SA PAGTUTURO ni Kristo ng talinhaga ay nakikita ang simulain ding iyon na gaya ng sa Kanyang sariling pakay o misyon sa sanlibutan. Upang makilala natin ang Kanyang banal na katangian at kabuhayan, ay ibinihis ni Kristo ang ating kalikasan, at tumahan sa gitna natin. Ang Diyos ay nahayag sa sangkatauhan; ang nakukubling kaluwalhatian ay namalas sa nakikitang anyo ng tao. Matututuhan ng mga tao ang tungkol sa di-nalalaman sa pamamagitan ng nalalaman; ang mga bagay ng langit ay inihayag sa pamamagitan ng mga bagay ng lupa; ang Diyos ay napakita sa wangis ng mga tao. Kaya gayundin sa mga turo o aral ni Kristo: ang di-nalalaman ay inilarawan sa pamamagitan ng nalalaman; ang mga banal na katotohanan ay inilarawan sa pamamagitan ng mga bagay ng lupa na kilalang-kilala ng mga tao.