2 minute read

Kalaro

Next Article
Paunang Salita

Paunang Salita

ni: Shane Mariz C. Roslin

"Mabuti nalang talaga at nandito ka may kalaro pa din ako." sabi ko sa kaibigan kong si Marie. Pinalilibutan kami ng mga nagkalat ‘kong mga laruan. Nakaupo kami sa muwebles na sahig habang sinusuklayan ang buhok ng napakalaki kong manika na regalo ng mama at papa ko na nasa ibang bansa ngayon. "Kapag nakipaglaro sa atin sina Eva hindi ko sila papasalihin!" medyo napalakas ng konti ang pagsuklay ko sa manika kaya may nadalang konting buhok sa suklay na hawak ko. Napatigil din tuloy siya sa pagsuklay. Naikwento ko kasi kay Marie ang nangyari kanina. Naglalaro ng patintero sa labas ng bahay ang grupo nina Eva. Gusto ko sanang sumali sa laro nila pero hindi nila ako pinasali. "Hayaan mo na sila. Nandito naman ako. Simula ngayon hindi ka na nag-iisa." sumilay ang ngiti sa mukha ni Marie. Ngumiti ako sa kanya pabalik. Mabuti nalang talaga at may kaibigan akong kagaya niya. Bagay na bagay sa kanya ang puti niyang bestida na parang parehas sa mga antigong damit ng yumao kong lola na hanggang ngayon ay nakatago pa din sa bodega. Tumingin sya sa akin at mas lalong lumaki ang ngiti sa kanyang mga labi hanggang sa makita ko ang pares ng mapuputi nyang mga ngipin.

Advertisement

Magaan lang ang pagkakahawak niya sa buhok ng manika gamit ang kanyang makinis at maputing mga kamay. Kung maputi na ako ay sya pang ikinaputi nyang lalo. Para na syang kulay gatas at nakakainggit din ang itim na itim nyang buhok at ang kanyang pares ng mga mata na parang mata ng manika.

"Kung umasta ang Eva na iyon! Hindi naman siya maganda! Mas maganda pa ako sakanya!" binitawan ko ang manika. Nakapamaywang ako at mataray na isinaboy sa ere ang buhok. Napahalakhak naman siya bigla. Nakatutuwang pagmasdan ang kanyang mukha habang malayang tumatawa. Masyadong nakakahawa ang tunog ng kanyang tawa kaya pati ako ay natawa na rin. Maya-maya ay may kumatok sa aking kwarto na syang dahilan kung bakit naputol ang aming tawanan. Bumukas ang pinto at iniluwa nito ang aking kuya na may bahid ng pagtataka sa mukha. Inilibot nya ang kanyang paningin sa kabuuan ng aking kwarto bago tumingin sa direksyon ko. "Sinong kausap mo? Alas tres na ng madaling araw, bakit ka tumatawa mag-isa dyan?" Sandali akong tumitig sa kanya. Biglang natumba ang malaki kong manika. Kasabay ng pagkawala ng kaibigan kong si Marie.

This article is from: