
4 minute read
Jeepney Press November-December / Jeff Plantilla
Isang Araw Sa Ating Buhay ni Jeff Plantilla
Kapag may pagkakataon ako na magsalita sa pagsasama-sama ng ating mga kababayan, isa sa aking paboritong tanong ay ito: bakit tayo naririto?
Advertisement
Mahalaga sa akin na pag-usapan kung ano ang dahilan ng pagsasama-sama. Mahalagang mapag-isipan na hindi tayo nagsasayang ng oras o nagkakasayahan lamang sa pagsama-sama. Dapat ay may makahulugang dahilan bakit nagsasama-sama. Paglalakbay
Sa tanong na ito, inaanyayahan ko ang mga kababayan natin na mag-isip. Makakabuti ba sa inyo at sa inyong komunidad ang inyong pagbibigay ng panahon, pera at pagod para sa pagsasamang ito? May madadala ba kayong magandang bagay pauwi mula sa pagsasamang ito sa inyong komunidad?
May nagsabi na karaniwan ang ating mga kababayan ay may dahilan para hindi makarating kapag ang gagawin ay seminar, workshop o pag-aaral. Pero laging handa pag PPP - pasyal, picnic o party.
Kaya kung ang ating mga kababayan ay nagsasama-sama dahil sa isang pag-aaral o pag-uusap na mahalaga para sa kapwa kababayan at sa komunidad, mabuting linawin sa una pa lang ang tamang sagot sa tanong: bakit tayo naririto?
Paglalakbay
Isa pang mahalagang tanong ay: saan ka pupunta?
Kung ikaw ay lider o kinatawan ng iyong komunidad, saan ka pupunta? Ang tanong na ito ay pareho sa: ano ang iyong gagawin?
Kailangang malinaw ang iyong sagot sa tanong na ito. Kung malinaw ang sagot sa tanong na: bakit ka naririto? Ang susunod na malinaw ay ang sagot sa tanong na: saan ka pupunta/ano ang iyong gagawin?
Mahalaga ito dahil dito nabubuo ang mga plano at iba pang gawain. Kung ang gusto mo ay dumami ang mga sumasama sa mga activities ng komunidad, ano ang dapat gawin? Kung gusto mong maging maayos ang relasyon ng mga kasama sa komunidad, ano ang dapat gawin?
Kung malinaw na ang iyong gagawin, kailangang diretso lang. Mahirap ang paglalakbay tungo sa pupuntahan at yan ay alam na alam mo na. Alam mo na ang daan ay maaaring mabato, maputik, malayo at maraming harang, pero diretso ka lang sa iyong pupuntahan.
Pagbagal ng paglalakbay
Nguni’t kung ang ating paglalakad papunta sa sinasabing patutunguhan ay mabagal, ano kaya ang dahilan?
Masyado bang maraming sagabal? Mahirap ba ang daan? May humaharang ba?
Sa tingin ko, para yang marathon. Ang mahalaga ay ang makarating sa finish line kahit mabagal. Kaya sige lang ang lakad hanggang matapos. Hindi puwedeng tumigil sa gitna.
Pareho din yan sa lesson ni Manny Pacquiao sa boxing. Nung siya ay ma-knock-out sa Thailand, nalaman niya na ang dahilan ay ang kakulangan sa paghahanda. Kailangang malakas siya (mentally at physically) mula first round hanggang last round (madalas yata 12 rounds ang laban niya – halos 40 minutes ng buntalan). At kaya ganun siyang maghanda; mahirap at matagal ang paghahanda para siya ay palaging malakas kahit anong round siya abutin.
Kaya sa ating paglalakbay bilang lider, naghanda ba tayo? Paghahanda ng ating isip na alam natin kung saan tayo pupunta, paghahanda ng sarili sa mahirap na daan?
Ang ating paglalakbay kasama ang ating mga kababayan ay isang biyayang pagkakataon kaya mahalaga – sama-sama, pantay-pantay, iisa ang layunin – para sa ikabubuti nating lahat.
Correction
Sa aking isinulat sa September-October 2022 issue ng Jeepney Press, may mali sa educational background ni Dado Montano.
Si Dado ay graduate ng University of the Philippines Cebu (hindi University of the Philippines Visayas na nasa Iloilo). Correction din sa pangalan ng kanyang painting school – ito ay Montano Arts.
Ito ang photos ng kanyang art lesson classes sa Montano Arts sa Nara para sa mga bata at para sa mga matatanda.



Jeff Plantilla
Jeepney Press