8 minute read

Ang Pakikipaglaban ko sa COVID-19

Doctor’s Note:

In December 2020, another variant of the SARS-CoV-2 was discovered during the on-going COVID-19 pandemic in the United Kingdom. Labelled as Lineage B.1.1.7, it was observed to be more transmissible than the wild-type SARS-CoV-2 and was reported that the spread of this specific variant peaked during mid-December of that year. It was also stated that the increase of cases could be directly proportional to the increase of SARS-CoV-2 infections in their country. Examined differences exist between this variant and the original SARS-CoV-2 afflictions through several distinguished mutations in its spike proteins. The discovery of this new variant has led to the rise of numerous dubieties regarding the possible existence of other variants around the globe. In addition, reports have suggested that the primary variant may have originated from an immunocompromised individual, giving way to a prolonged duration of the variant’s replication and growth.

Advertisement

Below is one of our brother's agony from this strain.

By Bro. Raul Polinag (25)

West Sussex, United Kingdom

Ito ang detalyadong kwento ng aking pakikipaglaban sa COVID 19 at kung ano ang epekto nito sa sinomang dapuan ng karamdaman na ito. Layunin ko na ibukas ang isipan ng ating mga kababayan na ang COVID 19 ay isang Virus na hindi dapat balewalain o ipagkibit-balikat lamang. Kailangan ang ibayong pag-iingat at sumunod dapat sa patakaran na pinaiiral ng pamahalaan. Hindi ko akalain na ang pagpapalit ng taon ay siya ring umpisa ng pagbabago ng aming buhay bilang isang pamilya. Sa isang iglap ay naiba ang ikot ng aming mundo. Sa hindi inaasahan at malungkot na pangyayari, lahat kami sa pamilya ay dinapuan ng COVID 19. Ang akala namin na ang simpleng trangkaso (Flu) pala ay magiging bangungot pagkatapos lumabas sa Rapid Test na ako at ang dalawa kong anak ay positibo sa COVID 19. Ramdam ko ang unti-unting panghihina. Ang pagtaas-baba ng aking temperatura at kakaiba na ang aking ubo dahil parang abot lang hanggang lalamunan ang pinaghuhugutan nito. Ngimi (Numb) ang aking mukha at buong katawan at para akong nauupos na kandila samantalang ang dalawa kong anak ay mabilis na naka-recover pagkatapos lamang ng isang lingo, dala marahil ng kanilang kabataan at malusog na pangangatawan. Ramdam ko na ito na marahil ang sinasabing COVID.

JANUARY 9, 2021- Ginising ako ng aking anak at sinabing tumawag na siya ng PARAMEDIC para dalhin ako sa ospital dahil nakita nila na hindi na normal ang aking pakiramdam kasabay pa ng patuloy na pag bagsak ng aking OXYGEN SATURATION LEVEL. Unti-unti na akong nawawalan ng oxygen sa katawan na pwedeng humantong sa masmabigat na kumplikasyon.

Mula sa aking higaan ay dahan-dahan akong bumangon kasabay ng pag dating ng dalawang lalakeng Paramedics. Ginawa nila ang ibat-ibang tests at kanilang nabasa ang aking

temperatura na umabot na ng halos 40 degrees at mababang Oxygen Saturation Level na 79. Umabot din ng mga 20 minuto ang pag susuri sa akin bago ako isinakay sa stretcher upang ibinaba sa hagdanan ng gusali. Sa ambulansya na isinagawa ang iba pang pagsusuri. Habang tulala sa mga pangyayari, ako’y namulat at unti-unting nainisip ang mga pwedeng mangyari. Sa pagsagot sa tanong na “PAANO KUNG MAWALA AKO BIGLA?”, aking sinuri ang antas ng aking kahandaan. Hindi alintana ang mga ginagawa ng mga Paramedics dahil ramdam ko na may katagalan pa kaming nakahinto bago ako tuluyang inihatid sa ospital.

