
6 minute read
DEVCOM|Marungis at Asul na Kuwelyo
MARUNGIS AT ASUL NA KUWELYO
Neil Galvez
Advertisement
Tila sakop na sakop na ng makakapal na kalyo ang mga kamay ng mga manggagawang Pilipino. Hindi pa man tuluyang nakakabangon ang karamihan mula sa pandemya gawa ng coronavirus (COVID-19)—na naging dahilan hindi lamang sa pangangalagang pangkalusugan kundi maging sa sambahayan, trabaho, pagrarasyon ng pagkain at iba pang mga pangunahing bilihin, serbisyo, at edukasyon—panibagong uri muli ng krisis ang bumubungad sa kanila. Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Setyembre (2022), pumalo ang inflation rate sa 6.9% na isa sa nakaapekto sa pagtaas ng unemployment rate sa bansa. Dahil dito, nagbunga ito ng napakaraming epekto hindi lamang sa kalusugan ng mga tao kundi tila naging ‘anti-poor’ pa ang pandemya sa mga taong walang sapat na pribilehiyo upang makahabol sa mabilis na takbo ng buhay.
MABABANG HALAGA NG PAGSISIKAP
Mataas man ang halaga ng palitan ng dolyar ngayon mula sa ibang bansa (1 USD = 58.92 PHP para sa buwan ng Oktubre 07, 2022), kabaliktaran naman nito ang naging epekto sa mga Pilipino na piniling manatili at magtrabaho sa kanilang sariling bansa—sa kagustuhan man nila o hindi. Marami ang naiwan at hanggang ngayon ay patuloy pa rin humahabol upang makabawi sa mga panahong nasayang at nawala sa bilang ng kanilang mga daliri. Ayon sa pinakabagong tala ng bagong survey ng Pulse Asia, 66% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nababahala sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin. Napag-alaman din sa survey na 42% ng Filipino adults ang hindi sumasang-ayon sa kung paano kinokontrol ng national government ang inflation.
BUHAY TIMBANGAN, GAAN NG SALAPI
Gayunpaman, hindi rin maitatangging naging kultura na ng mga manggagawang Pilipino ang labis na pagtatrabaho. Tulad ng mga kalabaw sa bukirin, kailangang magdoble kayod ng mga maintenance person at lookout men sa bawat sulok ng PHINMA-University of Pangasinan upang paghandaan ang simula ng araw para sa mga estudyante at ibang staff. Para kay Hazelyn Sison, 43 taon at labing-walong (18) taon nang empleyado ng PHINMA-UPang bilang janitress, natutunan niyang tipirin ang gabi at pahabain ang umaga nang hindi ginagamitan ng anumang mahika o kapangyarihan. 6:30 a.m. siya kung mag-time in sa trabaho. Imbes na “Magandang umaga, mama!” ang unang bumabati sa kaniya mula sa kaniyang mga anak ay mga classroom, opisina, laboratoryo, at banyo mula first floor hanggang fourth floor ang bumubungad sa kaniya upang simulan ang nakabinbin na trabahong bumabanat sa bawat laman at buto ng kaniyang katawan.
Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang iisang trabaho para sa mga katulad ni Sison na solo parent at may tatlong anak. Kahit pa 5:00 p.m. ng hapon ang kaniyang out, kadalasa'y nagiging 6:30 p.m. na ito—na kung minsan pa'y umaabot ng 7:00 p.m. dahil namamalengke pa siya para sa kaniyang maliit na tindahan. Bukod kasi sa trabaho niya bilang tindera at janitress sa eskuwelahan, may iba pa siyang trabaho bilang seller ng isang kilalang brand.
Aminado man siyang maliit ang kaniyang kinikita sa mga sideline job niya ay malaking tulong pa rin iyon upang may ipangsuporta sa kanilang pang-araw-araw lalo pa't may isa siyang anak na graduating student na nag-aaral kung saang eskuwelahan siya nagtatrabaho. Ayon pa kay Sison, “Kahit kapos [kami] lagi, kung minsan wala rin akong pambayad sa tuition [ng mga anak], nanguungutang ako para may pambayad at nalo-loan. Sa pagkain naman, pinagsasapat [kung] ano [ang] inihain na kakainin.” Dagdag pa niya, “Iniisip ko na lang [ang] mga anak ko [dahil] sila [ang] nagbibigay lakas sa akin para lumaban pa rin sa buhay kahit [ang] daming pagsubok [na] dumarating sa amin.”
SA PAGTANDA NG ORAS, SA PAGPUTI NG UWAK
Gasgas man ang kasabihang, “Sikap at tiyaga ang susi sa kaunlaran,” ngunit para kay Darwin Dacanay, 33 taon at anim (6) na taon nang empleyado ng PHINMA-UPang bilang security guard, pagtitipid ang nakikita niyang matibay na paraan upang masabayan ang kaniyang bersiyon ng rotasyon ng mundo kung saan nabibilang ang bawat araw. Bukod sa labindalawang (21) oras na kaniyang shift sa trabaho (mula 7:00 a.m. hanggang 7:00 p.m.), maraming beses nang naranasan ni Dacanay na diretsyong mag-shift ng tatlumpu't anim (36) na oras dahil sa pagliban ng ilan sa kanilang kasamahan sa trabaho, marahil ay sa pinaka-importanteng dahilan kung saan kailangan talaga ang kanilang presensya. Ngunit sa mga pagkakataong iyon ay hindi niya makakalimutan ang apatnapu't walong (48) oras na kaniyang karanasan sa trabaho—karanasang laging magpapaalala sa kaniya kung para saan at para kanino niya ginagawa ang pagsasakripisyo.
Madalas ay naitatalaga siya sa pagbabantay ng entrance ng eskuwelahan upang magsuri ng mga ID at bag ng estudyante, ibang empleyado, at bisita. Hindi na niya iniinda kung gaano katagal ang pagkakatayo niya sa entrance o exit ng eskuwelahan. Bawat oras kasi sa kaniya ay katumbas ng sasahurin niyang salapi. At para sa mga katulad niyang patuloy na nagtatrabaho sa gitna ng maraming krisis, tila wala nang panahon ang mga katulad niyang manggagawa upang mamahinga at mabakante ng oras.
Tulad ni Sison, hindi maitatanggi ni Dacanay na may mga araw na sila ay nagkukulang pa rin sa kanilang gastusin sa bahay kahit pa nag-o-overtime ito sa pagtatrabaho. May asawa man siyang naiiwan sa kanilang munting tahanan upang asikasuhin ang kanilang dalawang anak at ilang mga gawaing-bahay—tulad ng kadalasang tungkulin ng ina bilang ilaw ng tahanan, tila malalim nang nakaukit sa lipunan ang katotohanang hindi kailan man magiging sapat ang ‘sapat na’ kung hindi maunlad ang estado at ekonomiya ng bansa upang sana'y makapagbigay ito ng mas marami pang pribilehiyo sa mga katulad nilang manggagawa.
KATOTOHANAN SA BAWAT TAHIMIK NA SULOK
Malawak man ang sulok ng PHINMA-University of Pangasinan, marami pa rin ang mga katulad ni Sison at Dacanay na manggagawang Pilipino na higit na nakararanas ng pareho o minsa'y mas malala pang kalagayan at sitwasyon sa pagtatrabaho. Dahil sa realidad ng buhay, malayo na ang agwat at timbang ng pagtatrabaho sa dapat sana'y patas na kikitain. Sa napakalaking oras na isinasakripisyo ng bawat manggagawang Pilipino ay katumbas nito ang oras na sana'y pinagsasalu-saluhan nilang pamilya. Sa makatuwid, ang determinasyon ng mga manggagawang Pilipino ay hindi kailanman masusukat ng kahit anong uri ng panukat. Nanatiling matatag ang mga makabagong bayani hindi lamang sa loob ng bawat sulok ng PHINMA-University of Pangasinan kundi maging sa bawat sulok ng mundo.
Ngunit sa kabila ng mga pagsubok na ito, katulad ng matigas na bakal na pinapanday sa mainit at marahas na apoy, ay mas lalo lamang itong nagpapatibay sa hangarin ng bawat Pilipinong pasulong na humahakbang sa matarik na daan ng buhay at katiyakan. Ang kuwento ni Sison at Dacanay ay ilan lamang sa mga tunay na istorya ng hubad na katotohanang nangyayari pa rin sa makabagong paraan ng pagtatrabaho. Marungis man lagi ang kuwelyo ng kanilang mga uniporme, sinisimbolo lamang ito sa bawat patak ng pawis na nililikha ng determinasyon, pagsusumikap, at pagmamahal nila mula sa kanilang pamilya.