6 minute read

15 50/50 Vision Sa Eleksyon

Next Article
Be the Bomb

Be the Bomb

50-50

Vision Sa Eleksyon?

Advertisement

BY JHEZYLLE FAYE B. LORIA

Magandang umaga rin. Elsa Zamora, 40 años. Ano kamo? Boboto? Ewan. Bahala na. Depende.

Ni minsan ‘di ko man lang pinaghandaan ang araw na ito katulad ng bagong taon at aking kaarawan. Itinuring ko lamang itong parte ng buhay ng isang mamamayan na kailangang gawin bawat tatlong taon o anim na taon na para bang leap year na kumbaga ay tungkulin lamang at hindi isang karapatan at pribilehiyo. Ni minsan ‘di ko ito itinuring na espesyal na kailangan pang paghandaan. Limot ko na kung kailan ako huling nasabik sa pagboto sa halalan. Malamang, ‘yung unang beses ko ring pagboto sapagkat ‘di ko pa nararanasan ang madismaya sa pag-asa na tuparin ng mga pulitiko ang kanilang ipinangakong plataporma. Haaay… akala ko dati kapag binigyan ka ng kendi ng mga dumadaang kandidato ay kailangan mo na rin silang iboto. Ngunit hindi pala yun ang dapat na batayan o ang pera mang ibinibigay nila sa’yo, bagkus ang plataporma nila at kung may kakayahan nga ba talaga silang tuparin ang mga ito. Kapani-paniwala at posible ba ang mga ito, o sadyang inilagay lang upang magmukha silang maraming magagagawa? Nakakairita. Kasi gumising kami nang maaga at pumila nang matagalpara lang mabungaran ang ganitong klase ng mga politiko. Sayang lang ang tintang ginamit at espasyo na pinaglagyan ng kanilang pangalan sa balota. ‘Yung iba naman ay naidyaryo, nairadyo at naibalita pa sa telebisyon ang kanilang pagkasangkot doon sa pork barrel scam, aba’t talagang nakuha pang tumakbo at idinaan pa sa sayaw. Wala pa ngang plataporma. Ang mas nakakapag-init ng aking ulo eh binoboto pa rin ng mga ignoranteng botanteng dahil nakita na nila sa pelikula o kaya’y gwapo raw. Aba’y huwag naman nilang idamay kaming mga nag-iisip bago bumoto

sa kakatihan nila. Bansa natin ang nakasalalay dito. Marami-rami na ring artista ang pumasok sa pagpopolitika. Ang ilan, propesyon talaga nila, ang iba naman ay tuwing eleksyon nagwoworkshop bago humarap sa tao. Karamihan ‘di mo mapagkatiwalaan at puro pabango. Nakakasuka. Sana matauhan na ang mga tao. Ang nakakatuwa eh nakikita ko ang mga kabataan ngayon na mas nakikilahok sa usaping politikal. ‘Yung isa ko ngang anak na nasa elementary pa lang ay pinapabayaan kong makinig sa usapan naming matatanda kung tungkol sa ekonomiya o politika. Hindi dapat sila pinagbabawalang makilahok dahil sabik sila sa kaalaman. Hindi naman masama ang paggamit ng social media at internet kung ginagamit mo ito sa mabuti at hindi natatabunan ang kung ano mang bagay ang itinuro sa paaralan. Ang masama eh idinipende mo na lahat ng impormasyon na isiniksik mo sa iyong isip sa internet at hindi na pinapaniwalaan ang dati ng natutunan sa paaralan. Mahirap maging bulag sa katotohanan lalo na kung nasa harapan ng nakalatag sa’yo ang mga patotoo ay patuloy pa rin sapagkat pilit mong ipinipikit ang iyong mga mata at tinatakpan ang iyong mga tenga. Sa kabataan, ang masasabi ko ay hindi masama ang may makuha kang kaalaman sa mga bagong teknolohiya ngayon, pero huwag mong hayaang ito ang magpatakbo ng iyong pagdedesisyon sa susunod na halalan. Ang iyong susunod na anim na taon ang nakasalalay rito.