PAANO KUNG LUMALA ANG AKING SAKIT? PAANO ANG AKING PAMILYA? KAYA NA KAYA NILA?

Mabuti na lamang at libre ang serbisyo ng pagpapa gamot dito sa UK. Paano kung nasa Pilipinas ako? May sakit ka na, sakit pa sa bulsa. Wala sa isip ko ang aking karamdaman at sasapitin pagdating sa ospital. Edad 26, 23, at 21 taong gulang na ang aking mga anak. Tapos na sila sa pag-aral at may kanya-kanya na ring pinagkikitaan. KAYA NA NILA MABUHAY! Sagot ko sa sarili ko. Hindi na sila itataguyod pa ng aking asawa. Pinalaki din naman namin sila na responsable at nagtutulungan. Tumakbo na ang ambulansya. Naglalakbay na din ang aking isipan tangay ng maraming katanungan: Ano na ang aking gawin? Ano kaya ang dapat at hindi ko dapat isipin para makatulong sa aking pagpapagaling. Kailangang patayin ang emosyon. Kailangan kalimutan ang pag-aalala sa aking pamilya at mga taong malalapit sa akin. Kailangan maging PRIBADO ang aking pakikipaglaban sa Covid 19. Lahat ng hindi makakatulong sa aking pagpapagaling ay hindi ko dapat isipin. Dumating kami sa EMERGENCY WARD at ibinaba ako sa ambulansya sakay pa rin sa stretcher. Habang itinutulak papasok ay kita ko ang mga tao sa paligid na naka tingin sa akin. Mayroon ding mga Pinoy na sumesenyas na “KAYA MO YAN!” At ipinasok ako sa silid kung saan maraming ikinabit sa aking katawan kasabay ng pagbibigay sa akin ng oxygen. ITO NA ANG UMPISA NG AKING PAKIKIPAG LABAN. Kakaiba ang aking naramdaman. Para bang ako ay nalulunod at naghahanap ng makakapitan. Parang nilagyan ng plastic bag ang ulo ko at naghahanap ng hangin para makahinga. Ito ay araw-araw kong pakiramdam. Kakaiba ito sa pangkaraniwang trangkaso. Wala akong nararamdamang magandang pagbabago bagkus parang may karagdagan pang kakaibang masamang pakiramdam na mahirap isalarawan. Sakit ng katawan. Sakit ng ulo, sakit ng kasukasuan, at sobrang panghihina - ilan lamang iyan sa mga parusa sa aking katawan.

INIWASAN KO MAGSALITA

Dahil sa patuloy na paghihirap sa paghinga, iniwasan ko na rin magsalita. Ang pagsasalita ay magbubunga lamang ng pag-ubo na oras na masimulan ay mahirap nang itigil at nauuwi sa kakapusan ng hininga. Tiniis ko ang kati ng lalamunan habang binabalanse ang paghinga sa tulong ng oxygen dahil pakiramdam ko ay wala ng hangin na nanggagaling sa aking baga. Ang dating normal na pag hinga ay napalitan ng pag hinga ng parang babaeng manganganak. Hindi malayo sa isang taong naghihingalo. Ganun pa man ay buo ang aking loob. Tinanggap ko ang sitwasyon na ang tanging nasa isip ko ay “PAANO AKO GAGALING.” Wala ng mababago sa aking kinalalagyan. Hindi pwede umatras. Dapat lahat pasulong. Bawal ang drama. Bawal ang awa sa sarili. Bawal isipin ang pamilya. PAANO AKO GAGALING? Ito lang ang tanong. Wala ng iba.

