
2 minute read
Ang Pagmamahal na Higit sa Sinumpaang Salaysay
NI PATRICK JOSEPH PANAMBO
Advertisement
Ito ang paulit-ulit na maririnig sa loob ng ospital na aking pinagtatrabahuhan. Ang lahat ay aligaga; balot ng espesyal na kasuotan, pawis at hapo. “Dok! Ikaw na lang daw po,” sambit ng isang nars na batid ko’y kulang din ang tulog at kasama ko rin sa loob ng pasilidad.
Sa tawag ng sinumpaang pangako, ang magamit ang pinag-aralan lalo na sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad na lamang nito ay hindi mapipigilan. Agad na kami ay nagtungo sa kung saan naroroon ang pasyente. Tunog lamang ng mga aparato ang maririnig.
Ang pasyente ay positibo ng COVID-19. Siya ay nangangailangan mapasukan ng tubo sa baga sapagkat masyado nang nanghihina ang kanyang sistema. Sa kasamaang palad, wala pala siyang bakuna kontra rito.
Habang ang lahat ay okupado ang oras sa prosesong aming isinasagawa, naisip ko kung may naghihintay rin bang pamilya sa taong ito. Kung alam ba nilang nasa malubhang kalagayan ang kanilang mahal sa buhay. O kumusta ang mga nakasalamuha niya sa kanyang tahanan. Paano na lang kung bigla na lang siyang mawala?
Sa kailaliman ng pagtatanong ng aking isipan, naalala kong magtatatlong taon na tayong nakikipaglaban sa COVID-19. Libo-libong buhay na ang pumanaw, milyon na ang natamaan, at marami-rami pa ang lumalabang makahinga. Dumaan na tayo sa taong puno ng takot ang nararamdaman. Dumaan ang mga araw na ang galit ng mga tao’y ipinararamdam. Panaghoy, sigaw at pagmamakaawa na sana’y mahanap na ang lunas sa karamdamang ito. Magtatatlong taon na tayong nasisikil ng oportunidad. Mistula na tayong bilanggo sa sariling tahanan.
“Kailan kaya matatapos ito?” ang mahina kong tanong sa sarili ko.
“Dok, tapos na po tayo.” Sagot ng aking katulong na nars. Ngumiti na lang ako sa kanya sapagkat ‘di ko inakalang narinig niya ako. Mas masarap sanang mapakinggan kung tapos na talaga ang laban natin sa delubyong ito. Ngunit pasalamat na rin at maayos naming natapos ang operasyon.
“Dok, Nurse, salamat po sa agaran niyong aksyon. Alam naming positibo rin kayo sa
COVID at kayo’y nagpapahinga sa inyong pasilidad pero nagkukulang po tayo ng propesyonal ngayon. Pwede na po ulit kayong bumalik at magpagaling. Palakas po tayo!” Ang paalala ng head doctor ng hospital. Oo nga pala, positibo rin kami sa sakit. At marami pang frontliners ang natamaan nito. Sana talaga ay matapos na ito.
Magtatatlong taon na tayo ngayong 2022. Kapapasok pa lang ng Enero ngunit ito ang bungad sa atin. Kaming mga frontliners ay tinamaan na rin ng sakit. Kaya ang tangi naming hiling, mag-ingat tayong lahat. Magpabakuna hangga’t maaari sapagkat ito ay dagdag proteksyon laban sa COVID. ‘Wag na sana nating hintayin ang ilang taon pa.


