2 minute read

LITERARY|Ang Birheng Kamatayan

Next Article
EDITORIAL

EDITORIAL

“Ang Birheng Kamatayan”

Isinulat ni Olis

Advertisement

Mahal kong Laura,

Mayroon akong isang pagtatapat habang ang gabi ay tila walang pakialam. Nais ko ang iyong makataong yakap—kasabay ang daloy na maingat na umuugoy sa ritmo ng mga kurtina. Hawakan mo ulit ako at idinampi ang mga maliliit mong daliri sa aking dalagang balat. Ngunit ang mga pahina ng gusot ay tila malapit nang masunog; at sa lalong madaling panahon, ito ay matutupok ng mabangis na apoy.

Sa tabi ng tsimenea at sa tabi ng duguang kutsyon na upuan. Ang pag-ungol ng hanging kanluran ay bumuntong-hininga. Wala nang dahilan para ako ay maparito. Tanging ang pagtitimpi ng ating kabanata na lamang ang hindi dapat palagpasin ng mga manunulat ng dula.

Aking pinakamamahal na Laura. Sa pagtugtog nang malagim na musika, ito ay hahaplos sa mga pader ng silid. Ang mga walang kabuluhang pangitain ay maaaring mahawakan ang kislap ng ating mga hindi banal na kaluluwa. Umaalingawngaw ang mga daing sa mahabang pasilyo ng kawalan.

Ang tulang ito ay hinding-hindi malilimutan. Ang ating panitikan ay tatagos sa mga papel. Habang nasasaksihan ng kandila ang paglamlam ng nakamamatay na tinta sa kahoy na mesa ng aklatan, ang ating pagsasama ay nakaukit na sa mga tagpuan ng banal na diskurso. Ang impiyerno ay higit sa kalahati ng paraiso. Nasugatan ang pananampalataya na bantayan ang ating mahabang pagtulog.

Hindi namin hinanap ang mga sagot pagkatapos mailathala ang mga nobela. Ngunit narito ako—sumusulat muli ng tula sa paraang hindi gusto ng mundo. Handang pawiin ang buwan sa aking malambot na mga kamay. Ito ay ang buwan, ang buwan na yumakap sa pakiramdam ng ating pagmamahal.

Halika rito ngayon, pinakamamahal kong Laura. Muli nating buksan ang pulang kurtina sa mga teatro. Ang ating birheng kamatayan ay hindi kailanman mababaon sa kasaysayan. Mga dulang pangitain ng mga batang anghel sa ulap. Monologo ng pagmamahal, kamatayan, at trahedya.

Nagmamahal,

Olivia

This article is from: