1 minute read

LITERARY|FILIPINAS, KAYA PA BA?

FILIPINAS, KAYA PA BA?

Ni Siryako

Advertisement

Inang bayan kong sinilangan,

Wari'y hinakbangan ng dambuhalang sigwa,

Dulot ng walang habas na pagtataga.

Samu't-saring imoralidad at paglabag,

Hustisya'y lubos na dumadanak

Na bumubuhos sa bukal ng may prebilehiyo,

At nagmimistulang abo sa kawalan

Ng mga taong may totoong kailangan.

Tila nauulit ang kasaysayan,

Nagkawatak-watak ang muling pinag-isa,

Dahilan upang ang sinag ng araw

Ay unti-unting kumalas,

Mistulang talulot na ninakaw ng hangin

Mula sa bulaklak na wala nang lakas.

Ang mga nakaupo naman sa puwesto,

Bulag sa suliraning troso,

Bingi sa mga problema at hangin ang salita.

Nilalantakan ang kaban ng bayan

At napagpanggap pang makabayan,

Walang tainga sa boses ng mamamayan,

Bagkus alisto sa panawagan ng mayaman.

Filipinas, kaya pa ba?

'Pagkat labis na nakababahala

Na ang mga dapat umaruga sa bayan

Ang nagiging mitsa ng patayan.

Mga tagatuwid ng batas

Na tumataliwas sa batas,

Sino ang magliligtas sa taumbayan,

Kung sila mismo ang pinagmumulan ng dahas?

Mukhang ito na yata ang totoong kahulugan

Ng tinatawag nilang "panibagong karaniwan".

Subalit makatuwiran bang iyon ang tawag?

Kung sa simula't noon pa man,

Hindi na karaniwan ang kaganapan?

This article is from: