Philippine Collegian Issue 7

Page 1

KUNWARING KAUNLARAN IPINALALAGANAP NG PAMAHALAAN ang ilusyon ng tunay na pagbabago sa bansa habang ipinipinta nito ang imahen ng isang maunlad na bayan: nagpapautang ng isang bilyong dolyar, nagpapatupad ng mga kongkretong palisiya, at nagagawang makipagsabayan sa ekonomiya ng ibang mga bansa. Ngunit walang retorikang makapagkukubli sa mga panlilinlang ng rehimen ni Pangulong Benigno Aquino III na ilalahad sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes. Ibinabandera man ni Aquino ang 6.4 porsyentong pagtaas ng gross domestic product ng Pilipinas sa unang kwarto ng taon, nananatili pa ring may 4.4 milyong Pilipinong walang trabaho, ayon sa IBON Foundation. Hindi rin nagtaas ang minimum wage ng mga manggagawa, at sa halip ay higit pang binabarat sa pamamagitan ng bagong two-tiered wage system na higit pang nagpababa sa kanilang sahod. Nakalikha man umano ng mahigit 1.6 milyong trabaho sa panunungkulan ni Aquino, higit 800,000 o kalahati naman nito ang kontraktwal at panandalian, samantalang 500,000 o halos sangkatlo ang dala ng self-employment, kabilang ang maliliit na negosyong pantahanan. Samantalang idinidiin ng pamahalaan na pinakikinggan umano nito ang “atas ng taumbayan” sa pamamagitan ng pagpapababa sa pondong pambayad-utang sa susunod na taon at paglalaan ng higit na pondo para sa mga batayang serbisyo, hindi maitatago ng rehimeng Aquino ang katotohanang pribadong interes ang higit na

pinahahalagahan nito. Sa anumang sangay ng gobyerno, punong-puno ang panukalang badyet para sa susunod na taon ng pondo para sa public-private partnerships (PPPs), na hinahayaang pasukin ng pribadong sektor ang mga pampublikong serbisyo upang pagkakitaan at gawing mas kaakit-akit ang bansa para sa mga dayuhang namumuhunan. “Hindi na tayo gagastos, kikita pa tayo,” pagbibida ni Aquino sa kanyang SONA noong nakaraang taon. Kasabay din ng tangkang makipagsabayan sa iba pang bansa ang pagpapatupad ni Aquino ng programang K-12. Sa pagdaragdag ng tig-isang taon sa elementarya at hayskul, layon ng pamahalaang agad na makahanap ng trabaho ang kabataang Pilipino sa oras na makapagtapos sila sa hayskul — mistulang mga produktong inilalako sa mga malalaking multinasyunal na kumpanyang kailangan ng barat na lakas paggawa. Ipinagmamalaki rin ng pangulo ang kanyang laban kontra korupsyon. Ngayong taon, nilitis at napatalsik si dating Chief Justice Renato Corona. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, wala pang pinal na hatol kay dating Pangulong Gloria Arroyo, sa kabila ng kabi-kabilang kaso ng katiwalian. Sa loob ng dalawang taon, kamakailan lamang napabalita ang pagsisimula ng paglilitis laban kay Arroyo para sa kasong pandarambong— ilang araw bago ang ikatlong SONA ni Aquino.

Kung susuriin, ang pagtugis kay Corona ay bahagi lamang ng malawig na tunggalian sa kapangyarihan sa loob ng pamahalaan. At upang mabalikan si Aquino ng hudikatura, nagdesisyon ang Korte Suprema na ipamahagi sa mga magsasaka ang lupain ng Hacienda Luisita inc. (HLI), isang lupaing pagmamay-ari ng mga kamag-anak ng pangulo. Malugod na tinanggap ni Aquino ang hatol, ngunit hindi ito patunay na isinusulong na niya ang isang makabuluhang repormang agraryo. Sa katunayan, tinatayang tanging 13,819 ektarya kada buwan ang lupang naipamamahagi ng termino ni Aquino, mas mababa pa sa 17,311 ektarya kada buwang naipamamahagi sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Piling mga datos lamang ang inilalantad ni Aquino sa publiko. At taliwas sa kanyang mga pahayag, malaking bahagi ng mamamayan ang hindi ikinatutuwa ang pagkukubli niya sa tunay na kalagayan ng lipunan. Nagpapatuloy ang marahas na kalagayan ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng Aquino. Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, nagpapatuloy ang malagim na rekord ng

militar sa paglabag sa karapatang pantao. May 170 kaso ng pulitikal na pamamaslang na ang naitala sa ilalim ng panunungkulan ni Aquino. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nahuhuli si Retired Maj. Gen. Jovito Palparan, pangunahing suspek sa pagdukot sa mga mag-aaral ng UP na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. Samantala, sa kabila ng pagtanggi ng Malacañang na may mga detenidong pulitikal sa bansa sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagdakip, at sa kasalukuyan, aabot na sa 385 ang detenidong pulitikal sa bansa. Sa mainit na pagtanggap ng rehimeng Aquino sa laksa-laksang tropa ng Amerikano sa Pilipinas, hinahayaan rin ng pangulong mayurakan ang soberanya ng bansa. Buong giliw na hinayaan ng gobyerno na muling gamitin ng Estados Unidos ang bansa bilang pain sa inilulunsad nitong palihim na digmaan laban sa Tsina.

Ipinipinta ni Aquino ang isang imahe ng kaunlaran, ngunit hindi kabilang ang karamihan sa mga mamamayan sa pag-unlad na ito. Hindi pa rin naipatutupad ang tunay at malawakang reporma sa lupa, walang pambansang industriya na magbibigay ng nakabubuhay na sahod sa mga mamamayan, at nananatiling nakasandig ang ekonomiya sa mga dayuhang kumpanya. Dalang-dala na ang sambayanan sa paulit-ulit na retorika ng huwad na pag-unlad. Sa pagigting ng panlilinlang, lalong higit na kailangang armasan ang taumbayan ng kritikal na pananaw at kaalaman upang sama-samang mapanagot ang pamahalaang patuloy na nagpapalaganap ng kahirapan at karahasan sa bayan.

ESPESYAL NA ISYU Opisyal na lingguhang pahayagan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas - Dilman Tomo 90, Blg. 07 Hulyo 23, 2012


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.