PARINIG PARINIG PARINIG
“
Kahit parinig, nawa’y mapakinggan.
‘Di man singlakas ng dagundong ng tambol, nag- iiwan pa rin ng silakbo sa puso ang tunog.
Parinig ma’y aabot sa iyong pang- unawa. Parinig ma’y magbubukas ng puso.
Parinig ma’y kikintal sa isip.
Parinig ma’y lalaya rin! ”
PADINIG PADINIG PADINIG
“
Padinig naman nitong mga danas nang makita natin kung alin ang labis at kulang.
Padinig naman nitong hinahaying hinaing kahit mainit-kahit ‘di sapat.
Padinig naman kahit mahina-kahit saglit...
Padinig naman! ”
“
Itong parinig sana’y umabot sa pandinig. Itong pandinig nawa’y tunay na nakinig. Itong mga nakinig nawa’y magparinig nang hindi lamang iilan ang naririnig. Kapwa tayo maging tagapakinig ng bawat parinig hanggang sa ang lahat ay mapakinggan. Ito ang esensya ng parinig, padinig at pakinig. ”
PAKINIG PAKINIG PAKINIG
Kalipunan ng mga Akdang Pampanitikan
PADINIG PARINIG PAKINIG
Kalipunan ng mga Akdang Pampanitikan BSED- IIA3, Medyor sa Filipino
PADINIG PARINIG PAKINIG
Gender and Society- Mindoro State University
Walang gabay ang inilimbag na e- book na talaan ng nilalaman sapagkat ang hangad ay mapakinggan nang walang sinusunod na bilang.
Katulad kung paano naging malaya ang mga may akda, ganoon mo rin sana maramdaman ang layang hatid nito sa kalooban.
Laging tatandaan na lahat ng mararamdaman ay balido at hindi mo kailangang itanggi o itago.
Ito’y nararapat ipadinig nang mapakinggan kahit mistulang mga parinig lamang.
‘Wag kang matakot maging malaya.
‘Wag kang mangamba bagkus, ilabas mo nang kusa.
Maging totoo ka--dahil sa pamamagitan lang nito ka tunay na sasaya ay magiging payapa.
-Pres.
PARINIG PADINIG
PAKINIG
prinig= pdinig pkinig
Pagkakakilanlan
ni Laica C. Delos Reyes
Simula ng isilang ay nagkaroon ng pagkakakilanlan
Dahil nilikha tayo ng may kasarian
Pagiging babae o lalaki ay maraming dapat
gampanan
Sa iba’t ibang bagay dito sa ating lipunan
Ang mga babae ay kilala bilang ilaw ng tahanan
Nagbibigay ng liwanag para sa kanilang kinabukasan
Pagod at puyat para sa pamilya ay inilalaan
Matugunan lamang ang kanilang pangangailangan
Sa kabila ng hirap na kanilang nararanasan
Tila hindi pa rin ito sapat sa mata ng karamihan
Mababa pa rin ang pagtingin sa mga kababaihan
Dahil ito na ang tumatak sa bawat isipan
Pag-angat sa mga kababaihan ay dapat isagawa
At dapat din iparating sa mga madla
Na ang babae ay hindi basta babae lang
Kaya ding gawin ang ibang bagay kung kinakailangan
Ang mga lalaki ay kilala bilang haligi ng tahanan Nagsisilbing pundasyon sa iba’t ibang larangan
Problema ay hindi ipinaparamdam
Sa kanyang pamilya na kanyang sandigan
Pinipilit na maging malakas sa lahat ng oras Para matustusan pangangailangan ng mga anak
Napapawi ang lungkot sa kanyang mga mata
Ngiti sa labi ay nabubuo sa tuwina
Tatatayo sa sariling mga paa
Kahit na maraming tungkulin bilang ‘padre de pamilya’
Nasa kanyang mga kamay kung paano maiisalba
Ang pamilya na sa kanya ay umaasa
Babae o lalaki ay pantay-pantay
Dito sa lipunan kung saan tayo ay nabubuhay
Pagrespeto ay dapat isabuhay
Huwag itong isantabi upang hindi ito mamatay
Lahat tayo ay may ambag sa lipunan
Walang nakakaangat sa kahit sinoman
Atin laging isipin na tayo ay mabuting likha
At hindi para tayo ay maging masama.
Puwang
Fernandez, Lara S.
Hindi lang ngayon nauso ang tomboy o bakla Una palang, nariyan na silang katulad mo Namumuhay na kagaya ng iba, Nakararamdam na kagaya ng nadarama mo
Sa ating lipunan, puwang nila’y mahalaga ring kagaya ng puwang mo Kung sa tingin mo’y mahalaga ang ambag mo, Gayon din sila sa sarili nila Kung sarili mo’y minamahal mo, gayun din sila
Kaya, hangga’t wala silang ginagawang masama, Wala kang karapatang humusga
Sa kung ano ang tama at mali, at ano ang dapat at hindi
‘pagkat Diyos lamang ang may karapatang humusga at hindi ikaw na tao lang ding katulad nila
Sa malawak nating mundo, bawat isa’y naghahangad na bigyang puwang ng lipunang kinaroroonan nila.
Pagmamahal na walang anumang kapalit at pagtanggap na walang panghuhusga
‘Yan lang naman ang habol nila, bakit ipinagkakait pa sa kanila?
Kailangan pa bang ituro muna sa paaralan bago mo mapagtanto na may halaga sila?
Ang nais lang naman nila’y maging masaya, bakit ipinagkakait mo pa?
Ang totoo, hindi naman talaga mahalaga na tanggap mo sila pero dahil tao sila nangangarap din sila.
Na balang araw, kasama ka nila sa isang lipunang masaya at may pagkakaisa.
Kaya’t wag ka naman sanang maging makasarili dahil bawat tao’y may importansya’t halaga at tandaan mo sana to!
Realidad
Ni Fernandez, Lara S.
Babae, Lalaki
Sa tuwing naririnig natin ang mga katagang ito, madalas inuuri na agad natin sila sa kung anong katangian at kakayahan na meron sila.
Mahina, malakas, mahinhin Mga pang-uring sadyang nakatalaga na.
Mahina, sa mga kababaiha’y palaging nakakabit na
Malakas, pang-uring dapat sa kalalakihan lang ba?
Mahinhin, hindi lang babae ang nagtataglay ng ganitong katangian
ngunit sa tuwing naririnig natin ang katagang ito babae agad ang nasa isip natin
Nakakatawang isipin ngunit batid nating sadyang hindi patas ang mundo.
‘pagkat sa iba, ang mga babae ay may espisipikong dapat kalagyan at ganapan. At ang mga lalaki ay naiiba sa mga kababaihan. Bakit di tayo gumising?
Lumabas tayo sa tunay na mundo
upang makita natin na hindi na angkop ang katagang mahina para sa babae
At ang salitang malakas ay hindi na lamang para sa mga kalalakihan
‘pagkat sa panahon natin ngayon, ang mga babae ay hindi na lamang nakatali sa gawi ng nakaraan
At ang salitang dapat sa bahay “ lang “ sila ay hindi na tanggap sa ngayon.
‘Pagkat katulad ng mga lalaki ay nagagawa na rin nilang sumabay sa agos ng panahon minsan pa nga, nakahihigit pa sila.
Yung tipong lahat ay sa kanila na--responsibilidad pa ni asawa’y idinagdag pa sa pasanin nila.
Maghapong magtatrabaho sa labas, pag-uwi’y magsasaing pa Hindi ko sinasabing ang mga kalalakiha’y iresponsable ngunit ang senaryong ito’y batid nating may kaakibat na realidad
Realidad na wala na tayo sa dating panahon
Panahon, na kung saan ang mga lalaki’y obligado pang gumanap sa mga tungkulin nila
At ang mga babae ay anino at tagapagsilbi lamang ng mga asawa at anak nila.
Ang realidad ay wala na sa nakaraan
Gumising ka!
Gisingin mo ang iyong diwa
Upang makita mo na ang kasalukuya’y
iba na sa nakaraan
Na ang nakaraa’y mananatili na lamang na alaala
At ang kasalukuyan ay ang realidad na lumulukob sa ating lipunan.
Ex Jowa?
Micah Glenece C. Gabia
“Will you be my girlfriend?” Nakangiting tanong sa akin ng aking long time suitor na si Mitch. Napatingin ako sa paligid at pinagmasdan ang ganda ng kapaligiran, dinala niya ako sa isang romantikong restawran na kung titingnan mo’ng maigi ay mahahalata mo nang masasarap ang pagkain at naghuhumiyaw sa karangyaan ang mga taong kayang kumain dito. Hindi ako agad makasagot dahil sa gulat, dahil ang inaakala kong simpleng pagtatanong niyang iyon ay may susunod pa palang pasabog sapagkat andon ang pamilya ko at pamilya niya upang maging saksi kung paano kaming magiging isang ganap na magkasintahan. Natuwa ako sapagkat ramdam ko ang sinseridad niyang mapasagot ako at malaki ang naging impak n’on sa akin upang makuha ang sagot na inaasam niya.
“Oo, sinasagot na kita!” Masayang sagot ko sa tanong niya na nagpalundag sa kanya sa labis na kagalakan. Niyakap niya ako ng mahigpit at sabay naming nilapitan ang aming parehong pamilya upang pasalamatan.
Makalipas ang tatlong taon…
Palagi nalang ganito! Ang tagal- tagal na natin pero ni hawakan ka, ‘di ko magawa! Ang arte-arte mo, mahal mo ba talaga ako? Sigaw na lintanya sa akin ni Mitch na nagpakulo ng dugo ko.
“Kung ‘di mo rin lang naman kayang ibigay ‘yan sa akin mas mabuti pang maghiwalay na lang tayo!” Dugtong pa nito na nakakuha ng atensyon ko. At dahil sa labis na pagkabigla di ko namalayang nakaalis na pala sya. Napahagulhol na lamang ako sa isang tabi dahil sa sobrang sakit .
Mula sa ilang buwang pagkakalugmok napagpasyahan kong lumabas ng bahay upang makalanghap ng sariwang hangin. At sa di inaasahang pagkakataon nakasalubong ko ang kapatid ni Mitch sa labas ng 7- eleven kung saan ko balak pumunta.
“Oy! Kumusta? Nabalitaan mo na ba isyu kay Mitch?” Tanong niya sa akin.
“Ha? Anong isyu?” Naguguluhang tanong ko.
“Di mo ba alam? Buntis si Mitch”
ANO?! Gulat kong sigaw at di pa rin makapaniwala sa narinig.
“Oo, buntis sya matapos n’yong maghiwalay dalawa ay nagpakalasing sya sa isang Bar sa BGC at nagising nalang kinabukasan sa isang Hotel na walang saplot at hindi maalala ang nangyari” Kwento sa kanya ng kapatid ni Mitch.
Napatulala na lamang ako sa aking mga narinig at napagtantong kahit Tomboy si Mitch posible pa rin itong mabuntis dahil babae pa rin ito.
Napaiyak na lamang s’ya sa kan’yang nalaman at tinalikuran na ang kapatid nitong nakatingin sa kanya na punong puno ng awa.
Wakas…
Shopee Romance
Micah Glenece C. Gabia
Bip! Bip! Bip! Hays may nagtext J&T EXPRESS! Napasigaw nalang ako sa sobrang excitement. Di ko alam kung anong parcel ang darating, Sapatos ba? Sling Bag? Pants? O dress na kulang sa tela sa sobrang iksi kapag ipinampupustura
“Hays, Excited na ako” Nakatulalang usal ko sa labas ng aming tahanan. Kabado rin pala ako iniisip ko kase agad kung palpak ba o ano ang produktong inorder ko. Kung malaki ba? Maliit ? o kaya naman ay sakto.
“Pero! Mas excited ako sa delivery boy na magdadala ng parcel ko” Pag amin ko sa sarili ko dahil tinamaan na yata ako. Pano ba naman magiging hindi, kung makatawag sa akin kala mo naman matagal na kaming magkakilala, kulang nalang pumasok sa loob ng bahay namin at umupo sa silya. Sabagay sino ba namang ‘di magkakakilala kung halos sa isang linggo, tatlong beses s’yang nagdedeliver ng ewan ko ba. Minsan pa nga umaabot ng hanggang lima.
Siguro panahon na, oras na para sabihin ko sa kan’yang mahal ko s’ya. Dalangin kong tanggapin niya ang pag ibig ko .
Ayan na, dumating na s’ya.
“Hi Daniel!” Masayang tawag ko sa kanya kahit ‘di pa sya nakakababa sa motor n’ya.
“Daniel lang? asan na yung kuya?” Nagtatakang sambit niya sa akin.
“Ayoko nang maging kuya ka lang Daniel. Aaminin ko gusto kita” may paninindigang sambit ko
“Ha? nagjojoke ka na naman ba? Alam mo namang hindi pwede diba.” Naguguluhang tanong niya na nagpakaba sa akin dahil alam kong hindi n’ya nagustuhan ang sinabi ko. Kaya pinilit kong ibalik ang sarili ko at magkunwaring biro lamang ang lahat para ‘di masira pagkakaibigan namin.
“Ano ba tong kalokohang to?! Ano bang pumasok sa kokote ko at naisipan kong umamin ng nararamdaman ko”, Nalilitong sigaw na tanong ko sa isip ko. Napatulala na lamang ako at pumasok sa aking kwarto sa isiping kahit kailan ay hindi n’ya ako magugustuhan.
Dahil parehas lamang kami ng Kasarian at kailanman ay di n’ya ako papatulan.
Ang unfair ng mundo, ang hirap makipagsabayan kahit saang anggulo kaya tama na at magpakatotoo na lamang tayo, siguro darating rin ang pag ibig na inilaan para sa isang katulad ko.
‘Di man ngayon ang pagkakataon, siguro may tamang panahon.
Malaya
ni Nelcy Joy E Masongsong
Pwede bang maging malaya
Sa lipunang ang pagtingin ay tila madaya
Nasanay sa maling paniniwala
Kaya sa halip na itaas ay lalong ibababa
Nais kong subukan ang maraming bagay
Iyon sanang may umaalalay
Walang pagpigil at paghusga
Mapalitan sana ng suporta ang bawat n’yong pagtawa
Huwag n’yo akong husagahan dahil ang inyong nakikita
Ay iba sa dapat makita ng inyong mata
Huwag n’yo akong yapakan dahil ang aking ikinikilos
Ay hindi ko dapat ginagawa
Hayaan nyo akong maging malaya
Malinaw ang aking pag-iisip alam ko pa naman ang tama
Marahil ang mali ay wala sa aking ipinapakita
Kundi nasa opinyon ng taong nakakakita
Malaya
ni Nelcy Joy E Masongsong
Pwede bang maging malaya
Sa lipunang ang pagtingin ay tila madaya
Nasanay sa maling paniniwala
Kaya sa halip na itaas ay lalong ibababa
Nais kong subukan ang maraming bagay
Iyon sanang may umaalalay
Walang pagpigil at paghusga
Mapalitan sana ng suporta ang bawat n’yong pagtawa
Huwag n’yo akong husagahan dahil ang inyong nakikita
Ay iba sa dapat makita ng inyong mata
Huwag n’yo akong yapakan dahil ang aking ikinikilos
Ay hindi ko dapat ginagawa
Hayaan nyo akong maging malaya
Malinaw ang aking pag-iisip alam ko pa naman ang tama
Marahil ang mali ay wala sa aking ipinapakita
Kundi nasa opinyon ng taong nakakakita
Diskriminasyon ay Iwaksi, Kalayaan ay Palaganapin
Ni Richelle R. Herrera
Lahat tayo sa mundo ay may pantay-pantay na karapatan, Karapatan na maaaring maghatid sa atin tungo sa katiwasaya’t kaginhawaan.
Kaya dapat nating irespeto at igalang ang sinumang nilalang, Maging ano ka man sa lipunang iyong ginagalawan.
Kasarian? Ano ka nga ba talaga, at bakit mga mata sayo ay mapanghusga?
Dalawang kasarian lang daw ang nilalang ng D’yos si Adan at si Eva, Ngunit bakit may ikaw at s’ya? Bakit may dalawang katauhan sa iisang katawan?
At sa mata ng mga tao ito’y mali at kasalanan na dapat ‘di bigyang karapatan.
Ano ba ang basehan para ikaw ay husgahan?
Babae, lalaki, lalaking gustong maging babae, at babaeng gustong maging lalaki.
Hindi yan batayan iba man ang ating mga kasarian, Dahil pare-pareho lang naman tayo, anuman ka man o sino ka man,
Kaya walang sinuman ang maaaring humadlang kung ano ang gusto mong maging katauhan dito sa sanlibutan.
Hindi naman tayo perpekto, pero makapanlait kay wagas sa kapwa mo.
Tignan mo muna ang sarili mo, bago ka manghusga ng ibang tao,
Dahil baka ikaw ang naiiba hindi yaong taong yinuyurakan mo ang pagkatao.
Itigil na ang diskriminasyon, kapwa ay iahon mula sa mapanghusgang mundo ngayon.
Ito, ito ang buhay ng marami ngayon kung saan markado ang kilos at galaw, Isang buhay na mas pinili nilang maging sila, kesa sundin ang kasariang dapat sila.
Magkaiba man ang kulay, lahi, sekswalidad, at estado sa buhay.
Ngunit wala silang karapatang ‘di ka respetuhin, dahil tao ka rin na may puso at damdamin.
Pagsinabing babae, mahina walang kayang gawin kundi gawaing pambahay lamang.
Paglalaki naman ay manloloko na agad, na ang gusto lang gawin ay magbisyo’t mambabae. LGBT na itinuturing kanser ng lipunan, pero hindi nila alam na mas malaki pa ang ambag nila sa bayan.
Paano pa nga ba uunlad ang ang isang lipunan, kung kapwa nati’y iyong dinudungisan ang katauhan.
Isa, dalawa, tatlo pa man ang iyong kasarian tao ka pa ring dapat igalang, Straight ka naman o naiiba ang kasarian ay hindi basehan, para masabing salot ng bayan.
Dahil hindi kasarian ang magdidikta sa buhay natin upang makamit ang kalayaan, Kaya ngayon palang “Diskriminasyo’y Iwaksi at Kalayaan ay Palaganapi” para sa bayang tinatangi.
Bulag, Pipi, at Bingi
Isabella Cristobal
Realidad ng buhay, sa kamay mo buksan
Doo’y nakakubli pagkatao mong tuwiran
Dekada ang lumipas
Kalayaan tila lumilipas
Sa kamay nila pagkatao mo’y nakahandusay
Mga matang walang tigil sa pagtangis
Wala nang makitang katotohanang tila inangkin na
Minabuti ang pag- alis ng mga mata upang sa gayon, panghuhusga’y iwaksi na
Lipunang tikom sa karapatan
Naisi’y hindi maisambulat
Sa kalauna’y mga labi ang siyang pagkakasala
Hinagpis ang siya mong takbuhan sa oras ng kalupitan
Siyang naging kakampi mo
Simula pa’y pinanahanan mo na subalit sa huli’y hindi madinig pagsamo mong lingid sa pandinig
Hindi ka makita, hindi ka madinig ni hindi ka maikanta
Sa karapatang sa iyo’y ipinagdamot simula pa Lipunang naging tahanan mo
Sa kalaunan ikaw ang siyang iwawaksi, ilulugmok at lilimutin
Marapat na kakampi bagkus siya mong kalaban sa huli.
Kasarian ko, Kalakasan ko
ni Lyka D. Marasigan
Iisang lipunan na may iba’t ibang wangis, Lahat ay may kani-kaniyang itinatangis. Mula sa mga mapanghusgang mata, Sa bawat galaw ng bawat isa, ay nakalimita.
Mula sa mayumi at balingkinitang pangangatawan, Sila’y itinuring na mababang parte ng lipunan. Maraming karapatan sa kanila’y ipinagkakait, Maging dignidad at pagkababae nila’y napupuno ng pait.
Ngunit sa katunayan, sila’y mahalagang bahagi ng lipunan.
May mga natatago at natatanging kakayahan Mga ina’ng nagdala sa kanilang sinapupunan Ng mga buhay ng pag-asa ng bayan at nagsisilbing liwanagbng bawat tahanan.
Nariyan rin, ang haligi ng tahanan Mga kalalakihan na matikas at hinahangaan Siyang nagkukumahog para may mapagsaluhan Nagpapatibay ng pamilya at sa tahanan ay batas siya.
Heto rin ang nagbibigay kulay sa lipunan Sila’ng kadalasan ay nahuhusgahan. Mga kwento at banat nila ay nagbibigay saya, At nagtataglay ng mga talento na kahanga-hanga.
Madalas pa nga sila ay tinatawag na salot, Kaya’t katauhan nila kung minsan ay nananatiling balot, nagkukubli at natatakot. Ito ang reyalidad ng buhay, Hindi lahat ay tinitingnan ng pantay.
Nakita mo ba, kaibigan? Nadinig mo ba ang mga ganitong usapin? O isa ka rin ba sa mga wangis na aking natukoy, Na sa lipunan ay tila naliligaw at daan ay di matukoy.
Mga kapwa ko indibidwal, nawa’y tayo ay mamulat Huwag lamang sana tayong manatiling dilat Buksan ating mga tenga, Sa mga impit at tahimik nilang pagluha.
Buksan natin ang ating mga isipan, Tanggapin natin ang bawat katauhan. Diskriminisasyon ay iwaksi, Na sa bawat kasarian ay nakatali.
Iba-iba man tayo ng kasarian, Bawat isa ay may natatanging kakayahan, Na may malaki at mahalagang ambag sa lipunan At nagbibigay kulay sa anumang hamon.
Maging pantay, magkaroon ng respeto, paggalang at magmahalan, Ito ang mabisang paraan para lahat ng kasarian, Ay magkabuklod at magkaisa, Pagka’t bawat kasarian ay kalakasan ng bawat isa.
Ako’y Babae at hindi babae lang
ni Rica D. Mañibo
Huy’ ako’y babae, at hindi babae lang
May pangarap sa buhay at hindi pambahay lang
Kung bibigyan ng importansya
Meron ding ibubuga
Kung sa aspetong pampolitika
Makakaya ko ring manguna
Bigyan lamang kami ng pwesto
Pangarap na pagboto, sana’y huwag maging kaso.
Babae na nangangarap mairespeto
Babae na hangad lang magkaroon ng pantay na katayuang pantao
Yung tipong hindi aapakan ang iyong pagkatao Babae na hindi inaabuso.
Maging babae sa edukasyon mayroon na ding pag-usbong
Dahil ako ay babae, at hindi isang babae lang
Babae na ngayon huhubarin ang nakaraan
Dahil ako na ngayon ang babaeng may boses sa lipunan.
“BABAE KAMI, HINDI BABAE LANG”
Babae kami hindi babae lang Hindi kami tanga upang inyong malinlang Wala kayong karapatan na kami’y gawing mangmang Sapagkat babae kami hindi babae lang
Kami sa mundo ay isinilang Ang nais ay inyong igalang Gawain bahay sa amin nakaatang Ngunit ito’y hindi para sa mga kababaihan lamang
Kami ay laging handang lumaban Lalo na kung tinatapak tapakan Hangad ay magkaroon ng karapatan Para sa aming mga kababaihan
Nawa’y kami ay inyong dinggin Sa mga sinisigaw na dalangin Ito ay para sa magiging kinabukasan Naming mga kababaihan
ni Bianca Mikaela Marasigan
Alarm Clock
ni Bianca Mikaela Marasigan
“Aba ineng gising na! tanghali na nakahilata ka pa dyan”. Boses agad ng nanay ko ang almusal ko sa umaga. Ganyan siya araw-araw. Ang ipinagtataka ko sa iba kong kapatid ‘di naman ganyan ang kaniyang trato.
“Ang labahin hinihintay ka na, Isunod mo na ring linisan ang buong bahay. Pagkatapos mong linisan ang bahay, pakainin mo na ang mga aso at pihadong gutom ang ang mga iyon”. Wala pa akong nagagawa ngunit pagod na agad ako sa mga gagawin ko ngayong araw. Ganito na lang lagi. Ako na lang lagi ang gagawa ng mga gawaing bahay.
“Ma lagi na lang ako!”dabog ko sa aking nanay. “Hindi lang naman ako ang anak niyo, ipapaalala ko lang po, tatlo po kaming anak niyo”. Sambit ko sa aking nanay na ngayon ay naka taas na ang kilay sa sinabi ko.
“Aba malamang! Ikaw ang babae, kaya dapat lang na ikaw ang gumawa ng mga gawaing bahay”, ayan na naman siya sa mga dahilan niya, na kesyo ako ang nag-iisang babae kaya wala nang aasahan dito sa bahay. Ang sa akin lang naman, wala naman ‘yon sa kasarian. Dapat sa mga ganitong gawain patas ang hatian. Kaya rin naman ng mga kapatid kong lalaki gumawa ng mga gawaing bahay.
“Hala at magsaing ka na rin para pagdating namin galing sa bayan ng mga kapatid mo ay kakain na lang kami”. at doon ako nanghina. Hindi man lang niya tinanong kung may gusto ba akong ipabili. “opo” malungkot na sagot ko. Ma! Ma! Maaa!
“Ate, ate!”,Sigaw ng kapatid ko habang niyugyog ang katawan ko.
“Asan si Mama?”. Tanong ko sa nakakatanda kong kapatid
“Ano ka ba naman, ‘di ba ilang buwan nang binawian ng buhay si mama”.
Doon lang ako nagising sa katotohanan. Biglang tumulo ang luha ko sa narinig. Mula nang binawian si mama ng buhay hanggang ngayon ay hinahanap ko pa rin ang boses niyang nakakarindi tuwing umaga. Siya na ang naging alarm clock ko araw-araw. Ngayong wala na siya, wala na akong nanay na magliligalig tuwing umaga. Mas gugustuhin ko pa na bungangaan niya ako araw-araw kaysa hindi man lang siya makita at madinig man lang.
‘Modern Papagayo’
Ni Princess Camille D. Rempillo
“Tatay! Ayun pala yung nailaw tuwing gabi. ‘Yong kulay green at blue. Siguro taga- Ibaba ang may- ari non.” Singhal ko sa tatay habang tinatanaw ang mga makukulay at nagkikislapang papagayo sa itaas habang ang kalangitan ay nagpapasabog ng iba’t ibang kulay hatid ng pag- aagaw ng dilim at liwanag sa kanluran habang papalubog ang Diyos na si Adlawan.
Ilang gabi ko nang nasisilayan ang mga makikinang na ilaw na iyon sa kalangitan subalit hindi ko maintindihan at mawari kung ano nga ba ng bagay na iyon na talagang bago sa aking paningin. Minsan naisip ko na baka may kinalaman ito sa mga aliens o kaya naman ay sadyang misteryosong ganda lamang mula sa kalawakan. Ngunit, isa lamang ang napagtanto ko nang mapatunayan ko na, mga papagayo pala ang mga bagay na iyon na naghatid sa aking isipan ng pagtataka at pagkamangha sa mga lumipas na gabi.
“Kagaling naman! Sya! Bukas, ako’y gagawa na rin ng gay- an. Lalagyan ko ng ilaw ang papagayo ng iyong tatay.” Eksaheradang bulalas ng inay dahil sa pagkamangha.
“ ‘yong Christmas lights n’yo inay ang inyong ilagay. Daig yang mga yan!” masaya kong tugon habang nginunguya ang humbang langka na dinampot ko kanina sa plato.
“Ay utas! Yaan mo bukas, maganda na ang sa iyong tatay!” muling sabi ng inay.
“Ako rin inay. Magawa ng akin.” anas ko.
“Ala pa! Ika’y tumihor sa bahay at hindi naman ‘yan aari sa iyo at ika’y dalaga. Panlalaki lamang iyan. Maghahalasin ka laang diyan sa pagpapatikar mo! Dine ka at alagaan mo na laang si otoy!” biglang imik ng mamay.
Nalungkot ako bigla. “Bakit hindi ko pupwedeng gawin ang mga gawain nila? Kayang- kaya ko naman iyon. Pati sabi ni titser kahapon, pwedeng gawin ng babae ang kayang gawin ng lalaki? Bakit ako ay hindi inapayagan ng mamay? Napakadaya naman talaga ng mundo.” Bulong ko sa sarili.
Napatingin na lamang akong muli sa alapaap habang ninanamnam ng mga mata ang gandang hatid ng mga ilaw.
Totoo ngang makahulugan ang naging paglipas ng panahon. Ang dating papagayo na alam ko ay simple at tanging payak lamang—yari sa tinilad at kinayas na manipis na kawayan, sando bag o kahit anong plastic, ngunit ngayon, may pa- ilaw na! Ilang beses ko nang napatunayan na lahat ng bagay ay talagang nagbabago. Kahit ang mga simpleng bagay tulad nito ay hindi maiiwasan na magbago.
Masaya ako! Masarap sa pakiramdam ang lahat nang nasisilayan kong ito. Pasasaan pa at hindi na tayo muling babalik sa dati at nakasanayan. Bagkus, ang pagbabago ng hinaharap ay nag- aabang na sa pintuan. Tila nararamdaman ko, na katulad ng mga saranggolang iyon, hindi imposible na magbago rin ako, ang ibang tao, ang bawat pamumuhay, patakaran, pamamalakad, paniniwala, at maging ang pagtingin ng buong mundo. Darating ang panahon na mararanasan ko rin at ng mundo ang pag- unlad. Katulad ng mga saranggolang kumikinang sa itaas, at tinitingala. Darating din sa buhay ko ang kaganapang iyon at ipagpapasalamat ko, na ang mga papagayong iyon ay isa sa mga dahilan ng aking paglago at tagumpay.
Marami mang katawagan para sa bagay na ito—saranggola, burador at iba pa, mananatiling PAPAGAYO pa rin ang tawag ko rito. Magbago man ang pisikal na kaanyuan, madagdagan man ng mga bagay na ikagaganda at ikababago nito, papagayo at papagayo pa rin. Save! Forever! No Erasure! HAHAHAHA
GANITO KA DAPAT, HINDI GANYAN
ni Nelcy Joy E Masongsong
Ganito ka dapat, hindi ganyan!
Ito ang isuot mo, huwag iyan!
Ayusin mo nga ang kilos mo para kang hindi babae!
Bakit ganyan ang anak mo parang hindi lalaki?
Ilan lamang ito sa natatanggap nilang salita
Subalit walang lakas ng loob para magsalita
Batid nilang wala silang panama
Sa mga taong umaasta na mas alam nila ang tama
Minsan ang hirap tukuyin ng tama at mali
Ito ba ay ang magpakatotoo o magkubli
Ang pananaw ng mga tao ay laging nahahati
Kaya ang hirap para sa kanila kung paano ang pumili
Hindi rin naman nila iyon ginusto
Hinihiling din nila na maging kagaya mo
Subalit ang tanong ay kung papaano
Pasusunurin ang isip kung kontrolado sila ng puso
Kung maaari lang sana ay huwag na silang pigilan
Ang puwang na hinihingi sila ay pagbigyan
Wala naman tayong alam sa kanilang nararamdaman
Dahil hindi tayo ang nasa sitwasyon at sila lang ang nahihirapan
Ganito ka dapat, hindi ganyan
Ang bawat indibiwal ay may karapatan
Anuman ang katauhan o ang kasarian
Diskriminasyon ay dapat nang putulin atin ng wawakasan
Tayo ang magkaramay!
ni Nazareno, Rose Ann H.
Sa mundong kinagisnan dalawa lang ang kasarian Lalaki at Babae ang nakikitang pagkakakilanlan Ang paglihis sa kasarian ay tila ba kasalanan
Tatanggap ka ng mga negatibong salita att huhugasan ka ng lipunan
Marahil ito ang bunga ng pagkakahon ng isipan Walang layang maihayag ang sariling pagkakakilanlan
Minsa’y nasasadlak sa diskriminasyon
Patuloy pa ring nangyayari sa paglipas ng henerasyon
Hangga’t sarado ang isipan ng karamihan
Mawawalan ng puwang ang pagkakapantay-pantay sa lipunan
Habang ang marami ay nananatili sa kinagisnan
May mga ilan na ang pagkatao’y natatapakan
Umani man ng panghuhusga at mga negatibong salita Hindi mahihiyang ihagay ang sarili sa iba Walang puwang ang takot sa pagpili ng pagkakakilanlan
Pagkat ang bawat tao’y may kani-kaniyang karapatan
Maging Patas
ni Lyka D. Marasigan
Bawat indibidwal ay nilikhang pantay pantay. Walang nakahihigit na kasarian, katauhan at kakayahan. Sa maraming sulok ng lipunan, naroon ang mga mapanghusgang paningin. Isang mali at kakaibang kilos mo, na hindi ayon sa nararapat ay naroon agad ang panghuhusga.
Samot- saring bansag sa bawat kasarian hindi lamang sa mga babae at lalaki kundi lalong higit sa ikatlong kasarian. Kung minsan pa nga ay sarili nilang pamilya ang sa kanila’y humuhusga. Bunga ng lahat ng ito, mga katauhan nila ay pilit itinatago mula sa realidad. Mga kakayahan at talento nila ay pilit itinatago, dahil sa takot na masaktan hindi man pisikal kundi emosyonal. Nariyan nga ang mga batas, para sa proteksyon ngunit tila kulang pa rin ang pagpapaigting nito. Marami pa din sa atin ang nananatiling bingi, nakaririnig ngunit nananatiling walang kibo.
Kasarian laban sa kasarian, paniniwala laban sa paniniwala at kawalang ng respeto. Paanong magkakaroon ng kapayapaan at pagkakiisa kung sa bawat aspeto ay may tunggalian. Palaging naroon ang mga paniniwala na ang isa ay nakahihigit. Na mayroon lamang dalawang uri ng kasarian at ang karagdagan ay walang papel sa lipunan. Silang mga salot ng lipunan, kung tawagin ng marami. Hindi ba’t kay sakit sa pandinig, gayong ang nais lamang naman nila ay isiwalat ang kanilang katauhan upang maging malaya. Ngunit ang totoo’y kahit pa sila ay mag-alis ng kanilang mga maskara mababalutan pa din ito ng mga panghuhusga. Mga kababaihan , bata o matanda na nakararanas ng pang-uubuso. Sa pakiwari ng marami, ito ay dahil sila ay mahina ngunit ang totoo ito ay dahil sa kawalang respeto. Mga mapang- abusong tao na kung minsan pa ay kadugo ng mga biktima. Hindi lang dignidad nila ang natapakan, nasira din ang kanilang mga pangarap sa buhay at nakaramdam ng pandidiri. Sa kabilang dako ay kahit kapwa kalalakihan ay naaabuso din. Mga matang hilam sa luha at pagaw na pagmamakaawa, sa likod ng ngisi ng mga mapang-abuso. Hiling nila ay pantay na karapatan, pagtingin at pagmamahal. Kung bawat isa ay may respeto, lahat ng ito ay mawawakasan, mapuutol ang bigkis ng diskriminisasyon. Kaya’t mga tenga, mata, isipan at puso ay imulat sa katotohanan na lahat tayo ay pantay-pantay. Talasan pa ang mga batas upang maging mabisang sandata sa anumang uri ng panghuhusga, karahasan, pang-aabuso at diskriminisasyon. Maging patas ang lipunan sa kahit na sino man.
Liham sa Bahaghari
Jym Rainier Magundayao
Ang kwento ng isang batang lalaki na matagal ng nakatago sa likod ng isang pader.
Ako si Tonton, isang batang lalaki na nangangarap na makita ang mundo. Ako ay panganay sa apat ko pang magkakapatid, mahirap lamang ang buhay at anak pa ng isang amang walang trabaho at lasinggero. Minsan ay namamalimos na lamang ako sa kalsada upang may maipakain sa aking mga kapatid. Ako ay umaawit at sumasayaw sayaw sa gilid ng kalsada para lamang maengganyo ko ang mga tao na limusan ako ng kaunting kusing mula sa kanilang mga bulsa.
“Ako’y isang sirena, kahit anong gawin nila ako ay ubod ng ganda”, umaawit ako habang lumalakad pauwi dala ang kakaunting bagol mula sa pamamalimos nang makasalubong ko ang aking itay na lasing na lasing.
“babakla, bakla ka na naman?”, wika sa akin ni Itay.
“wala akong anak na bakla”, dagdag pa niya.
At kinapitan ako ng mahigpit sa braso at itinali sa isang puno ng manga, hinagupit ako ng kaniyang makalawang at sira-sirang sinturon habang ang mga kapatid ko ay nagiiyakan. Pinilit kong magpumiglas, at nang pwersahin ko ang tali ay nalaglag ang mga barya mula sa aking mga kamay na naging dahilan ng atensyon ni Itay. Agad na nilimot ni Itay ang mga barya, pinilit kong agawin ang mga ito subalit binigwasan niya ako at napadapa, agad nang umalis ang Itay.
Hindi ito ang unang beses na nangyari ito sa akin, araw-araw. Ang pinakamalupit kong naranasan ay ang ipako ni Itay ang aking mga kamay sa isang sanga ng punong manga at hayaan doon ng anim na oras.isang himala na lamang din ang makaligtas sa ganoong pangyayari.
Kung kaya’t isang gabi, mula sa mga matang lumuluha sa pagod at paghihinagpis ay tumakbo ako palayo, malayong malayo sa aming bahay. Umiiyak, pawis na pawis, gutom na gutom at hinang hina ang aking naramdaman noon. At walang ano ano’y bumagsak ang aking katawan mula sa kinatatayuan.
Nagising na lamang ako sa isang maliit na kwarto kasama ang isang lalaking nakadamit na pambabae, nakasuot ito ng magarang damit at binabalutan ang kaniyang katawan ng maraming mga gintong singsing at bracelet.
“mabuti naman at gising ka na, anong pangalan mo?”, wika niya.
“may pagkain po ba kayo?”, tanong ko sa kaniya at sabay kong pagtayo ay agad kong hinanap ang kusina para lang makakain. Habang ako ay kumakain ay tumabi sa akin ang lalaking kanina lamang ay nagtanong sa akin. At mula noong oras na iyon, ay doon ko na lamang napagtanto na siya pala ay isang sikat na producer sa isang tv shows.
Pinaawit pa nga niya ako ng isang beses at nang marinig ito ay kinuha niya ako bilang maging bahagi ng kaniyang team. Isang gay band at multitalented musicians. At doon ko nakita ang mundo. Subalit habang umaangat ang aking pangalan sa industriya ng musika ay may hinahanap hanap pa rin ako, isang bagay na kukumpleto sa aking buhay. Ang Itay.
Bumalik ako sa aming lugar noon, wala na roon ang dati naming bahay. Binalikan ko rin ang aking mga kapatid, sinalubong ko sila ng yakap at halik. Agad kong hinanap kung nasaan ang Itay. Nakita ko na lamang ang kaniyang litrato na pinaliligiran ng mga kandila. At doon ay nakita ko ang isang lumang papel, akin itong kinuha at binuklat.
‘Anak ko, Tonton, humihihngi ako ng kapatawaran sa lahat ng bagay na nagawa ko sayo. Alam ko na mali ang lahat ng nagawa ko, mula pa man noon. Noong gabi na nakaupo ka sa labas ng bahay, umiiyak dahil sa pagmamalupit na ginawa ko sa’yo ay gabi rin na nakasilip ako at umiiyak dahil nang makita ko ang pagbagsak ng iyong luha ay lumambot ang aking puso at pinagsisihan ang lahat.”
Gusto kitang habulin noon subalit bigla na lamang din akong nanigas at naparalisado ang aking katawan. At alam mo anak , lagi kitang napapanood sa Tv diyan kila aling Meling, ang galing galing mo anak. Proud na proud sa iyo si Tatay.
Anak, gusto kong sabihin sa iyo na maging isang bahaghari ka na nagbibigay kulay sa ibang tao at mangarap ng mas higit pa. Parang isang bahaghari, matapos ang isang bagyo ay lalabas ito at magkikita ng lahat ang iyong ningning.
At siguro karma na lang din ang nangyari sa akin na magkaroon ako Cancer sa baga, at tuluyang manghina. Kaya anak, ipinasulat ko na lamang kay Tenten ang lahat ng gusto kong sabihin para pag wala na ako ay mabasa mo ito. Alam kong babalik ka Anak. Alam ko. Mahal na mahal kita Anak, patawad!”
Napahagulgol na lamang ako sa iyak ng mabasa ang liham ni Itay at tuluyan na ibinigay ang kapatawaran sa kaniya.
Ang isang bahaghari ay lumalabas kapag natapos na ang isang bagyo. Magbibigay ito ng maraming kulay at kaningningan ng lahat. Hindi ito lumilitaw sa may mayaman o mahirap na estado ng buhay ,sa kung maputi, maitim o kayumanggi man ang kulay, ito ay lumilitaw kahit saan, kahit saan na may pagmamahal at pagpapatawad.kahit saan na may pagtanggap at pagrespeto Ako si Tonton, isang singer ng isang bandang BAHAGHARI.
Kailangan ko pa bang hanapin ang kwenta ko?
Rica D. Mañibo
"Wala Kang Kwenta, Isa ka lang Salot Nang Lipunan"
Nakaupo ako sa kama habang masayang tinitignan ang repleksyon ko sa salaming hawak ko. Handa na ang lipstick na kapit ko sa kaliwang kamay para sa panghuling plano ko. Nang biglang bumukas ang pinto at inuluwa nito ang aking amang, masama na ang timpla sa nakita.
"Walang hiya kang bata ka" mga salitang unang bumungad sa akin kaya napatigil ako sa aking ginagawa dahil sa gulat at takot.
Mabilis siyang nakapunta sa pwesto ko at hinawakan ako sa kuhelyo.
"Ilang ulit mo bang gustong masaktan? Bago ka magtanda?" tanong niya at dumampi na nga ang kamao na kanina ko pa inaasahan.
Ilang ulit niya akong sinusuntok sa mukha sa pagbabakasakali na iyon ang sagot upang maging tunay akong lalaki. Wala akong magawa kundi namnamin na lang ang bawat suntok na ibinibigay niya sa akin. Ama ko siya at kahit ilang ulit niya akong saktan malaki pa rin ang respeto ko sa kanya dahil ama ko siya. Isinasaisip ko na lang na kaya niya iyon ginagawa ay dahil sa aking kapakanan kahit ang totoo ay para lang iyon sa sariling kapakanan. Dahil nahihiya siyang naging anak niya ako. Ilang ulit pa ba niya akong sinuntok? Napakaraming beses. Hindi na kaya ng katawan ko mukhang mamamaga na rin ang aking mukha.
"Tay, tama na po nasasaktan na po ako," pagmamakaawa ko habang hinahawakan ang braso niya dahil hindi na kaya ng katawan ko.
May luha ng tumulo sa pisngi ko dahil sa sakit. Akala ko nasiyahan na siya sa ginagawa kaya tumigil siya. Ngunit nagkamali ako. Hinugot niya ang sinturon ng kanyang pantalon at pinalo iyon sa akin.
"Wala kang Kwenta, Isa kang Salot sa lipunan" malakas at paulit-ulit na isinisigaw niya sa harap ko.
Umalingaw-ngaw sa aking silid ang boses niya habang pinapalo ako ng sinturon na hawak niya. Sa pagsinghap ko sa sakit nalalanghap ko pa rin ang amoy ng alak galing sa bibig niya.
Wala akong magawa kung hindi protektahan ang sarili ko gamit ang dalawang kamay. Umaasa na maproprotektahan niyon ang ano mang haplit na tatama sa katawan ko. Dahil balak na naman ipalo iyon sa katawan ko.
"Tay,tama na po masakit po" umiiyak na talagang wika ko.
Ngunit parang wala siyang naririnig sa pagmamakaawa ko hinahayaan niya lamang ang sinturon kung saang parte ng katawan ko tumama.
"Wala kang kwenta, Isa kang salot ng lipunan" pag-uulit niya bago tuluyang umalis sa aking kwarto.
Naiwan akong nakatulala sa pintuan na sumara. Patuloy akong umiiyak dahil sa awa sa sarili. Ilang minuto pa pero parang nanatili pa rin ang boses niya at paulit-ulit ko pa ring naririnig ang tinig ng aking amang galit na galit dahil sa kasariang meron ako. Nasanay na lang ako dahil naging parang ordinaryo na lang ito para sa akin. Wala na ngang epekto sa akin ang pangungutya ng ibang tao dahil wala naman akong ginagawang masama. Pero iba pa rin pala kapag sarili mong pamilya ang hindi makaintindi sa katayuang meron ka. Walang magawa si nanay dahil kahit mismo siya ay kinaayawan niya ako. Sinusubukan ko naman maging lalaki ngunit hindi ko talaga kaya. Palihim pa kong nagmamake up dahil pangarap ko talagang maging babae. Laging wala si nanay at si tatay dahil may trabaho si nanay at laging nag-iinom si tatay dahil hindi daw niya gusto akong makita. Kaya hindi ko talaga inaasahan na madadatnan niya ako sa aking silid habang ginagawa ang pinagbabawal niya. Make up ang pinaka ayaw niyang kapitan ko gusto niyang baril para maging sundalo pero napahamak lamang ako ng dahil dun kaya hindi ko na sinubukan.
Kinabukasan nagising akong ganun pa rin ang posisyon ko nang makatulog. Yakap ang katawan dahil sa sakit. Bumangon na ako at naghanda nang sarili dahil sa pagpasok sa paaralan. Bumababa ako pero maaga na naman silang umalis.
Naiwan na naman akong mag-isa. Pero kailangan kong maging masaya dahil ito ang araw na maghahanda kami sa gaganaping pagtatapos namin sa kolehiyo.
Handa na ko para pumasok kahit masakit ang katawan. Kahit bakla ako ay inaayon ko pa rin ang kasuotan ko sa kung ano ang tama. Kaya bago umalis kailangan kong kalimutan kung ano man ang karanasan ko kagabi lang dahil gusto kong maging masaya dahil gusto ko ring ipagmalaki ako ng sarili kong magulang. Sa kabila ng natatanggap ko sa kanila umaasa ako sa pagtanggap nila.
Tumigil ang jeep kaya sumakay na ko. Hindi ko man sadyain pero kusang napilantik talaga ang kilos ko. Umupo ako sa pinakadulo at katabi ko ang grupo ng kalalakihan. Malapit na kami sa tapat ng paaralan ng bigla na lang may kumapit sa binti ko.
"Kuya wala naman bastusan," pagmamaktol ko dahil ramdam ko ang pambabastos ng katabi ko.
"Wag ka na pumalag,alam ko naman na gusto mo din ito" umakbay ng sabi ng lalaki.
"Pakipot ka pa e alam ko naman na paminta ka"
Pero sa halip na makisampatya ang nakakakita at nakakarinig ay nagtawanan lang sila. Nainis ako kaya pumara na ako kahit medyo malayo pa. Inalis ko ang pagkakaakbay at Ibinigay ko ang bayad saka bumababa. Pero dinig ko pa rin ang pagtatawanan ng sakay lalo ang barkada ng nakatabi ko.
Dapat masaya lang ako dahil ilang araw na lang ay gragraduate na ako. Ang diploma at karangalan ang magbibigay sa akin upang matanggap ng lipunan.
"Maipagmamalaki na rin ako ni nanay at tatay. Mababago na rin ang pagtingin nila na wala akong kwenta at salot lang sa lipunan." saya akong tumingin sa kalangitan at naglakad na papasok sa paaralan.
Ilang araw na rin at ito na ang araw na pinaka hihintay ko. Isa akong Abogado, ito ang pinili kong kurso dahil gusto kong ipagtanggol ang mga taong nakakaranas ng pang-aapi dahil sa kasarian na meron sila.
Nagmasid ako saglit sa paligid at pinag-aralan ko lahat ng reaksyon ng mga estudyante halatang masaya-masaya sila. Yung iba ay yakap ang kanilang magulang. Excited upang kumuha ng diploma.
Pinunasan ko na lang ang luha ko dahil ni isa sa magulang ko wala man lang pumunta. Wala silang alam na gragraduate na ang anak niya. Ito ang pangarap nila dati para sa akin, ang makatapak sa intablado at ipagmalaki na anak nila ako. Ngunit ng malaman na isa akong bakla ay hindi nila matanggap. Simula noon ay nagbago ang lahat. Pero pinagpapatuloy ko pa rin maging mabuting tao, mabuting anak, mag-aral ng maayos dahil gusto ko silang paglingkuran kahit nagawa nila akong talikuran. Kahit na hindi ako makatanggap ng pagtanggap sa iba dahil iba ako sa kanila. Pinandidirian pa nga kung minsan na parang may malubhang sakit. Pero nagpapatuloy pa rin ako dahil alam kung wala akong ginagawang masama. Hindi ko kailangan baguhin ang sarili ko dahil lang sa gusto nila. Dahil una hindi rin namin namain ginusto ang kasariang mayroon kami. Nagkamali lang paghulma kaya inaayon lang namin ang nasa puso namin.
Tinawag ang pangalan ko, ilang medalya ang natanggap ko dahil sa mga awards at Cum Laude pa nga. Napaiyak ako matapos bumababa sa intablado dahil hindi pa rin makapaniwala sa narating ko. Hapon na rin ng matapos. Naglalakad ako sa eskinita pauwi habang bitbit ang medalyang natanggap ko. Nang may biglang bumato sa may ulo ko pagtingin ko dalawang bata ang nagtatawanan.
"Bakla Bakla salot na bakla" sigaw nila habang pinagtatawanan ako.
Gusto ko sana sawayin ngunit naroon ang kanilang ina na mukhang mas matapang pa sa akin kaya hinayaan ko na lang at nagpatuloy. Ano ba magagawa ko isang bakla lang ako? Nang malapit na sa may bahay namin may nadaanan akong ilang mga kalalakihan ang nag-iinuman. Magpapatuloy na sana ako sa paglalakad ng harangan ako ng isang lalaki na nakikipag-inuman.
"Bakit ang sama mo makatingin? E bakla ka naman. Kumbaga walang kwenta,salot pa sa lipunan" nang iinsulto na tanong niya.
"Kuya napatingin lang ako sa inyo, wala akong balak makipag-away kaya pwede nyo po ba ako
paraanin" pagtitimping pakikiusap ko dahil sa gusto ko talagang ipakita sa magulang ko ang kapit ko gusto kong ibalita na magiging abogado na ang anak nila pero ayaw ako pa daanin ng lalaking nasa harap ko.
"Ayaw mo ng away? E ang sama mo makatingin bakla naman" napipikon na panggigiit niya.
"Hindi mo siguro ako nakikilala ang pinaka ayaw ko ay tinitinganan ako ng masama" pa habol niya sa sinabi sa pagmunukha ko
" Pasensya na po kung iyon ang ang interpretasyon pero wala akong ginagawang masama napatingin lang ako sa direksyon nyong mga nag-iinoman" pagpapaliwanag ko pa nakakaramdam na din ng pagkakainis dahil sa pang-iinsulto niyang bakla ako.
Hindi naman masama kung sabihan niya ako ng bakla dahil totoo naman pero hindi tamang porke bakla kami ay parati nasa amin ang pagkakamali.
"Aba sumasagot ka pa talaga" galit na galit na siya at sabay dukot ng kutsilyo sa may likod ng short niya.
Hindi ako nakaiwas kaya tumama iyon sa tagiliran ko. Mas lalo niya iyon diniinan.May luhang tumulo mula sa mata ko dahil sa sakit.
Hindi ako makagalaw, iniikot ko ang paningin ko at halatang nagulat din ang mga nakasaksi kung saan galing ang kutsilyo.
Lumapit siya sa may tenga ko at may ibinulong.
" Matagal na akong nagtitimpi sayo. Alam kong wala kang ginagawa pero kapag nakikita ko ang isang tulad mong bakla naasar ako. Wala kang kwenta, isa kang salot sa lipunan."
"Wala kang kwenta, isa kang salot sa lipunan" nag-eecho ang katagang nakakakabit na yata sa aking pagkatao.
Bago pa tuluyan umalis ay iniikot pa niya ang kutsilyo sa loob ko. Ramdam ko ang paghapdi ng tagiliran ko napaluhod ako sa panghihina at tuluyang napahiga. Nilalabanan ang antok na antok ko nang mata. Kapit pa din nang mahigpit ang diploma at medalyang para sa aking mga magulang.
"Anak ko, anong nangyari sayo" tumatangis na wika nanay.
Nagkalat na ang dugo ko sa may kalsada. Inaantok na talaga napangiti na ako ng makita ko na ang aking ina at ama. Ang tunay na ang kanilang pag-aalala. Pinilit ko ibigay sa kanila ang hawak ko at pilit ngiting humarap sa kanila habang nagkakagulo dahil sa nangyayari.
"Nay, tay abogado na po ako, cum laude pa ang anak nyo. Maipagmamalaki nyo na rin ako. May kwenta na ang anak nyo at hindi na rin salot sa lipunan." may luhang tumutulo sa pisngi ko ngunit pinipilit ko pa rin ngumiti.
Niyapos ako ng aking ama sa ulo dahil kanina pa ring umiiyak.
"Dadalhin ka namin sa ospital ha lumaban ka lang. Wag kang bibitaw. Pagpasensyahan mo na ako ha kung napagbubuhatan kita ng kamay at nakapagsasabi ako ng masakit na salita. Patawarin mo ako anak."
" Wag kayong mag-alala mahal ko kayo kahit anong mangyari magulang ko pa rin kayo. Kung saan man ako abutin, masaya na rin ako dahil sa alam kong natanggap nyo ko" naghihingalo ng wika ko bago tuluyang pumikit ng tuluyan.
SABIHIN MAN NILA
Ni Eunice Betel Calunsag
Verse I:
Dukha man o mayaman tayo ay pantay-pantay
Babae man o lalaki lahat ay kayang sumabay
Itong paikot-ikot na mundong ginagalawan
Huwag panghihinaan ng loob
Kaibigan kaya natin to…
Chorus:
Sabihin man nila, sila’y iba sayo
Huwag kang madadaig
Tayo’y may natatanging galing
Sabihin man nila, lamang sila sayo
Huwag kang maniniwala, sa Maykapal tayo’y pantaypantay
Sabihin man nila, sila’y iba sayo
Huwag kang matatakot, sa Maykapal tayo’y pantaypantay
Verse II:
Kahit sila’y kabilang sa ikatlong kasarian
Sila’y tao rin naman huwag silang huhusgahan
‘Pagkat kagaya mo, sila’y
May damdaming nasasaktan
Huwag silang sisiraan
‘Pagkat wala kang karapatan
Chorus:
Sabihin man nila, sila’y iba sayo
Huwag kang madadaig
Tayo’y may natatanging galing
Sabihin man nila, lamang sila sayo
Huwag kang maniniwala, sa Maykapal tayo’y pantaypantay
Sabihin man nila, sila’y iba sayo
Huwag kang matatakot, sa Maykapal tayo’y pantaypantay
Rap:
‘Di lang sa mayaman pati sa aba
Babae, lalaki, bakla, tomboy man
Lahat ay malaya at may karapatan
Pagsubok sa buhay ay kayang lagpasan
Basta sama- sama walang iwanan
Delubyo ka man pagsasakawalan
Laging tatandaan bumangon kinabukasan
Walang magkakaiba sa taong may pangarap
Walang kasarian na magsisilbing yaman
Sa pag-abot sa’yong minimithing pangarap
Tayo’y pantay-pantay sa Maykapal
Abang salamat
Salamat, salamat, salamat
Chorus:
Sabihin man nila, sila’y iba sayo
Huwag kang madadaig
Tayo’y may natatanging galing
Sabihin man nila, lamang sila sayo
Huwag kang maniniwala, sa Maykapal tayo’y pantaypantay
Sabihin man nila, sila’y iba sayo
Huwag kang matatakot, sa Maykapal tayo’y pantaypantay (2x)
“Babae, Pahalagahan at Huwag Hahamakin”
Ni Ma. Raycel Pabelenia
Iba’t ibang disposisyon, paniniwala, katangian ngunit, iisa lamang ang kanilang pagkakatulad--ang kasarian. Maganda at mabangong bulaklak kung isalarawan ngunit tagapagsilbi naman kung ituring. Kababaihan, ano ba talaga ang dapat nilang kalagyan dito sa ating lipunan? At sino ba sila sa buhay ng bawat nilalang na sinisilang dito sa ating mundo?
Ate, tiya, nanay, at lola, mga gampaning binibigyang buhay ng bawat babae sa bawat tao dito sa mundong ibabaw. Kilala bilang sa mga katangiang malinis, mahina, at tagasunod lamang. Araw-araw na hawak ang mga kagamitang maaaring magpapaligaya sa kanilang pamilya. Ngunit, hanggang kailang kaya silang magsisilbi sa atin? Hanggang kailang
mananatiling mahina sa paningin ng karamihan?
Inilarawan ni Rizal sa kanyang likhang
Sanaysay na “Sa mga Kabataang Dalaga sa Malolos,” ang mga katangian ng mga babae o kababaihan na sumasalungat sa imaheng matagal nang nabuo sa ating isipan. Binanggit niyang ang kabataang babae o dalaga sa nasabing lugar ay hindi ayon sa kung anong nalalaman natin sa kanila sapagkat nasaksihan niya na ang mga kababaihan dito na inaakala niyang karaniwan lamang na nagluluto, naglilinis, nagsisilbi ay tila kanila na mismong mga katawan at isipan ang bumasag sa imaheng ito. Sapagkat, ang mga
kababaihang ito ay nagpamalas ng kalakasan at tapang upang ipaglaban ang karapatan at ang kaisipang dapat ay matagal na nilang nilabas o ipinakita tulad ng pagtatrabaho para sa kanilang pamilya. Sinubukan din na pangaralan ang mga
kababaihan na darating na sa pagiging ina at ang mga kasalukuyang ina na dapat ay turuan nila ang kanilang mga anak ng katotohanan at mabuhay ng may kinikilalang Diyos, ang Diyos na hindi nanlalamang kundi alam ang pagkakapantay-pantay ng antas o estado ng bawat mamamayan ng lipunan.
Sa kasalukuyang henerasyon, ang nagpapatunay na taglay din ng mga kababaihan ang lakas at tibay ng mga kalalakihan. At sa panahon ring ito napagtanto ng lahat ang kakayahan ng bawat tao ang pantaypantay lamang na ipinamigay/ibinahagi ng Diyos na kung matututuhan nating pagsama-samahin ay bubuo ito ng masagana at maunlad na bayan.
Sana
Ni Eunice Betel Calunsag
Sana’y pagmulat ng ating mata Bagong liwanag ang matamasa Pag-ihip ng hangin ay maiba Kamtan ang ninanais madama
Ang apat na sulok ay mawala
Ang mga ibon ay makalaya
Sa ating lipunang mapanghusga At sa mga matang nagdidikta
Babae, lalaki, bakla, tomboy Ano man kasarian taglay
Maranasan sana ang tagumpay
Masubukan ang maraming bagay
Hayaan mo na ipakita ko Bagay na kaya mo ay kaya ko Matang mapanglait ay mawala
Sa ating mundong mapanghusga
“Magsilbing Boses sa Karamihan”
Ni Laica Delos Reyes
Likas na sa atin ang pagkakaroon ng kasarian, ito ay ang babae at lalaki. Nilikha tayo ng Diyos sa kung anong meron tayo at sa kung ano tayo ngayon. Mula sa ating pagsilang ay alam na agad kung tayo ay isang babae o lalaki. Natural na agad sa atin kung ano ba ang mga bagay na dapat gawin ng isang babae o ng isang lalaki. Nasa ating mga sarili kung paano natin maisasabuhay ang iba’t ibang gampanin na para sa atin. Nasa sa atin din kung paano natin ito mabibigyan ng halaga at mapapaunlad sa ating sarili. Marami tayong responsibilidad sa ating lipunan bilang babae at lalaki. Tayo ang daan tungo sa pag-unlad ng lipunang ating ginagalawan. Ang lipunan din ay may malaking bahagi sa paghubog sa ating mga sarili dahil dadalhin tayo nito sa rurok ng ating tagumpay. Hindi natin maikakaila na may relasyon at koneksyon ang kasarian o ating pagkatao sa ating lipunan. Nagtutulungan ang bawat isa sa pag-angat at hindi sa pagbagsak. Alam naman natin na may mga bagay na kayang gawin ng lalaki na hindi kayang gawin nga mga babae, at mga bagay na kayang gawin ng mga babae na hindi kayang gawin ng mga lalaki. Pero hindi ito basehan sa kung anong magiging tingin natin sa isang tao. Tayo ay nilikha hindi para makipagkompetensya kundi tumulong sa pag-angat ng bawat isa. Pero ganito nga ba ang tingin ng marami sa usapang gampanin ng babae at lalaki? Tanggap kaya ng lipunan kung ano tayo bilang isang tao?
Hanggang ngayon ay hindi matin maiiwasan ang pagkakaroon pa rin ng diskriminasyon sa pagitan ng babae at lalaki. Lalaki pa rin ang mas nangunguna o nakakaangat kaysa sa babae. Marahil patuloy natin itinatatak ang palaisipang ito sa ating mga sarili kaya hindi mawala ang pagkakaroon ng diskriminasyon. Ang kakayahan ng isang tao ay hindi dapat maging batayan kung ito ay babae o lalaki. Dahil halos pantay na at kayang gawin ng bawat isa ang iba’t ibang gampanin kahit na ito ay para sa lalaki o para sa babae. Wala dapat na minamaliit at maiiwan dahil tayo ay nilikha ng pantay-pantay. Nararapat na tayo ay maging daan upang ipaunawa sa ating kapwa na wala dapat na diskriminasyong maganap. Dahil kung hindi natin ititigil ang pagkakaroon nito tayo mismo ang sumisira sa reputasyon ng isang tao. Sa paglipas ng panahon ay matatanggap na ng lahat ang pagkakapantay-pantay ng bawat isa. Hindi na kailangan na laging ipaunawa sa iba na itrato ang bawat isa na pantay-pantay. Hindi din nakadepende ang kakayahan ng isang tao sa kanyang pisikal na anyo at sa kung anong tindig o tikas nya. Maaaring magulat na lamang tayo na ang tingin natin na mahina ang isang tao ay marami na pala itong nagawa. Sa panahon ngayon ay mayroon na ding tinatawag na bakla at tomboy. Isa pa rin itong usapin dahil mas marami na hindi pa rin sila matanggap ng ating lipunan. Hindi naman kailangan na sila ay ikahiya o itakwil dahil wala naman silang ginagawang masama at hindi nila sinisira ang pagkatao mo. Ito ay kagustuhan nila mismo at atin na lamang irespeto. Sila pa nga ang daan upang ipaintindi sa atin na ang babae at lalaki ay kayang makipagsabayan sa isa’t isa. Kailangan natin tanggapin ang bawat isa kung anong kasarian mayroon ang isang tao.
Hindi na dapat gawing usapin o isyu ang tungkol sa kasarian. Ang Diyos nga mismo ay tanggap kung ano tayo basta hindi gumagawa ng masama sa ating kapwa. Kailangan nating linangin sa ating mga sarili na tayo ay pantay-pantay. Wala ng nasa baba o taas. Ang kasarian na lamang ay maituturing na isang pagkakakilanlan sa lipunan at hindi nakadepende sa kakayanan. Dapat na tayo ang maging boses upang iparinig sa lahat na tayo ay pantay-pantay. Hilahin natin pataas ang bawat isa upang magkaroon sila ng ideya at bigyang halaga kung ano tayo sa lipunan. Kailangan ang paggalang sa kapwa tungo sa maayos na pakikipagkapwa tao.
Lubid
Ni Richelle R. Herrera
Ang pinaka-malaking problema sa lipunan ng ating bansa ay ang diskriminasyon sa aspekto ng pagiging babae, dahil sinasabing ang mga babae ay walang saysay, walang kayang gawin kundi mga gawaing bahay lang. Ngunit hindi nila nakikita ang kayang gawin ng mga babae dahil lahat kayang-kaya nilang gawin mapatrabaho man yan ng lalaki ay hindi nila basta tatanggihan para sa pamilya. Ano nga ba ang diskriminasyon? Una ito ang pagtrato ng hindi maganda sa mga kababaihan sa anumang panig ng bansa ay may mga kaso ng sekswal na pang-aabuso, krimen ng panggagahasa, at hindi pantay na pagtingin sa kanila.
Ang nakakaranas ng matinding diskriminasyon ay ang LGBTQ+, dahil sila ay naiiba at hindi pinapanigan ng mga grupo ng relihiyon dahil sinasabi daw ang ang ginawa lang ng Diyos ay si Adan at si Eva at wala nang iba pang kasarian ang tao kundi yoon lamang. Maging sa bansang Amerika maraming mga transgender ang may mas malalang kinakaharap na kaso nito. Noong 2014 sa pag-aaral ng American Foundation for Suicide Prevention and The Williams Institute 4.6% Amerikan ang nagpapatiwakal. Sa populasyon ng mga transgender ay may 41% na nasisindak dahil sa deprisyon, pagsakit sa sarili o pagkikitil ng buhay. Maraming tao ang nakakaranas nito sapagkat biktima sila ng diskriminasyon, pang-aabuso, kaharasan, at hindi pagtanggap ng kanilang pamilya at kapwa. Nakagapos sila sa isang kapalaran na hindi nila gusto, ang pagpipilit na ibagay ang kanilang sarili kung ano sila ay mahirap, lalo na kung hindi ito ang nasa puso nila para lang hindi sila makita ng kaibahan kung sino ba talaga sila. Lubos na paghihirap ang kanilang pinagdaraanan, lahat naman tayo ay taong nilalang na mayroong pinaglalaban pero bakit ito ay nauwi sa hindi pagkakapantay-pantay na ang naging resulta ay diskriminasyon base sa panlabas na itsura. Lahat tayo ay pantay-pantay mapa-iba man ng kulay, sekswalidad, katayuan sa buhay o ano pa man, tayo ay gawa at likha ng Diyos at pare-pareho hindi perpekto. Kaya wag tayo manghusga sa kung ano man sila o ikaw sa mundong ito, dahil may kanya- kanya tayong kapalaran. Kapalaran na ang Diyos lang mismo ang nakakaalam kung bakit ikaw, ako, tayo ay may iba’t ibang katayuan o katauhan sa lipunang ating ginagalawan
Pagdating sa pagtatrabaho ikaw ay talo Sapagkat sa bahay lamang ang lugar para sa iyo Maglaba, maghugas ng pinggan, maglinis ng bahay ang gawain mo
Yan ang paniniwala na natatandaan ko
Bilang isang babae ako ay nasasaktan Sa pagtingin sa amin ng mga kalalakihan
Na babae lamang kami at walang karapatan
Walang karapatan sapagkat kami ay pambahay lamang
Oo, noong una wala kaming karapatan
Karapatan na magbuhay ng pamilya ng sarili lamang
Subalit ngayon nag-iba na ang panahon
Babae na ang nagpapagod ngayon
Yung tipong batak narin kami sa pagtatrabaho
Kayong mga lalaki mas nadadaig pa namin kayo
Nagagawa narin namin ang mga gawain niyo
Kaya wag kayong magtaka kung paano namin nagagawa ito
Kaming mga kababaihan ay hindi dapat hinuhusgahan
Bagkus kami ay ipangalandakan
Sapagkat kami ay huwaran
Pagdating sa aming pamilya at sa mundong aming ginagalawan.
Maling Paniniwala
NiJerlynB.Ylagan
BULAG, PIPI at BINGI
Ni Isabella Cristobal
Ang pagkakapantay-pantay ng kasarian ay nangangahulugan na ang mga kalalakihan at kababaihan ay may pantay-pantay na karapatan at responsibilidad sa lipunang kinabibilangan. Ang pagkakapantay-pantay ng kasarian ay tungkol din sa pakikibahagi ng tungkulin para sa ikauunlad ng lahat. Kung mahahadlangan tayo ng kasarian na makita ang kahinaan at kalakasan ng bawat indibidwal, maari itong maging dahilan ng diskriminasyon sa bawat isa.
Bawat indibidwal ay mayroong kanya kanyang karapatan, karapatan na siyang tanggulan sa tuwing naaapi, naaapi sa panahong tila tikom ang mga labi, pikit ang mga mata at sarado ang mga tainga upang kaharapin ang reyalidad ng buhay. Isang indibidwal na mayroong kanya kanyang pagkakakilanlan, matutukoy sa pamamagitan ng kasarian na siyang nagbubuklod sa mga kababaihan maging kalalakihan. Sa paglipas ng panahon kasabay ang mga kalipunan ng mga pagbabago na siyang huhubog sa iyong pagkatao, marahil mabilis makaapekto ito sa isang tao subalit hindi maikaila ang pagtangkilik sa mga bagay na hindi kaaya aya para sa iyong pagkatao bilang isang babae o lalaki man. Utay-utay na babago sa iyong pagkatao hanggang sa hindi mo namamalayan na sa paglipas ng panahon tila nagiging bulag kana sa iyong tunay na pagkatao at hindi mo lubusang maunawaan ang mga bagay-bagay na kaakibat ng kinabibilangang lipunan na siya mong naging tahanan simula pa.
Ako'y musmos pa lamang ng harapin ko ang reyalidad ng buhay, buhay na tila hindi ko ginusto at sa pagtakbo ng oras hindi ko namamalayan ang aking paglago bilang isang ganap na babae. Marahil isang babae na mayroong perspektibo sa pagiging ganap na babae, maglaro ng pang babae, magsuot ng blusa, magsuot ng sandalyas at matutong gumamit ng pampaganda subalit hindi ko mawari ang paglipas ng panahon na tila may nagbabago, ano nga ba iyon? pagbabago na bumabago rin sa aking pagkatao kung sino at ano ako, gumising nalang at bumangon sa kama na iba na ang pananaw, pananaw na wari'y nabura lahat ng ako noon. Lumipas ang panahon at patuloy kong hinarap ang buhay, buhay na tila sabik akong gawin ang mga bagay na nais ko, nagbago ang lahat, nagbago nang lahat.
Patuloy kong hinarap ang mga araw hanggang sa, akoy tuluyang nabulag sa kung sino ako noon bilang ganap na babae, na wari ay bumaligtad ang aking mundo at nag iba ang lahat lahat, ang mga mata na noon ay iisa ang tinitingnan subalit ngayon ay naging bulag sa katotohanan, mga mata ko na siyang kusang sumara upang tingnan ang pagkatao ko at hindi pinilit na maging ako ngayon, kaalinsabay nito ang maging isang pipi na kung saan ay hindi ko kailangan na ipaliwanag ang aking sarili sa marami, hindi ko nais na bigyan sila ng salita bagkus ay maging tikom na lamang, nakakapagod ibuka ang mga labi sa mga taong sarado ang isip, mga tao na mapanghusga sa lipunan, gayundin mas pinili ko ang maging bingi sa mga komento ng marami na hindi nalalaman ang aking sarili, mga tainga na pinili kong takpan upang mga ligalig ay hindi madinig. Sa ating lipunang ginagalawan, maaaring maganda ang pagtingin sayo subalit hindi mo tiyak ang kanilang saloobin at naisin para saiyo.
Lahat tayo ay mayroong karapatan, karapatan na siyang ating pinanghahawakan, huwak padala sa mga suliranin bagkus ay harapin. Huwag ng maging bulag sa katotohanan, ni maging bingi sa indayog ng musika o di kaya ay maging pipi sa pag imik kung kaya ay maging totoo at harapin ang reyalidad ng iyong buhay upang walang pag aalinlangang gumising sa bawat umaga at gumalaw sa bawat oras.
SHOUT OUT!!
Ni Angelyn E. Palo
Shout out!
sa lahat ng nagpapahayag ng katotohanan, may kabuluhan, respeto’t pagmamalasakit sa kapwa. sa lahat ng naglaan, ng karapatan, ng pagkakapantay pantay, at kakayahang tumanggap sa kasarian ng sinuman sa lahat ng di mapanghusga ng kapwa, at ng kahit na anong sekswalidad pa, bagkus susuportahan ang tagumpay ng iba. sa lahat ng di mapagmataas, na lahat ng kasarian ay may natatanging kakayahan lahat ng tao'y may kahinaan at kalakasan
At, Shout out!
Sa mga taong nagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian, Mapa bahagharing kulay, kababaihan o kalalakihan man, Kung kaisa ka sa naghahangad na umunlad ang ating bayan, Pantay-pantay ang mga tao, yun ang lagi mong tatandaan.
Panauhin
Ni Marinel C. Manimtim
Kami'y pagbuksan sa pinto ng paglaya
Kami'y papasukin nang walang pagbabanta
Kami'y tanggapin nang walang pag-aatubili
Kami'y inyong panauhin, nawa kami'y huwag itaboy
Hindi ito isang pakiusap
Kundi isang panaghoy
Ng mga taong matagal nang kumakatok, Ngunit hanggang ngayo'y nanatili pa rin sa labas
Linya
Ni Marinel C. Manimtim
Noo'y gumuhit kayo ng linya Na nagtakda ng hangganan sa pagitan nilang dalawa
Oo, si Ben at Lena Si Ben na malakas, makapangyarihan at may kakayahang mamuno sa pamahalaan Si Lena na tanging sa bahay lamang, nag-aaruga ng kanilang mga supling
Saulado na nila ang dapat at hindi nila dapat bigyang pagpapagal Sapagkat gumawa na rin kayo ng listahan ng para kay Ben at para kay Lena
Maingat sila sa pagtapak
Iniiwasang lumagpas
Maaari kasing maging mitsa ito ng parusa
Sapagkat lumabag sila sa linya ng lipunan
Matinding tinta ang ginamit Hindi kumupas. Hindi nabura. Dahil hanggang ngayon, isa pa rin itong linya Na naghahati sa kanilang dalawa
DIPERENSYA
Angelyn E. Palo
Kasarian ba ang sukatan ng kakayahan, Na ang babae ay nabuhay para maging sunod-sunuran Ang ikatlong kasarian ay salot sa lipunan At tanging kalalakihan lamang ay may kakayahang lumaban.
Husga ng mata, mayroon bang basehan, Karapatan ng tao ay may label o pamantayan, Walang mabigat, lahat magkasinggaan, Lumiko man ng daan, tahak pa rin ay isang paroroonan
Lahat ng kasarian dapat ay responsible, Walang mababa, mataas, lahat ay importante Tila bangka sa laot lahat nakabalanse, Pantay na karapatan, babae man o lalake
Lahat ay tao, lahat nasasaktan, Lahat ay may tungkulin, kakayahang nalalaman, Wag kang tumalikod, bagkus matutong tumanggap, Bagaman magkaiba tayo ng nararanasan, nararamdaman.
Mapanghusga
Melissa Prudente
Sa Pilipinas kapag maitim ka panget ka
Sa Pilipinas kapag maputi ka di ka naman maganda, sadyang maputi ka lang talaga
Sa Pilipinas kapag K-pop fan ka cancer ka di mo naman daw naiintindihan linyahan ng mga feeling makabayan ni hindi naman kabisado ang lupang hinirang
Sa Pilipinas kapag nakashort ka mala Aubrey ka na tapos kapag balot na balot ka di ka raw marunong pumorma ano ba talaga? ni ultimo nga pagbili ng milk tea may issue na mga hipokrito lakas maka hastag ng #Notobullying pero tuwang tuwa sa mga nakakainsultong memes
Sa Pilipinas kapag naka braces ka wala ka ng karapatang ngumiti iisipin agad nila na gusto mo lang ipasikat kaya malaki ang kurba ng iyong labi, tapos kapag may tattoo ka masamang tao ka na nakakatawa lang kasi may kilala akong halos sa simbahan na tumira pero ang ugali nangangamoy basura.
Sa Pilipinas walang pakialamanan kahit makasakit pa ng ibang tao pero ang daming may pakialam pagdating sa persona na buhay mo kapag may nagawa kang mali lahat sila huhusga sayo Lahat nagmimistulang perpekto, laging binabase sa kagandahan sa panlabas na itsura kung makalait akala mo mga ilong mestizo't mestiza Lahat na ata mapanghusga. Nawawalan na ng halaga ang bawat isa kung anong bago dapat magaya sumikat lang sa social media ganito na tayo kung lamunin ng sistema. talamak na ang salitang 'Bobo' kung kani-kanino na lang ito binabato, tila nawawalan na ng respeto makasabay lang sa uso.
Video muna bago tumulong sa tao kasikatan muna bago prinsipyo , husga muna bago alamin ang totoong kuwento.
Nakakalungkot, pero ito ang totoo kaya kong iniisip mong panget ka dahil sa sinasabi ng iba, kung nanliliit ka sa sarili mo dahil sa panlalait nila kong pakiramdam mo tama sila nagkakamali ka, kasi walang pangit sa mundo marami lang talaga ang mapanghusga sa bansang ito.
BALANSE
Ni Ma. Raycel Pabelenia
Mapanuri at mapanghusgang mata Mabahong salita masakit sa tenga Diga nama’y alam, na katawang lalaki lamang Puso’y pandalaga, pero tao ding may halaga
Ginawa nang katuwaan ng mapamintas mong kaisipan Alam nang may mali, pero mali pa rin sila’y pag- initan Nakakapagpatawa ng iba, kahit may binababang isa Makikilala lang dahil sa panghuhusga sa iba
Pare- pareho tayong hindi perpekto Kaya wag kang gagawa ng isyu
Ibalanse ang pakikitungo, ma pa anong kasarian man Mas masarap makipagtawanan kung balanse ang samahan
Lahat ng pwedeng banggitin na salita ay baka makasugat Pag-isipan nang mabuti, baka mag- iwan ito ng lamat Baka talikuran ka ng iba, at sila ‘yang nandyan para sayo’y yumakap Tanggapin ang bawat katauhan, at pagtibayin ang samahan.
GENDER: HINDI HADLANG
Ni Jerlyn B. Ylagan
Sa bawat pagtapak natin sa lupa, sa bawat kilos na ating ginagawa, sa bawat slita na lumalabas sa ating bibig at sa bawat kasuotan na ating sinusuot hindi natin maiiwasang makarinig ng kung anu-anong mga hindi magandang salita mula sa ating kapwa. Madali lamang para sa kanila ang manghusga sa iba na hindi inaalam o iniisip kung ano ang mararamdaman ng kanilang hinushusgahan porket ba may kakaiba sa kanilang kasarian at kumikilos sila ng hindi naaayon sa kanilang sex. Ito ay tinatawag nating gender discrimination na kung saan hindi matanggap ng mga tao kung ano ang gender mo kaya patuloy lamang sila sa panghuhusga sayo. Hindi tayo tumitingin sa kagandahang loob na mayroon ang isang tao bagkus sa pisikal o panlabas na pagkilos ng isang tao tayo nakabase. Mahirap gumalaw s amundong puno ng panghuhusga, kaya pinipilit na lamng ng iba na itago ang tunay nilang niloloob kaysa mabuhay ng masaya. Subalit tao lamng tayo, tao lamng tayo na kailangang makamit ang pantay na pagtingin ng iba sa atin.
Mapatomboy, bakla, babae o lalaki dapat iginagalang ang ating mga karapatan, karapatang mabuhay ng walang nanghuhusga at karapatang mabuhay ng tanggap ng mundo kung ano ka, ako at tayo. Alam kong mahirap makuha ang simpatya ng tao subalit kailangan nating isipin na tao lamang tayo na kailangang mabuhay ng masaya at naayon sa niloloob natin yung tipong kaya nating ipakita na kahit ano man ang gender natin hindi ito hadlang upang ipagpatuloy ang buhay kundi isa itong hakbang patungo sa buhay na puno ng ligaya, pagmamahal at may pananalig sa Diyos.
Masasabi ko na hindi na natin maiiwasan ang mahusgahan o makaranas ng gender discrimination subalit nasa atin na lamang kung paano natin tatanggapin at malalampasan ang mga ito. Katulad na lamng ng TV host sa It’s Showtime na si Vice Ganda, alam naman natin na siya ay isang miyembro ng LGBTQ community at alam din nati na siya ay napapanood ng maraming tao sa buong mundo dahil dito hindi siya makakaiwas sa anumang panghuhusga ng ibang tao base sa kaniyang mga kinikilos at ginagawa at base narin sa gender niya ngunit matibay ang kaniyang loob na harapin ang mga ito at magpatuloy sa kaniyang buhay na walang itinatago na kahit na ano tungkol sa kaniyang gender.
Hanggang sa matagpuan niya ang lalaking magmamahal sa kaniya. Kaya kung sino man ang nag-iisip na baka mahusgahan sila base sa gender nila kailangan nating maging positibo sa buhay kung alam natin na dito tayo sasaya. At isa lamang ang masasabi ko na ang gender ay hindi hadlang upang mamuhay ng normal at abutin ang mga pangarap na iyong gustong matupad. At kahit anu mang gender ang mayroon ka mayroon paring tao na tatanggapin ka at handang mabuhay ng kasama ka.
BABAE AKO
Ni Melissa Pudente
Palaisipan pa rin sa akin ang katanungan na kasarian ba ang sukatan sa kakayahan? Na ang mga kababaihan ba ay nabubuhay lamang bilang sunod-sunuran Sapat na ba ang mga katagang Mahina ka sapagkat Ika'y babae lamang
Mababa ang tingin sa mga kababaihan sapagkat wala raw itong ambag sa lipunan. Marahil nasa bahay lamang upang mag-alaga ng bata at maglinis ng kapamahayan Ngunit hindi mo ba alam na iba na ang noon sa ngayon? Malaki na ang pinagkaiba ng sitwasyon
Hindi mo kelangan ipagmayabang na ikaw lamang ang may kakayahan niyan Pareho naman tayong tao na may kakayahan ngunit magkaiba lamang ng kasarian Ibig kong ipahayag sa iyo na hindi ako babae lang Sapagkat ako ay babae na may paninindigan na kayang pantayan ang iyong kakayahan.
Marahi malaki na ang ipinagbago ng panahon Iyong tinatawag na mahina noon? Kaya ng lumaban ngayon Kaya ng humarap at ipagtanggol ang sarili sa kahit anong sitwasyon Tanda mo hindi ako babae lang, BABAE ako na may paninindigan sa aking kakayahan.
Lalaki, Babae, Bakla, Tomboy
Ni Joselito C. Villarosa Jr.
