The Varsitarian P.Y. 2016-2017 Issue 01

Page 7

Agham at Teknolohiya 7

IKA-30 NG AGOSTO, 2016

Halamang gamot, kontra suliraning medikal, ekonomiko Ni EDRIS DOMINIC C. PUA MULA sa maliliit na sugat at paso hanggang sa malulubhang karamdaman, maaaring magpagaling ng maraming sakit ang mga tradisiyonal na halamang gamot. Buhat pa noong panahon ng ating mga ninuno, ginagamit na ang mga halaman sa panggagamot. Naipasa rin sa mga sumunod na henerasiyon ang kaalaman hinggil rito. “Mayaman ang Pilipinas sa mga halamang gamot at makatutulong ito sa ekonomiya,” ani Propesor Rebecca G. David ng Faculty of Pharmacy. “Ikinagagalit ko na pinagkakakitaan [lamang] ng ilang dayuhan ang mga halamang gamot na tanging atin.” Humigit-kumulang walo sa sampung tao sa buong mundo ang gumagamit ng halamang gamot dahil mas mura ang mga ito, at higit na madaling mahanap kumpara sa pharmaceutical drugs, ayon sa datos ng World Health Organization noong 2014. “Isa sa [mga] benepisyo ng paggamit ng halamang gamot ang mas mura nitong halaga kung ikukumpara sa mga nabibiling gamot,” ani Dr. Cartrini Cruz ng Faculty of Medicine. Tamang preparasiyon Gayunpaman, nilinaw niya na may mga pagkakataong hindi nagiging epektibo ang mga halamang gamot sa pagpapagaling ng sakit.

Ayon pa kay Cruz, kailangang siguraduhin na tama ang paghahanda ng mga halamang gamot. Maaari kasing makasama sa kalusugan ang maling preparasiyon. Dumaraan sa mga klinikal na pagsusuri ang mga halamang gamot upang mapatunayan na nakalulunas ito ng mga sakit. Sa kabila ng mga puna mula sa ilang dalubhasa sa larangan ng medisina, mahalagang isaalangalang na nagmula rin naman sa mga halaman ang karamihan sa mga pharmaceutical drugs.

Alternative health care Inilunsad ni dating Presidente Fidel V. Ramos ang Republic Act 8423 o ang Traditional and Alternative Medicine Act noong 1997. Ito ang nagbunsod ng pagtatatag ng Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care kung saan pinayayabong ang paggamit ng tradisiyonal at alternatibong pamamaraang medikal sa pamamagitan ng pananaliksik at masinsinang product development. Simula noon, nakapagbigay ng listahan ng mga halamang gamot sa Pilipinas ang Philippine Department of Health sa pamamagitan ng kanilang Traditional Health Program. Ang akapulko o mas kilala sa tawag na “bayabas-bayabasan” o ringworm bush sa Ingles ang halamang gamot na maaaring magpagaling ng ringworms at iba pang sakit sa balat. Bunga ng isang fungus ang ringworm kung saan maaaring maapektuhan ang balat sa singit,

anit, paa at kuko. Nagdudulot ito ng pagkati at pamumula ng balat. Ginagamit naman ang buto ng lanzones upang gamutin ang mga impeksiyong dulot ng mga parasitikong bulate na sanhi ng sakit ng tiyan Kilala bilang gamot sa diabetes ang ampalaya at sabila (aloe vera). Gamot sa rayuma Halimbawa rin ang bawang bilang gamot sa pagbababa ng kolesterol sa dugo. Ginagamit naman ang lagundi sa paglunas ng ubo at hika, habang ang dahon ng pandan naman ay pantanggal ng pangingirot na dulot ng rayuma. Maraming halamang gamot sa Pilipinas ang natuklasan na ng mga eksperto. Naglathala ng isang komprehensibong aklat si Dr. Jaime Galvez Tan, isang eksperto ng tradisiyonal at natural na gamot at si Dr. Isidro Sia, isang eksperto ng pharmacology na

pinamagatang “The Best 100 Philippine Medicinal Plants.” Nakatala rito ang kahalagahan ng mga halamang

gamot sa paggaling ng mga tao. Sa nakaraang 40 taon, tinatayang bumuti ang kalusugan ng mga tao sa Filipinas. Bumaba ang infant mortality nang higit na kalahati at bumaba ang paglaganap ng mga nakahahawang sakit. Tumaas din ang life expectancy.

Kulang sa gamot Sa kabila nito, libo-libong Filipino ang namamatay dahil sa impeksiyon at non-communicable diseases. Ang kakulangan ng mga doktor at health care providers ang rason ng 47.6 porsiyento ng pagkamatay sa bansa, ayon sa mga miyembro ng Philippine College of Physicians.

“Dalawang problema ang puno’t

dulo ng pagbagsak ng sistemang pangkalusugan sa Filipinas: ang kakulangan ng mga doktor sa buong bansa at ang maraming bilang ng mga doktor sa mga siyudad kumpara sa mga probinsya,” ani dating Senador Edgardo Angara noong 2009. Ayon sa isang pag-aaral ni Dr. Ravichandran Nataraj, ang limitadong suplay ng gamot at ang mahinang pamamalakad ng gobyerno ang dahilan ng tumataas na bilang ng pagkakasakit ng mahihirap. Aniya, ang mga sakit ay pinapalala pa ng kahirapan, at maaari lamang labanan n g m a s

mabuting pangangalaga sa kalusugan at pagdaragdag ng health insurance.

Panganib sa kalusugan dulot ng nagbabagong klima PANGKARANIWAN na para sa mga Tomasino ang biglaang pagbaha sa Espanya at mataas na sikat ng araw subalit hindi normal ang lumalalang pabago-bagong klima at ang mga sakit na hatid nito. Matao at maraming kainan sa loob ng Unibersidad— mga posibleng dahilan ng pagiging malamok—kaya lalong dapat mag-ingat ang mga Tomasino sa mga nagbabantang sakit. “Dengue, typhoid at flu virus ang [mga] madalas na... sakit tuwing tag-ulan,” sabi ni Dr. Razel Kawano, quality assurance manager ng Medical Trends and Technology Corp., isang medikal na organisasiyong nakatuon sa mga eksaminasiyon sa laboratoryo at pamamahagi ng gamot. Sa mga naka-imbak na tubig naninirahan ang mga lamok na maaaring nagdadala ng Dengue. Kontaminadong tubig o pagkain at hindi sapat na paglilinis ng katawan naman ang karaniwang sanhi ng typhoid. Airborne ang flu virus kaya mahirap itong iwasan. “Panghihina, panlalamig, lagnat, at diarrhea ang mga sintomas ng Dengue at typhoid,” ani Dr. Kawano. “Nakararanas ng pamumula at rashes ang may dengue at labis na diarrhea ang sa typhoid,” paliwanag niya. Ingat sa baha Maari itong magdulot ng hemorrhagic fever o pagdurugo sa loob ng katawan ng pasyente. Hindi ito agad napapansin at maaaring magsanhi ng pagkamatay kaya dapat agad komunsulta

sa doktor kapag may naramdamang sintomas. Delikado rin ang malalang pagbaha sapagkat maaring makakuha ng sakit na ketong mula sa mga inaanod na dumi ng daga. Maaaring pumasok ang dumi ng daga sa katawan lalo na kung may sugat sa paa. Maliban sa flu virus, laganap din sa tag-init ang mga sakit tuwing tag-ulan. Kapag tag-init, mas mabilis dumami ang mga lamok na maaaring magdala ng dengue. Mas mabilis ding mapanis ang pagkain na maaari namang magsanhi ng typhoid. Epekto naman ng matagalang pagbibilad sa araw at hindi regular na pag-inom ng tubig ang heat stroke. Nagpapataas kasi ng presyon at nagpapabilis ng tibok ng puso ang init. Isa ito sa nagsasanhi ng atake sa puso at pagputok ng ugat sa utak na delikado at nakamamatay. Iminungkahi ni Dr. Kawano ang palagiang pag-inom ng tubig at pag-iwas na magbilad sa araw. Nagbabagong klima Sa climate change, bumibilis at tumitindi ang pagpapalit ng panahon. Sa bilis ng pagbabago, nahihirapan ang katawan ng tao na umangkop sa kalikasan kung kaya’t lumalala at bumibilis ang paglaganap ng mga sakit. Nagdudulot din ito ng mga bagong sakit. Malaki ang papel ng klima sa paglala ng mga banta sa kalusugan. Salik din ito sa paglitaw ng bagong mapanganib na mga species tulad ng Zika virus na wala pang nahahanap na lunas, ani Professor Moises Garcia, Ph. D., isang environmentalist at propesor sa College of Accountancy ng Unibersidad.

Ang pagkalbo sa mga gubat at ang kawalan ng disiplina sa kapaligiran na siyang nagbigay-tahanan sa mga lamok na nagbitbit ng sakit ang naglapit ng Zika virus sa mga tao. May kinalaman rin sa lalong pag-init ng klima ang kawalan ng puno sa mga lungsod. “Mas mainit na klima, mas maraming lamok, na maaaring [maging mga] vector,” sabi ni Garcia. Matuturing na vector ang lamok kapag nakasipsip ito ng dugo mula sa taong may sakit tulad ng dengue o Zika virus fever, sapagkat dadalhin ng lamok ang sakit sa susunod nitong sisipsipan ng dugo. Babala Nakaayon rin sa panahon ang pagdayo ng mga ibon mula sa ibang bansa patungo sa Filipinas. Kung minsan, ang mga ibon ding ito ang nagdadala ng sakit, tulad ng bird flu. Ayon sa datos ng World Health Organization, tinatantiyang 20 taon makalipas ang taon 2030, magiging sanhi ng humigitkumulang 250,000 ang mamamatay kada taon dahil sa pagbabago ng klima. Sa pakikiisa ng mga Tomasino laban sa climate change at karagdagang disiplina at kaalaman sa kapaligiran, mabibigyangsolusyon ang pamiminsala ng mga napapanahong sakit lalo na sa panahon ng nagbabagong klima ng daigdig, dagdag pa ng mga eksperto. KARL BEN L. ARLEGUI at DAN ALBERT D. BESINAL


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
The Varsitarian P.Y. 2016-2017 Issue 01 by The Varsitarian - Issuu