NAUUBOS NA ANG AKING LAKAS

Bukod sa kawalan ng hangin ay unti-unti kong nararanasan ang kawalan ng lakas. Kahit ang tumagilid sa kama ay mahirap gawin at kung magawa ko man ay hingal ang mangyayari na parang tumakbo nang walang pahinga. Sa aking tantya ay mayroon lamang akong 5% lakas na pwede lang gamitin sa pagsasalita ng ilang beses, paglalakad sa banyo ng ilang hakbang pag paling sa higaan, at pagkatapos ay ubos na agad ang bateriya. Kung makikipag suntukan sa pitong taong gulang ay segurado akong hindi ako mananalo. Ganun ako kahina. Lahat ay tipid ang pag galaw. OO at HINDI lang ang sagot para madali, at kadalasan ay tango lang. Kailangan tipirin ko ang lakas para kung sakaling ako ay ubuhin ay

may konti enerhiy pa akong mahuhugot. Hindi nawawala ang pag-alon ng aking tyan. Patuloy pa rin ang aking mabilis na paghinga sa laging bukas kong bibig. Ang sakit sa dibdib… Ang hirap sa katawan... Walang katapusan.

OK LANG SABAY NGITI.

Ilang araw na at wala pa ring nakikitang pagbabago sa aking kalagayan. Dinala na ako sa ICU para mas maobserbahan ng maigi at sa tulong ng Continuous Positive Airway Pressure (CPAP) – isang mala Astronaut na Gear na nakasuot sa aking ulo upang makapaghatid ng mas malakas na oxygen intake para lalo akong makahinga. Ilang araw din akong namalagi sa ICU habang pabago-bago ang aking kundisyon. May mga araw na inaalis ang CPAP sa aking ulo at pinapalitan lang ng regular na oxygen. Arawaraw din ang turok at pagkuha ng dugo hanggang puro butas na pareho kong braso bukod pa sa turok sa tiyan. May ilang gabi din ako nakaranas ng HALUCCINATION kung saan nakikita ko ang aking sarili habang nakatingin sa isa ko pang sarili na gumugulong sa bangin. Tatlong gabi na hindi nababago ang aking nakikita. Para akong nag deliryo bagama’t hindi naman mataas ang aking temperatura.

Tuloy din ang pagturok sa akin ng mga STEROIDS at ANTIBIOTICS, bukod pa sa pagkuha ng dugo ng mga ilang beses sa isang araw kahit dis-oras ng gabi. Dalawang beses din ako sinalinan ng BLOOD PLASMA na galing sa mga pasyente na nagka COVID na. Puyat, pagod, at sakit ng katawan ang aking inabot sa pagamutan para lamang ako gumaling. Matapos ng mahigit isang linggo sa ICU ay bumalik na sa stable OXYGEN SATURATION LEVEL ang aking katawan. Sa tuwing babagsak ito ulit ay binabalik ang CPAP pero hindi na kagaya noon na 24 na oras arawaraw. Madalas ay Oxygen Mask na lang ang suot ko hanggang sa tuluyang nakalaya sa pagiging “Astronaut”. Kamalaunan, sinabi sa akin na mabilis na ang aking improvement at pwede nang ilipat sa NON-COVID WARD pagkatapos ng ilan pang mga pagsusuri. Noong nagkaroon na ako ng sapat na lakas, doon pa lamang ako nagkaroon ng pagkakataong makausap ang aking pamilya sa pamamagitan ng online video. Noon ko lamang nalaman na biktima din pala ng COVID ang aking asawa at ang isa ko pang anak na dumanas din ng matinding paghihirap. Sa bandang huli, ang lahat ay lumipas at nalampasan din naming lahat ang unos. Unti-unti na kaming naka-recover pero ako na matindi ang naging epekto ng COVID ay patuloy pa rin dumaranas ng kakapusan sa paghinga at maaring bumilang pa ng mahabang panahon bago tuluyang gumaling. Ang aking taos pusong pasasalamat sa lahat ng mga nagpa abot ng kanilang mga panalangin para sa kagalingan ng aking buong pamilya.

About the writer:

Bro. Raul Polinag is a member of Malinaw Lodge No. 25 (Laguna). He is currently based in the United Kingdom as CSSD Technician at Worthing Hospital. The head of a family of five - all COVID-19 Survivors of the UK Variant. He willingly submitted an account of his experience to the Cable Tow to help build awareness on the seriousness of the COVID-19.