Lahat tayo'y may karapatang ihayag ang sarili
Ang bawat kilos ay nagpapakita ng pagkataong pinili
Lason man sa iba ang sumalungat sa taglay na kasarian
Aangkinin ang pagkatao at ihahayag sa lipunan
Kumunot man ang noo ng iba
Ipakikita kong wala akong diperensya
Buhat nang isilang ay hinubog na ako
Aking taglay ang mga gawi na sa'kin ay tinuro
Bawat kilos at pananalita ay kaakibat ng kasarian
Ang pagsalungat sa pagkatao'y tila ba walang puwang
Estado sa lipunan ang siyang naging batayan
Balewala ang pagiging malaya kung ang isip ay sarado
Aanhin pa ang pagiging tunay na lalaki at babae kung ang isip ay di makatao
Kumalas sa posas nang panghuhusga
Lubayan ang mga negatibong sasabihin ng iba
Angkinin ang sariling pagkakakilanlan at huwag mong ikahiya
Tumayo ka gamit ang sarili mong pagkatao
Oras na pangunahan ka ng takot ay sarili mo'y maglalaho
Maging tapat ka sa iba at higit sa'yobg sarili
Burahin ang mga negatibong iniisip na sa utak nakakubli
Oras mo'y laging naghihintay sa iyong pamumukadkad
Yaong pagkatao mo'y buong puso mong ilahad
Isang tapyas na dila
Ni Jym Rainier Magundayao
Lumabas ako na dala- dala ang aking pag- ibig
Suot- suot ko ang aking buong pagkatao
Dala- dala ko ang aking dignidad
At baon ko ang aking malaking respeto
Naglakad ako sa isang kalsada
Mga mata ay nagkalat sa isang punto
Nalilisik sa kaibuturan ng karumihan
At bumabato ng pag- aalis ng karapatan
Napatungo ako sa isang matapang na bayan
Lalaki, Babae ang makikita lamang
Walang ibang kulay
Walang ibang buhay
Sa aking paglingon ay agad akong binato
Ng isang bato na hindi pwedeng magreklamo
Sa kagulatan ko ay napabagsak
Sa isang kwadradong bakod ay rehas
Pagmulat ko ay nakita sila
May mata subalit hindi nakakakita
May kamay subalit walang daliri
Bawat isa ay walang tainga
Lumingon ako sa aking paligid
Nagulat sa aking napintid
Mga tulad kong may tapyas sa dila
Di makasigaw, walang makarinig.
TUMINGIN KA SA AKIN
Ni Princess Camille D. Rempillo
“Kung ang nabasaga’y hindi nanghinayang, gasino pa akong nakabasag lamang”
“Ang huni ng maya- kapra sa itaas ng makopa, ang babaing niloloko ng asawa ay lalo pang gumaganda.
Mula pa noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan, mababa na ang tingin sa kababaihan ng lipunang kanyang ginagalawan sapagkat ang tao’y hindi pantay tumingin, hindi marunong tumanggap, at diregatori ang mga salitang ikinakapit sa kababaihan.
Sa ganitong perspektibo natin tingnan ang pagtalakay na ito. “Paano mo tingnan ang iyong ina, kapatid na babae, pinsang babae, kasintahan at si Birheng Maria?” Sa simpleng sabi, paano mo tinitingnan ang kababaihan? Saan mo unang tinitingnan ang mga babae? Sa mata ba o katawan? Paano mo pinakikinggan ang mga babae? Nakapikit ba o nakadilat? At paano mo hinahawakan ang mga babae? Marahas ba o malumanay?
Hindi kita pinapatawa o nililito. Kung sa tingin mo’y isa itong palaisipan, tama ka!
At tatamaan ka talaga! Dahil ang bawat salita’y nagmamarka, gumuguhit at nagkikintal.
Kaya’t namnamin mo ang bawat sugat ng babaeng pinagkaitan ng dangal ng lipunang kaniyang kinabibilangan. Noong dekada ‘70, ipinakilala ni Lualhati Bautista, isang awtor, si Amanda—ang asawa ni Julian na wari mo lagi’y piping babae—walang salita at tila laging takot ipahayag ang kaniyang sarili—ang kanyang mga nararamdaman, saloobin at mga iniisip sapagkat, nakintal sa kanyang isipan ang konsepto na ang babae ay tauhan lang ng lalaki—taga timpla at taga masahe lang. Ngunit, habang lumilipas ang panahon, katulad ni Amanda, unti- unting namumulat ang kababaihan. Hindi iminulat ng sariling lipunan ngunit ang sariling karanasang
nag- udyok upang kilalalin ng mga ito ang kanilang sari- sariling kahinaan, kalakasan, karapatan at responsibilidad.
Samakatuwid, hindi pantay ang pagtingin sa kasarian. Kung pakalilimiin ang mga pangyayari mula noon, dominante ang lalaki pagdating sa mga karapatan at oportunidad. Malaya silang nakapagpapahayag, nakikibahagi at naiaangat sa lipunan. Samantalang ang mga babae naman ay tikom, walang salita, walang karapatang magpahayag at limitado ang mga oportunidad para sa ikagagaling ng kanilang pagkatao—mapaedukasyon man, katayuan sa lipunan at pamamahala.
Sa kasalukuyan, tunay na nagkaroon ng pagbabago. Nagkaroon ng mga gawain, programa at mga batas sa pagpapaunlad at pagpapalakas ng kababaihan. Isa sa mga batas ng kasalukuyang
panahon ay ang Republic Act 9710 o mas kilala sa tawag na “Magna Carta for Women”. Ito ay isang komprehensibong karapatang pantao para sa kababaihan na layong alisin ang lahat ng uri ng diskriminasyon laban sa mga babae sa pamamagitan ng pagkilala, proteksiyon, kaganapan, at pagpapaunlad ng kanilang mga karapatan bilang isang babae sa lipunan. Bukod pa rito, lalong pinalalakas ng mga Feministang pangkat ang pagtataguyod at pagsulong ng mga karapatang dapat tinatamasa ng mga kababaihan. Nagsulputan ang mga personalidad na hindi bumibitaw sa pagpapalakas ng boses ng kababaihan—tulad ni Emma Watson, Angel Locsin, Catriona Gray, Karen Davila at marami pang iba ang simbolo ng malayang babae ng kasalukuyang lipunang Pilipino—nakasunod sa
yapak ng mga magigiting na babaeng tulad nina
Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Melchora Aquino, Trinidad Tecson, Josefa Llanes Escoda, Magdalena Leones, at marami pang iba—at kung gugustuhin mo’y pati ikaw ay pasok na pasok!
Subalit, sa patuloy na pakikibaka ng mga kababaihan sa kanilang mga karapatan, hindi maiiwasan ang mga balakid. Kamakailan lamang, harapang sinambit ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kanyang talumpati sa ginanap na inagurasyon ng Metro Manila Skyway Stage 3, na ang pagkapangulo ay hindi akma sa mga babae. “Hindi ito pambababe. Alam mo, the emotional set- up of a woman and a man is totally different”, ani nito. Dahil dito, sumiklab na naman ang usapin ng ‘gender role’ at gender equality. Wika pa nga ng tanyag na mamamahayag na si Karen Davila, “Women make great leaders. Yes, the Presidency or any other job for that matter, can be handled by a qualified woman”. Sa ganitong mga pangyayari, unti- unti na namang ibinabalik ang kababihan sa pedestal ng patriyarkal na lipunan, na kung saan ang mas nakaaangat ay ang kalalakihan. Hindi masasabing hindi patas ang lipunan bagkus ang mga tao ang hindi pantay tumungin.
Bukod pa rito, ‘Double standard’ ang lipunan at ito ay hindi maikakaila. Sa sosyedad na ang kababaihan ang palaging talo, ano ang hinaharap ng mga susunod na
OP- ED
henerasyon? Anong klase ng lipunan ang inihahanda natin sa ating mga anak na babae at mga kapatid? Ikikintal mo rin ba sa kanila na ang mga katagang “Ang babae ay pambahay lamang. Ipagtitimpla ng kape si tatay at pagsisilbihan ang asawa”, ganoon ba?
O kaya naman ay patuloy mong ipasasaulo sa mga anak at kapatid mong lalaki ang mga linyang:
“Walang karneng tinangay ng aso na di nalawayan”,
“walang humipo ng palayok na ‘di naulingan”, “Kung ang nabasaga’y hindi nanghinayang, gasino pa akong nakabasag lamang”, “Ang babae sa lansangan, gumigiring parang tandang”,
“Bago mo matalos ang hakab ng katawan, bayaan mo munang paniktan ng ulan.”
Ganito ba ang ituturo mo sa kanila upang sukatin ang kanilang pagkalalaki? Hindi kita
pangangaralan, ngunit, sinasabi ko sa’yo, magdurusa ang iyong ina, asawa, anak at apong babae. Dahil ang mga salitang ito ay malinaw na pagpatay ng kanilang hinaharap at mga pangarap. Ang pagkitil ng kanilang mga karapatan ay pagkitil din ng kanilang pagkatao’t dangal. Kahit ang pagkakabit ng mga diregatoring salita sa kababaihan ay maituturing din na pagpigil sa kanilang makamit ang kanilang pag- unlad bilang isang taong may papel sa lipunan. Mga salitang nakapagpapababa ng sarili at dangal, nagkikintal ng masamang imahen sa mga kababaihan at nagpapalubog ng pagkatao ng isang babae. Ang mga salitang katulad ng magaslaw, harot, talipandas, kiri, malandi, pakipot, mahilig, makati, ma-el, malabiga, mabunganga, masatsat, o makati ang dila, bungangera, katakatera, usisera o mahadera ang mga katagang bumuo ng mga negatibong isteryotipikong pagkakakilanlan sa mga kababaihan sa lipunan. Masakit mang isipin bilang isang babae, hindi patas ang tao. Ika nga ni Ruth Elynia Mabanglo, “ang imahen ng babae sa sining man at realidad, sa mito man at wika, ay hindi laging nakatutulong sa ikatitipuno ng kanyang pagkatao. Lahat ng mga mura ay laban sa babae; samantalang ang mga mura laban
sa babae ay nakatutulong sa ikadadangal ng kanyang pagkakalalaki.” Hindi marunong tumanggap ang tao. Pasaway sila sa pagtanggap ng pagbabago. Ikinakahon nila ang kababaihan sa imahen ni Maria Clara at Birheng Maria. Iba ang pagtingin ng mga ilang lalaki sa pagrespeto ng babae—ibinabatay sa kinis ng mukha, pino ng galaw at hubog ng katawan. Bato- bato sa langit, ang tamaan ay… sapul!
Totoong magkaiba ang lalaki at babae ngunit, parehas silang tao—parehas silang parte ng lipunan at kapwa may karapatan. Maaaring, kayang gawin ng lalaki ang kayang gawin ng babae sa tahanan at kaya rin namang gawin ng babae ang trabaho ng lalaki. Ayon nga kay Wardhaugh (2010), “ang kasarian o gender ay tumutukoy sa kung ano ang ginagawa ng bawat indibidwal at hindi sa kung ano ang mayroon siya. Ito ay kalipunan ng mga gawi at paniniwalang may kaugnayan sa mga ideya at kulturang nabigyan sa bansag bilang pambabae o panlalaki sa lipunang kinabibilangan. Ang bawat kasarian. pambabae man o panlalaki ay nagkakaiba maging sa paggamit ng wika sapagkat mayroon silang iba’t ibang tungkuling ginagampanan sa lipunan.” Sa madaling sabi, may responsibilidad ang bawat isa. Ito ay ang iangat ang pagkatao at dangal ng bawat isa. Katulad nga ng sinabi nina Anocop at Abanio, “malaking hamon ang pagtingin nang pantay sa mga kababaihan at kalalakihan sa aspektong pisikal, kultural, sosyal, at maging sa paggamit ng wika.” Subalit, sa ganang akin, nasa sa angkop na salita, respeto at pagtingin sila magtatagpo.
Ngayon, tatanungin ulit kita.
Paano mo titingnan ang iyong sarili?
Ako, saan at paano mo ako titingnan?
Kalipunan ng mga Akdang Pampanitikan BSED- IIA3, Medyor sa Filipino
PADINIG PARINIG PAKINIG
Gender and Society- Mindoro State University
Sabay- sabay tayong maging malaya
Ano’ng mga parinig ang nais mong ipadinig sa mundo at mapakinggan ng kalawakan?
Gender and Society- Mindoro State University
Hindi ang huling pahina ang wakas bagkus ito ang simula ng siklong magpapalaya ng mga lihim na kumakawala mula sa espasyong inilaan mo para sa sariling magpahayag at magparinig.
Ang huling pahina ay hindi nangangahulugan ng pamamaalam. Ito’y pasasalamat sa mga panahong binigyan kami ng lakas na magparinig at madinig--at sa wakas... Salamat sa Pakikinig!
Patuloy sanang gabayan ng mga tala ang ating mga pangarap. Punan nawa tayo sa bawat umaga ng pag- asa at ihele nawa tayo ng gabi nang mapayapa.
-Pres.
Kalipunan ng mga Akdang Pampanitikan
PADINIG PARINIG PAKINIG