko na lang po kunin ‘yung sukli. May mga bibili pa naman po,” sabi ko.
Kinuha na ni Pat ang resibo ko at sinulatan niya na ito sa likuran bago ko pa matapos ang sinasabi ko. Inipit niya ito sa pagitan ng monitor at keyboard na umaapaw na sa dami ng naipon na resibo. “Sige po, balikan niyo na lang po ulit.”
Amoy pa rin ang yosi ng mama na nakasabay kong pumasok kanina. Pinigilan ko munang huminga hanggang sa makalabas ako, kahit nakadikit na yata sa buhok ng ilong ko ang nicotine. Baka makaamoy pa ako ng usok ng mga sasakyan sa labas — mabuti na rin ‘yung binawasan ko ng mga dalawang hithit ang pagpasok ng lason sa sistema ko.
Nakaupo pa rin sa puwesto ko ang babae. Napansin kong ayos na ayos siya, mula sa nakapusod niyang buhok, itim na damit, at maong na pantalon. Kahit ang pagkakaupo niya ay hindi mapipintasan dahil tuwid na tuwid ang likuran niya. Ganyan din ang pagkakaupo ko kanina, kaso sinukuan ko rin. Malakas ang kutob ko na may mantsa na ang likuran ng puti kong polo.
Sumandal pa rin ako sa maalikabok na pader para kumain.
Hindi ko napigilang matawa nang maisip ko ang pagkakaiba namin ng babae. Hula ko ay galing na siya sa kung saan kahit ayos
na ayos pa rin ang itsura niya, walang gusot o mantsa ang mga damit, samantalang ako na galing lang ng bahay at naghihintay sa kaibigan ko ng mahigit isang oras ay parang gusgusing bata na ang kinalabasan ko. Puro kagat pa ako ng lamok.
Uuwi na lang ako pagkaubos ko ng donut at kape.
Malamig sa kili-kili ang bote ng kopiko. Dito ko muna siya pinirmi habang hawak ng dalawang kamay ko ang donut. Malambot lambot pa, mukhang magigising pa naman ako bukas.
Maya-maya pa ay may lumapit na pusang itim. Nagpaikotikot ito sa paanan ko kaya napansin ko tuloy ang samu’t saring mga marka sa binti ko. Ang dami ko na palang peklat?
“Wala nang imamalas pa ang gabing ‘to, muning,” sabi ko na lang sa pusa.
Wala pa ring sagot si Jonas. Nalowbat kaya ‘yun? Palagi pa naman niya nakakalimutang mag-charge.
“Matagal ka na rito, ano?”
Bungad ng babae. Nakatalikod siya sa akin kaya hindi ko mawari ang emosyon niya. Pero malamig ang hagod ng boses niya kahit na may bahid ng pagkasarkastiko.
Ako lang naman ang puwede niyang kausapin. May ilang mga labas-pasok pa rin ng convenience store pero mukhang wala namang nakakakilala sa kanya. Walang nagtatangkang umupo sa tabi niya.
“Oo e, hindi na ako binalikan ng kaibigan ko. Kaya baka umuwi na lang muna ako,” sagot ko. Naubos ko na ang isang donut. “Ikaw ba?”
Matipid at mahangin na tawa ang tugon niya. “Kakarating ko lang, baka matagal din akong maghihintay dito.”
Kinuha ko na itong senyales na pwedeng mapahaba pa ang usapan namin. Pumwesto na ako sa katabing upuan niya. Inilapag ko ang malamig-lamig pa rin na kape sa mesa.
“Saan ka ba galing?” tanong ko.
“Diyan lang.”
Sabagay, baka isipin niya na may balak akong masama. Binuksan ko na lang ang kape para uminom. Pasimple ko siyang pinagmasdan habang nangangalabit ang pait ng inumin sa dila ko.
Mukha siyang manika. Naaalala ko sa kanya ang paboritong laruan ng pamangkin kong si Bea. Tulad ng babae, maamo ang mata ng manika, mapula pa ang pisngi at mga labi. Pareho rin silang may bahagyang impit sa pagitan ng dalawang kilay — para bang laging may alalahanin.
“Buti ka pa, may naghatid sayo rito,” sabi niya.
Si Jonas?
“Kasama ko talaga siya. Iniwan niya muna ako rito saglit, babalik din siya.”
Ngumiti na lang siya sa akin. Malungkot ang mga mata niya.
“Taga-san ka ba, Miss? Parang ang layo ata ng pinanggalingan mo, may load pa ako – gusto mo ba tumawag muna sa-”
Umiling siya. “Hindi, dito talaga ako dapat mapunta.”
May umaambang langaw sa bibig ng kape ko. Alam ko na kaagad na may mga susunod pa sa kanya.
“Kailan ka aalis dito?” tanong ng babae.
Tinignan ko ang oras. Malapit na mag-alas otso.
“Maya-maya siguro. Nag-aalala pa ako sa kaibigan ko e. Hindi pa niya ko sinasagot tapos wala pa siya rito,” sagot ko. “Ikaw?”
“Hindi ko pa alam. Depende kung pwede na.”
Nakaka-praning naman kausap ‘to, hindi diretso sumagot. “Depende kanino?”
Binaling niya na lang ang tingin niya sa convenience store. Labas-pasok pa rin ang mga tao at dumarami na rin ang mga naghihintay sa tabi namin. Halo-halo na sila pero pawang may mga inaabangan na kasama para makaalis na.
“Gusto mo na ba umalis?” tanong ulit ng babae.
Nag-uumpisa na akong dapuan ng mga langaw sa binti. Nagpalit naman sila ng shift ng mga lamok. Buti pa ‘tong si ate, naka-off lotion siguro. Hindi man lang siya nilalapitan ng mga peste — mapa-lamok, langaw, o gamu-gamo. Ako lang ang maswerteng pinapakyaw mula kanina.
“Oo naman, nakakapagod kaya maghintay dito.”
“Nilalangaw ka na,” nakangiti na naman siya. “Ang tagal mo na nga rito.”
May sabit ata ‘to.
“Ha?”
Natawa na ang babae. “Matagal ka na rito pero parang mas bagong salta ka pa kaysa sa akin! Baka maunahan pa kitang umalis niyan.”
“San ka ba kasi papunta, Miss?” tinanong ko na lang din siya. Hindi ko na sigurado kung pareho pa ba kami ng pinag-uusapan.
“Kung saan ka rin pupunta. Sabayan na lang siguro kita,” sabi
niya.
“Sige.” Ihahatid ko na lang siguro ‘to sa sakayan.
Binuksan ko na ulit ang paper bag para kainin ang pangalawang donut. Halos wala nang natira na powdered sugar dito. Lalo pang dumami ang mga langaw na umaaligid sa tabi ko.
“May kasalanan ka sa kaibigan mo, no?” imik ulit ng babae. “Kaya hindi ka makaalis dito.”
Hindi ako makakagat sa donut sa dami ng langaw. Pero ni isa walang dumadapo sa babae. Sinara ko ulit ang paper bag.
“Paano mo naman nasabi?”
“Hinihintay mo pa rin siya kahit alam mong hindi na siya babalik.”
“Babalik ‘yun.”
“Pero may away nga kayo?”
“E bakit nandito ka pa rin?”
Sumakto ang pagtunog ng maliit na kampana.
May sukli pa pala ako.
“Sige, subukan mo munang balikan,” sabi ng babae. Nasabi ko pala ang naisip ko.
Sinusundan ako ng mga langaw. May iilan na nakasingit sa pagpasok ko ng convenience store. Ayoko namang bumili ng baygon para lang dito. Meron naman kami sa bahay. Binilisan ko na lang ang mga hakbang ko papunta sa kahera. Buti walang nakapila.
Nakatingin na si Pat sa akin bago pa ako makalapit sa kanya. “Miss, may panukli na ba kayo?”
“Wala pa rin po, sir.”
“Ha? E ang dami nang bumibili kanina ah, bakit wala pa rin?”
“Tatawagin ko naman po kayo, sir. Pahintay na lang po.”
Sinilip ko ang tambakan niya ng mga resibo. Puno pa rin.
Tinuro ko ito. “Lahat ba ‘yan, wala pang mga sukli?”
Tinignan lang ako ni Pat.
Naramdaman ko bigla ang pag-vibrate ng cellphone ko.
Sa wakas! Si Jonas!
Uy, tol. Kakauwi ko lang. Sana okay ka lang diyan. Sorry diyan na kita pinagpag. Ikain mo na lang ako ng donut, panghimagas sa afritada kanina. Mamimiss kita.
Nagsalita ulit si Pat. “Balik na lang ulit kayo bukas, Sir.” F