“Apply now, suffer later.” –Ping Lacson

Ayon sa tweet mula sa account ng isa sa mga tumatakbo sa pagka-presidente, mayroon lang namang sampung problemang kakaharapin ang sunod na mailuluklok sa pinakamataas na pwesto sa bansa. Hindi para umatras ang mga tatakbo, bagkus upang ipakitang hindi lamang basta-basta ang posisyon na kanilang tatahakin. Nangagailangan ito ng maayos na pamamahala. Hindi naman para magtanim ng pangamba sa mga botante, bagkus magtanim pa ng pagnanais sa kanilang isip na mailuklok ang karapat-dapat na kandidato sa pagkapangulo. Kabilang rito ang isyu patungkol sa West Philippine Sea, COVID-19, ang trilyon-trilyong utang ng bansa, pagtaas ng unemployment rate, at pagbaba ng tax revenue. Marahil sobra pa sa sampung nakalista ni Lacson ang ilan pa sa iba pang kinakaharap na problema ng ating bansa ngunit pinapakita lamang dito na kailangang may kaalaman sa ekonomiya ang dapat na mamuno sa atin at hindi lang basta pumili dahil swak sila sa ating style at panlasa o dahil sa gusto lang natin. Malaki ang nakataya sa susunod na halalan. Ito ang magpapasiya ng iyong hinaharap. Kung paano gagalaw ang pagtaas ng bilihin magmula sa iyong kinakain hanggang sa gasolina na nagpapatakbo ng iyong sasakyan at direktang makaaapekto rin sa pamasahe sa pampublikong transportasyon; ang posibilidad na makapaghanap ka agad ng trabaho at pagiging panatag sa pagkakaroon ng ligtas na bansa. Napakaraming maaapektuhan sa pagpalit ng lider dahil dito masusukat kung gaano kagaling ang isang lider ng bansa. Hindi natin maaaring isisi sa gobyerno ang ating kahirapan, ngunit ang mga bagay na ating inaasahan sa pamumuhay tulad ng trabaho, ang gobyerno ay mayroong kontrol sa pagiging mababa o pagtaas naman ng minimum wage sa bawat lugar. Mabigat ang trabaho pero kaunti lang ang sahod. Hindi sapat sa karaniwang pamilyang Pilipino. Dagdag pa ang inflation na nagpapahirap sa mga tao.

Limang Milyong Dagdag

Ikinatuwa naman ng pamahalaan ang pagdagdag ng mga botanteng nagparehistro para sa Halalan 2022. Higit sa apat na milyon naman dito ay mga kabataaan ayon sa kanila. Sa panahon ngayon, mas may kabuluhan ang mga pinaguusapan ng mga netizens sa Facebook, kompara dati kung saan ginagamit lang ito para mag-post ng kanilang litrato. Kung iyong mapapansin, may mga post ngayon na nakikilahok ang netizens sa mga usaping politikal o ano pa mang mag-trending o matunog na balita. Nabansagan na ngang ‘woke culture’ ang kasalukuyang henerasyon dahil lahat na lang daw ng topic ay pinagdedebatehan. Parating may masasabi ang bawat kampo. Minsan nga’y kung ano ang nagte-trend na balita ay nakakaapekto na rin sa ibang desisyon ng iba. Hindi pa nagpapalit ang taon ay napakainit na talaga ng debate ng mga tao sa Facebook sa kung sino ang karapat-dapat na mamuno. Isa ito sa magagandang naging epekto ng social media, na akala ng ilan ay magbubunsod lang ng labis na pagbabad dito nang walang natututuhan. “Aba’y nangako na nga kami, kailangan pa bagang tuparin?” Marahil ‘yan ang pangisi nilang iniisip habang pinagmamasadan ang naloko na naman nilang mga botante na patuloy pa ring bumoboto sa kanila sa kabila ng kawalan ng kongkretong nagawa ang mga ito bukod sa pagpapagawa ng tarpaulin na nagpapasalamat sa sariling ipinatayo na galing naman sa pondo ng bayan. Nawa’y ‘di na natin masilayan pa ito pagkatapos ng eleksyon at ‘di na maranasan ng ating magiging mga anak. Napakatagal ng anim na taon. Hindi ito basta lumilipas lang na parang hangin kung iyong gustuhin. Mararamdaman at mararamdaman mo ang epekto ng kanilang pamumuno sa pamamagitan ng mga panukalang kanilang ipapatupad. Sabi ng ilan, mulat na daw tayo. “Pare-pareho lang naman silang lahat, dun na tayo sa may nagawa.” “Siya ang may magagwa.” “Hindi na kami paloloko.” Sari-saring sentimyento. Pero sa huli, mulat na nga ba ang mga botanteng Pilipino? O lalong nabulagan pa sa mga bagong teknolohiya? Gising na nga ba tayo sa mga nangyayari sa ating paligid at handa nang tanggapin na mayroon pa ring pagasa ang ating bansa laban sa korapsyon? Minsan, mas madaling magduda kaysa sa maniwala. Mas madaling pumili na lang nang basta kaysa pag-isipan ang iyong desisyon. Mas madaling gawin ang isang bagay nang walang ipinuhunang pangangalap ng impormasyon na kung ano na lang ang nasa harapan ay siyang susunggaban.

GRAPHICS BYROSE CLAVANO PAGE DESIGN BY CYEN ESCLANDA

This article is from: