MALIKHAING PAGSULAT
MODYUL 1: Ang Malikhaing Pagsulat at Ang Kaligirang Pangkasaysayan
Introduksiyon thank you…salamat… kahit tinulugan mo na ako pagkatapos magkape.
thank you…salamat… kahit wala na akong natitimplang kape.

thank you…salamat… kahit papaano katabi pa rin kita- kunwari.
thank you…salamat… at umalis ka nang walang paalam.
thank you…salamat… at iniwan mo ang iyong panyo- na akin ngayong pinampupunas ng sipon at luha.
- Thank you, salamat ni Dakila Cutab (2022)
Ang pagsulat ay isang malikhaing hilig at gawain na mahirap pangatawanan at pangyarihin. Sinasabi ring ito’y isang malikhaing gawain. Malikhain dahil sa kaunaunahang pagkakataon ay maingat, maayos at magandang tutuklasin at bibigyang kahulugan at kabuluhan ang mga bagay, ang mga karanasan, ang mga pangyayari sa teksto na sinusubukang maihayag para maibahagi ang sarili sa gayon maintindihan ng iba(Arrogante, 2000).
Sa malikhaing pagsulat, kalimitan, sa umpisa pa lamang, nakikita na ang kahirapan sa nararanasang pagkalito at pagdududa. Sa pagsusulat, laging may ideyang sasabihin. Sa patuloy na pagsulat, lumilinaw ang sulatin.Mangyari pa, dahil isang gawain, ang pagsulat ay isang proseso na ang pagsasagawa ay binubuo ng mga pamamaraan para mapangyari at mayari itong ayon sa kahulugang gustong iparating at sa kabuluhang gustong ipaangkin sa mambabasa. Hindi magiging kumpleto ang kahulugan ng pagsulat kung ang akda ay hindi makabuluhang nababasa ng kinauukulan. Ang kabuluhang ito ay matatagpuan sa pagtutugma ng tekstong binabasa sa mga pansariling kaalaman at mga personal na karanasan ng mambabasa. Ang malikhaing pagsulat, samakatwid, ay isang pagtuklas sa kakayahang pasulat ng sarili tungo sa epektibong pakikipag-ugnayang sosyal.

Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 1 of 21
Mga
Inaasahang
Bunga ng Aralin
Sa kabilang banda, dati nang natalakay ang kursong ito sa inyong Senior High School at kung may ilang mga nakalimutan sa malikhaing mundong ito, maaaring panoorin ang bidyo na ito na pinamagatang Sulat/ Surat: Ilang Gabay sa Pagsusulat ng Malikhain sa link na ito: https://www.youtube.com/watch?v=noYmim5ghkc
Matatasa ang kahalagahan ng kursong Malikhaing Pagsulat.
Matutukoy ang mga pundamental na pagkakaiba sa esensiya at katangian ng malikhaing pagsulat sa ibang larang ng pagsulat.

Nilalaman Ang Malikhaing Pagsulat: Esensiya at Katangian
Ang malikhaing pagsusulat o sa Ingles ay creative writing kung tawagin ay nangangahulugang anumang pagsusulat na lumalabas sa mga hangganan ng karaniwang propesyunal, pampamamahayag, pang-akademiya, o teknikal na mga anyo ng panitikan, na pangkaraniwang nakikilala sa pamamagitan ng pagbibigay ng diin sa kagalingan o kasanayang pagsasalaysay, pagpapaunlad ng tauhan, at paggamit ng mga topikong pampanitikan.
Ginagamit ang mayamang imahinasyon ng manunulat na maaaring totoo at hindi totoong nangyayari sa tunay na buhay ang akdang isinusulat tulad ng pagsulat ng tula, dula, nobela at maikling katha at iba pang masining na katha.
Maaring batay ang paksa sa narinig, nakita, nabasa o sa karanasan ng manunulat. Masining ang paraan ng pagkakasulat nito na nagpapahayag ng damdamin, ideya, at mensahe ng manunulat.
Sa kapaligirang pang-akademiya, ang malikhaing pagsusulat ay karaniwang pinaghihiwa-hiwalay sa mga uring kathang-isip at panulaan, na may pagtutuon sa
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 2 of 21
pagsusulat na nasa estilong orihinal, na salungat sa paggaya ng dati nang umiiral na mga henerong katulad ng krimen o katatakutan. Ang pagsusulat para sa pelikula at entablado pagsusulat ng senaryo (screenwriting) at pagsusulat ng dula ay itinuturo nang magkahiwalay, subalit naaangkop din sa kategorya ng malikhaing pagsusulat.
I. Malikhaing Pagsulat vs. teknikal / akademik / at iba pang anyo ng pagsulat
AKADEMIKONG PAGSULAT
Ang akademikong sulatin ay uri ng pagsulat ng mga akademikong papel at isang intelektwal na pagsulat dahil ang mga produkto nito ay mga teknikal na pagsulat. Ang akademikong pagsulat ay may mga anyo kagaya ng:
⚫ Talumpati
⚫ Replektibong sanaysay
⚫ Posisyong papel
⚫ Lakbay sanaysay
⚫ Pictorial essay
⚫ Abstrak
⚫ Synthesis
⚫ Panukalang proyekto
⚫ Agenda
⚫ Memorandum
⚫ Bionote
⚫ Katitikan ng pulong
Makatutulong ang Akademikong Pagsulat sa pagpapataas ng kaalaman at pagpapalawak ng kaisipan sa iba’t ibang larangan. Ito ay para rin magkaroon ng makabuluhang pagsasalaysay habang ang repleksyon nito ay nagpapakita ng mga kultura, karanasan, reaksyon, at kahit pa opinyon base sa manunulat.
Ginagamit din ang mga akademikong sulatin para makapagpahayag ng mga impormasyon at saloobin. Sa akademya, dapat na katiwa-tiwalang kunan ng aral at sanggunian ang mga akademikong materyal lalo at kung ito ay pinagtitibay ng mga luma at bagong pananaliksik.
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 3 of 21
Sanggunian:
Anyo ng Akademikong Pagsulat
Narito ang mga anyo ng akademikong pagsulat, ang kalikasan ng akademikong pagsulat, at ang mga katangian ng akademikong pagsulat:

Talumpati
Akademikong sulating na nagpapaliwanag ng isang paksang naglalayong manghikayat, tumugon, mangatwiran at / o magbigay ng mga kabatiran o kaalaman. Maaaring pormal at nakabatay sa uri ng mga tagapakinig at may malinaw ang ayos ng ideya. Isa sa magandang halimbawa ng talumpati ay ang librong I Saw the Fall of the Philippines (1942) ni Colonel Carlos P. Romulo.
Sanggunian: https://archive.org/details/isawfallofphilip0000romu/page/n7/mode/2up

Posisyong Papel
Naglalayong maipaglaban kung ano ang alam na katotohanan.Dapat ay nagtatakwil ng kamalian o mga kasinungalingang impormasyon. Ito ay nararapat lamang na isulat sa pormal at organisadong pagkakasunod-sunod ng mga ideya. Ang halimbawa nito ay mga Press Statement na madalas ilabas ng mga liderpolitiko.
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 5 of 21
Sanggunian:
https://www.facebook.com/CNNPhilippines/photos/a.1566814060225154/2853774808195733/?paipv=0&eav=AfaUJ -tZFCs6T0-HE2fU0ZgrwXQwcFz8M5bYiXdN43LIV-wJtcCqJErCltq89fZsj54&_rdr
Replektibong Sanaysay
Isang uri ng sanaysay kung saan nagbabalik tanaw ang may-akda at siya ay nagninilay. Nangangailangan ito ng reaksyon at ng mga opinyon. Mas kilala ito bilang kritikal na repleksiyon.
Page 6 of 21

Sanggunian: https://teamarkongbato.wordpress.com/conrade-de-quiros/
Lakbay Sanaysay
Isang uri ng sanaysay na makakapagbalik-tanaw sa paglalakbay na ginawa ng may akda. Mas marami syempre ang mga tekstong naglalarawan kaysa sa mga larawan.
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 7 of 21

Sanggunian: https://www.lazada.com.ph/products/travel-guide-book-philippines-2017-696-pages-i104266529.html

Pictorial Essay o Sanaysay na Piktoryal
Mas maraming litrato ang laman ng sanaysay kaysa sa mga salita. Pero dapat organisado at may makabuluhang pagpapahayag sa mga litrato. Maaring may 35 na pangungusap ang paliwanag sa bawat larawan. Sa larang ng mass midya, popular itong tinatawag bilang Photojournalism.
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 8 of 21
Sanggunian: https://studylib.net/doc/25660459/pictorial-essay---ang-pagtanggap-sa-mga-kupas-na-larawan Abstrak
Karaniwang gamit sa pagsulat ng akademikong papel na kalimitan ding inilalagay sa mga tesis, pananaliksik, mga pormal na papel siyentipiko, at mga teknikal na papel, mga lektyur, at pati sa mga report. Layunin nitong mapaikli o mabigyan ng buod ang mga akademikong papel.
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 9 of 21

Sanggunian: file:///C:/Users/acer/Downloads/RTR23-SouvenirProgram-asofMarch17-1.pdf
Sintesis
Kalimitang ginagamit sa mga tekstong naratibo. Ito ay para mabigyan ng buod ang mga maiklling kwento o kaya naman iba pang tuluyan o prosa.
Bionote
Ginagamit naman ito para sa personal na profile ng isang tao. Maaaring nakalagay rito ang mga academic career at likurang bahagi ng libro ng isang tao
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 10 of 21

na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa kanya. Dapat ay hindi katha at may makatotohanang paglalahad sa isang tao.
Sanggunian:
https://books.google.com.ph/books/about/Parmata_at_iba_pang_prosa_kontra_hegemon.html?id=eB1_zgEACA AJ&redir_esc=y

Memorandum
Ito naman ay para maipabatid ang mga impormasyon ukol sa gaganaping pagpupulong o pagtitipon.
Agenda
Ang layunin naman nito ay ang ipabatid ang paksa na tatalakayin sa pagpupulong at para na rin sa kaayusan at organisadong pagpupulong.
Panukalang Proyekto
Proposal sa proyektong nais ipatupad na naglalayong mabigyan ng resolba ang mga suliranin.
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 11 of 21
Sanggunian: https://www.pinterest.ph/samanthaimperial141/project-proposal-example/

Katitikan ng Pulong
Tala o rekord na siyang pagdodokumento ng mga mahahalagang puntong nailahad sa isang pagpupulong.
II. Lengguwahe/wika at ang karanasang batay sa pandama/pagsulat batay sa nakikita, naaamoy, naririnig, nadarama, at nalalasahan bilang lunsaran sa paggamit/pagbuo ng imahen, mga tayutay, at diksyon
Pagbuo ng Imahen
Ang epektibong pagbuo at paggamit ng imahen ay isa sa mga paksang karaniwang inaaral ng mga bagong manunulat. Ano ba ang imahen? Ang imahen ay salita at pahayag na nag-iiwan ng kongkreto at malinaw na larawan sa isipan ng mga mambabasa. Hindi lamang ito tungkol sa simpleng paglalarawan ng isang tao, bagay, o pangyayari. Ito ay paglalarawang nagbibigay-kulay sa inilalarawan at bumubuhay sa naratibo.
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 12 of 21
Idinisenyo ang imahen upang paigtingin ang paningin, pang-amoy, pandinig, panlasa, at pandama ng mambabasa. Masasabing mahusay ang pagbuo at paggamit ng imahen kapag nadadala ang mambabasa sa mundo ng tula o kuwentong binabasa.
Paano ito matatamo?
1. Gawing kongkreto ang abstrak.
lsa sa mga gabay para sa mga manunulat ang kasabihan sa malikhaing pagsulat na “show, don’t tell.” Huwag mong sabihin, ipakita mo. Sa malikhaing pagsulat, sinasabing mas may kapangyarihan ng unibersalidad ang kongkretong imahen kaysa abstraktong imahen (Thiel, 2005).
Halimbawa, mas epektibo kung gagamitan ng deskriptibong lengguwahe ang ligayang naramdaman ng tauhan nang malamang pumasa siya sa bar exam. Walang dating sa mambabasa ang pahayag na, “Masaya siya nang malamang pumasa siya sa pagsusulit.” Mas mainam kung isusulat ito nang, “Muntik nang gumuho ang gusali nang tumili si Rica nang makita niya ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga pumasa sa bar exam.”
2. Paigtingin ang pandama
Lahat ng mahusay na malikhaing akda ay nakabatay sa karanasang nakabatay sa pandama. Kapag sinabing imahen, tumutukoy ito hindi lamang sa kung ano ang nakikita, kundi sa kung ano ang naririnig, nalalasahan, naaamoy, at nararamdaman. Masasabing mahusay ang pagbuo ng imahen kung nagpapakita ito ng pamilyar, ngunit bagong karanasan.
Sa paglalarawan ng malakas na ulan, halimbawa, masasabing wala nang dating ang pahayag na ito: “Nakabibingi ang patak ng ulan sa mga bubong ng bahay.” Hindi ito nakabibingi. May sariling ideya ang mga mambabasa sa tunog at hitsura ng patak ng ulan sa mga bubong, ngunit gusto nilang marinig at makita ang naririnig at nakikita ng tagapagsalaysay. Mas may dating ang mga pangungusap na ito mula sa nobelang Unang Ulan ng Mayo ni Ellen Sicat:
Magandang halimbawa rin ng pagbuo at paggamit ng imahen ang saknong na ito mula sa tulang Ale-aleng Namamayong (1926) ni Julian Cruz Balmaseda. Malinaw na malinaw ang paglalarawan sa isang modernong Pilipina noong dekada 1920:
Ale-aleng namamayong! Kung ikaw po ay mabasa
Ay tutulas pati pulbos na pahid sa iyong mukha;
Ang baro mong bagong pinsa’y sapilitang manlalata’t
Ang puntas ng kamison mo ay sa putik magsasawa . . .
At pati ang butitos mo, ang kintab ay mawawala
Pag naglunoy na sa agos ng tubig na parang baha.
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 13 of 21
Isa rin sa mga pinakagamiting halimbawa ang imagist na tulang In a Station of the Metro (1913) ni Ezra Pound:
The apparition of these faces in the crowd; Petals on a wet, black bough.
Ang tulang ito ay binubuo ng 30 Iinya noong una itong isulat ni Pound. Ngunit binigkas niya ito at ang natira na lamang ay ang sinematikong imahen ng dalawang linyang binubuo ng 14 na salita. Ipinakikita dito na hindi kailangang gumamit ng maraming salita sa paghuli, pagbuo, at paggamit ng imahen. Ito ang sinasabing ekonomiya ng salita sa pagsulat.
Sanggunian: https://www.wsj.com/articles/review-ezra-pound-in-the-bughouse-1511556851

Isa rin sa kontemporaryong halimbawa ang tulang Ang Hangal Sa Ilalim Ng Balon: Pagkaraan ng Ivanovo Detstvo/ Ivan’s Childhood-1962 (2021) ni R.B. Abiva na minsa’y pinuri ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio Almario dahil sa epektibo nitong imahistang pamamaraan.
Pagkatapos ay tahimik na. Tama; tumahimik ang mundo sa aking ibabaw; at naamoy ko sa nagniniyebeng hangin ang samyo ng mga bagong punit na laman at mga bagong pigtas na ugat: ilang mata, dila, bituka, apdo, atay, at bungo kaya ang sumambulat? Hinaplos ko ang balat ng magkakapatong na kahoy na sa aki’y nakapalibot: inisip kong sila’y ang mga bangkay sa aking itaas. Nasundot ko ang magaspang at pudpod nitong bahagi. Inilapit ko ang aking mata sa kakarampot na hibla ng liwanag na sa kaniya’y nakadapo: ilang buwan, malamang ay taon, na palang ang bumubuhay sa akin ay ang pagngata sa kaniya’t pagdila at pagsubo sa yelo hanggang sa ito’y maging tubig. Minsa’y sumilip nga ang Diyos, pero literal na napakalayo niya; malamang ay iniiwasan
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C) Page 14 of 21
niya ang nagaganap na salpukan, at malamang sa malamang ay ayaw din niyang mabahiran ng dugo ang kaniyang banal na kamay:
3. Gumamit ng simbolo
Gamit ang isang imahen, nagagawa ng manunulat na magpahayag ng higit sa isang diwa. Ang baha, sunog, kagubatan, karagatan, at takipsilim ay ilan lamang sa mga unibersal na simbolo. Ang baha ay parehong sumisimbolo ng pagkasira at paglikha; ang sunog ay nagbibigay ng init at buhay ngunit may kapangyarihan din itong manira at kumitil ng buhay; ang kagubatan at karagatan ay nagpapakita ng kagandahan at karahasan ng kalikasan; at ang takipsilim ay simbolo ng nalalapit na pagyao.
Sa paggamit ng simbolo, umiwas sa mga cliche sa mga gasgas o pinagsawaan nang simbolo, katulad ng mga halimbawang ibinigay (takipsilim at iba pa). Mainam kung makagagamit ng mga hindi pa masyadong ginagamit tulad ng mga sumusunod:
Ang namamawis na pitsel dahil sa laman nitong nagyeyelong tubig ay hindi lamang inuming pamatid ng uhaw, kundi simbolo ng nasisirang relasyon.
Ang biyak sa dingding ng bahay kung saan labas-pasok ang mga itim na langgam ay senyales ng isang dysfunctional na pamilya.
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 15 of 21

Ang palakang luwa ang bituka matapos masagasaan ng rumaragasang traysikel ay maaaring simbolo ng coming-of-age ng isang nagbibinata nagdadalaga.
Paggamit ng Tayutay
Iba ang sinasabi sa paraan ng pagkakasabi, at sa malikhaing pagsulat, malaki ang halagang ibinibigay sa huli. Masasabing maaaring mawalan ng epekto ang mensaheng nais ipahayag kung hindi masining ang paraan ng pagpapahayag nito.
Gumagamit ang mga manunulat ng tayutay upang mapanatili o mapaigting ang bisa nito. Bukod dito, ginagamit din ang tayutay upang maging mas marikit at makulay ang tula o kuwento. Ang mga sumusunod ay ilang uri ng tayutay at mga halimbawa nito:
Apostrope
Dito, kausap ng isang tao ang mga bagay na hindi naman karaniwang kinakausap. Ginagamit minsan sa monologo.
Halimbawa:
Ulan, ulan, huwag ka munang magparamdam.
Walang kaparis ang sarap mo. (kausap ang iniinom na kape na mula sa Benguet)
Huwag mo akong ipahihiya sa mga estudyante ko, ha. (kausap ang USB)
Kaya ilipad mo, Gabing walang maliw / Ang ilaw at hamog ng aking paggiliw (mula sa “Gabi” ni Ildefonso Santos)
Personipikasyon
Binibigyan dito ng katangian ng tao ang mga bagay na walang buhay, kasama na ang mga halaman.
Halimbawa:
Namaos sa kabubusina ang dyip ni Armando.
Sumisipol na ang takure.
Nagtampo sa kaniya ang mga tanim na orkidyas.
Lulusong ang kalabasa sa pusali / Gagapang ang apoy kahit di utusan (mula sa “Iginuhit” ni Virgilio Almario)
Pagtutulad/pagwawangis o simile
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 16 of 21
Inihahambing dito ang magkakaibang bagay, tao, hayop, o pangyayari gamit ang mga katagang parang, katulad ng, tila, at iba pa.
Halimbawa:
Parang kahoy si Keanu kung umarte sa pelikula.
Parang manok kung kumain si Lena.
Singganda ni Venus si Andrea.
Para ng halamang lumaki sa tubig / daho’y malalanta munting ‘di madilig (mula sa “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas)
Metapora
Tiyak ang paghahambing dito at hindi na gumagamit ng parang, katulad ng, tila, at iba pa.
Halimbawa:
Si Angelo ang kanser sa kanilang magkakaibigan.
Siya ang haligi ng kanilang tahanan.
Si Robert ang tinik sa lalamunan ni Julio.
Bahaghari’y hagdan sa lupang-pangako (mula sa “Ang Daan” ni Amado V. Hernandez)
Pagmamalabis
Ginagawa nitong eksaherado ang mga paglalarawan.
Halimbawa:
Umabot hanggang highway ang kaniyang buhok dahil sa dami ng nanliligaw sa kaniya.
Tinubuan na ng mga ugat at sanga (namumulaklak pa nga!) ang mga binti ko sa kahihintay sa kaniya.
Pumalakpak ang tainga niyang sinlaki ng sa elepante nang makasagap ng mainitinit pang tsismis.
Sumisid sa dagat ng katas at pawis (mula sa “Sa bath house” ni Romulo P. Baquiran, Jr.)
Pagpapalit-tawag
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 17 of 21
Ito ang pagbibigay ng ngalan sa isang bagay gamit ang ngalan ng bagay na kaugnay nito.
Halimbawa:
Simbahan (relihiyon)
Korona (kaharian)
Malakanyang (gobyerno ng Pilipinas)
Hollywood (pelikulang Amerikano)
Bollywood (pelikulang Indiano o Bumbay)
Tulog ang panlaban sa bitukang naghahamon. Panaginip ang tugon sa bungangang walang malamon. (mula sa Mondomanila ni Norman Wilwayco)
Parmata ang aking nakita: gumuho ang bagong babilonya sa pagitan ng mga hita ni Marilyn Monroe (mula sa Manifest Destiny ni R.B. Abiva)
Pagpapalit-saklaw
Ito ay isang uri ng pagpapalit-tawag na ang bahagi ay tumutukoy sa kabuuan.
Halimbawa:
Coke (softdrinks)
Puting buhok (matanda)
Wheels (sasakyan)
Bagong-sibol (kabataan)
At ang balang bibig na binubukalan /Ng sabing magaling at katotohanan (mula sa “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas)
Balintuna
Ang balintuna ay nagsasalungatang pahayag na maaaring may katotohanan.
Halimbawa:
Sa pagbuo, kailangan ang pagbaklas.
Ang digmaan ang solusyon upang makamit ang kapayapaan.
Kailangan mong mamatay upang muling mabuhay.
“Malayo man, malapit din / Nagbibigay sigla sa damdamin” (mula sa “Malayo Man, Malapit Din” ni Bayang Barrios)
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 18 of 21
Pagtatambis
Ito ay pariralang binubuo ng dalawang magkasalungat na salita.
Halimbawa:
Orihinal na kopya
Magulong organisasyon
Detalyadong balangkas
Diksiyon
Ang diksiyon ay isa sa mga isinasaalang-alang ng mga makata at kuwentista sa kanilang paglikha. Sa simpleng pakahulugan, ang diksiyon ay ang mga salita, parirala, o pahayag na pinipiling gamitin ng manunulat. Isa ang diksiyon sa mahahalagang elemento ng panitikan dahil ginagamit ito sa pagpapahayag ng aksiyon, paglalarawan ng lunan, pagpapakilala ng tauhan, pagtukoy ng tema, paghuhudyat ng atityud, at iba pa. Ginagamit din ito bilang pantulong sa pagbuo ng tono ng kabuuang akda.
Halimbawa, sa unang tingin, pareho lamang ang ibig sabihin ng mga salitang bahay, tahanan, tirahan, at tinutuluyan. Ngunit maaaring mag-iba ang kahulugan ng mga ito depende sa konteksto. Kung ang persona o pangunahing tauhan ay may mapagmahal at mapagkalingang pamilya, maaaring “Sa tahanan kung saan ako lumaki” ang isusulat ng awtor. Kung siya naman ay hindi ganoon kalapit sa kaniyang pamilya, maaaring “Sa bahay kung saan ako lumaki” ang pipiliin ng manunulat. Ang “tirahan” ay lugar lamang kung saan nananatili ang tao, samantalang ang “tuluyan” ay kung saan pansamantalang nananatili ang tao. Iba pang halimbawa: payat, seksi, patpatin, slim, tingting na nagkatawang tao, simpayat ni Kim Chiu, mataba, malusog, mabilog, mapintog, chubby, obese, lumba-lumba, elepante, kumain, tumikim, lumamon, matakaw, masiba, pataygutom, ama, tatay, tatang, itay, papa, papang, dad, daddy, mahirap, dahop, dukkha, isang kahig, isang tuka, poor, Purita Kalaw-Ledesma.
Sa kabuuan, ang mga kahingiang ito ang magpapalakas at magpapatibay sa anumang tropo ng malikhaing pagsulat. Padron ito ng buong disiplina kung ituring ng mga manunulat. Sa kabilang banda’y susi upang ang literal na antas ng teksto ay umangat sa metapisikal na antas- bagay na paulit-ulit ipinapaalala ng mga Pilipino at banyagang manunulat. Panghuli, ating sama-samang tunghayan ang isang pagtatanghal ng tula Baribari Apo, Baribari: Bago ang Tag-ani (2021) ng makatang si R.B. Abiva. Ipinalabas ito sa Metropolitan Theatre, Manila noong Nobyembre 22 sa mismong kaarawan ni Jose Corazon De Jesus, ang Hari ng Balatgasan. Mapapanood ang bidyo sa link na ito:
https://www.youtube.com/watch?v=Mk7WQh26tAc
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 19 of 21
Pisikal na Sanggunian
Ipaliwanag ang malalim na kahalagahan at ugnayan ng lengguwahe/wika at ang karanasang batay sa pandama/pagsulat batay sa nakikita, naaamoy, naririnig, nadarama, at nalalasahan bilang lunsaran sa paggamit/pagbuo ng imahen, mga tayutay, at diksyon sa pamamagitan ng vlog na may habang 3 hanggang 5 na minuto. Kinakailangang suportahan ng mga kongkreto at malikhaing halimbawa ang inyong pagsusuri. Ipapalabas ang nalikhang vlog sa buong klase at pagkatapos ay kinakailangang ipadala sa Frontlearners para sa online na repositoryo.
Panuntunan:
Nilalaman-4 puntos
Wastong paggamit ng mga salita at mga bantas - 6 puntos
Pagiging malikhain at lohikal na paglalatag ng argumento- 10 puntos
Pangkalahatang Puntos- 20 puntos
1. Abiva, R. B. E. (2021). Parmata at iba pang prosa kontra-hegemonya. In Google Books. Pantas Publishing.
https://www.google.com.ph/books/edition/Parmata_at_iba_pang_prosa_k ontra_hegemon/eB1_zgEACAAJ?hl=en
2. Landicho, D. G. (1974). Manwal sa pagsulat ng maikling kuwento sa Pillipino. In Google Books. University of the Philippines Press.
https://www.google.com.ph/books/edition/Manwal_sa_pagsulat_ng_maikli ng_kuwento_s/DL8OAAAAMAAJ?hl=en&gbpv=1&bsq=maikling+kuwento +sa+pilipinas&dq=maikling+kuwento+sa+pilipinas&printsec=frontcover
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 20 of 21

Sangguniang Online
1. 04 Pagbuo NG Balangkas Teoretikal | PDF. (n.d.). Scribd. Retrieved June 14, 2023, from https://www.scribd.com/presentation/447956396/04Pagbuo-ng-Balangkas-Teoretikal
2. Ortograpiyang Filipino | PDF. (n.d.). Scribd. https://www.scribd.com/doc/102117265/Ortograpiyang-Filipino
Inihanda ni Rene Boy E. Abiva, MA-Malikhaing Pagsulat(C)
Page 21 of 21