
1 minute read
Dalagang Pilipina *
Joseph Quinto
Sa wangis ng kanyang mukha, masasabi mong mas marikit ito kay Mona Lisa.
Advertisement
Sa pagkapinta ng kanyang kilay, walang sinabi si Cleopatra. Ang kanyang kasuotan, konting laman ang sumisilip. Mga kalalakihan sa gilid-gilid, malamang nais manilip.
Dalagang Pilipina ka nga ba?
Sa pagtitig ko sa iyo, ikaw ay marikit, ngunit ang kariktan ba ang makasusukat ng pagka – dalagang Pilipina?
Sa pagtitig ko sa iyo, mukha kang mahinhin, Ngunit ang pagiging mahinhin nga ba ang sukatan ng pagka –dalagang Pilipina?
Ano nga kaya ang sukatan sa pagka – dalagang Pilipina?
Ano nga kaya ang sukatan ng isang dalagang Pilipina?
Meron nga ba, o ‘di kaya isa lamang itong imahe na ating ginawa?
Ginawa upang magkaroon ng bansag ang isang dalagang Pilipina.
Ginawa upang maikulong ang tunay na dalagang Pilipina.
Sa aking pagtatanung-tanong sa madla, ang dalagang Pilipina ay mahinhin, marespeto at ‘di makabasag pinggan gaya ni Maria Clara. Siya ay family – oriented, empowered, at may malasakit sa pamilya.
Ang sabi pa ng isa, Aba dapat virgin ang dalagang Pilipina.
Nakatutuwa at nakatatawa ang mga sinambit nila, ngunit sa aking pagbabalik tanaw sa iyo, ‘di ko pa rin maipinta.
Sa pagkakaalam ko, tunaw na ang dalagang Pilipina. Wala na dapat label at depinisyon ang isang dalagang Pilipina.