pumapasok ang kahalagahan ng pagtuturo ng katitikan sa lokal na konteksto at sa makasaysayang lente. Sana sa panahon ng mabilis na pagbabago, ang katitikang Cebuano (at iba pang mga katitikan sa Pilipinas) ay magsisilbing instrumento para maprotektahan at ipalaganap pa ng maayos ang ating pinulongan, kultura, at lalo na ang pagkakakilanlan bilang Filipino. Bilang isang lipunan, paano ba natin maipangalagaan ang ating kultura? Sa tingin ko, ang paghubad ay isa sa mga paraan upang maprotektahan natin ang sariling atin at, kasabay nito, manatiling bukas sa mga pagbabago.
Tungkulin ng Paghubad Bago ko pag-usapan ang paghubad, dapat tingnan muna natin ang isang aspeto ng ating kultura: ito ay hybrid. Sa kasaysayan ng ating bansa, marami na ang mga dumaang mananakop na dala-dala ang kani-kanilang kultura. Ang pinulongan at katitikan natin ay may halong Espanyol, Amerikano, atbp. Nakwento ko ito dahil nabanggit ni G. Godin na ang pagiging hybrid ay “masama� o di kaya ay katanggap-tanggap lamang basta alam natin kung saan ito hiniram. Iba ang pananaw ko dito dahl mahirap malaman kung alin ang hiram at alin ang lumad. Halimbawa, ang sugilanon bilang isang teknik ay hindi galing sa atin. Sa striktong pananaw, wala na talaga tayong maitatawag na sugilanong Cebuano. Isipin na lang kaya natin na kahit marami tayong hiniram mula sa kulturang dayuhan, mas mahalagang pagtuunan ng pansin kung ano ang laman ng ating katitikan. Siguro, ang masasabi ko lang dito ay di na dapat tingnan ang pagkapuro ng isang konsepto, bagay, pulong, atbp; sa halip, dapat bigyang halaga kung paano ito naging importanteng aspeto ng ating buhay, kung paano ito hinuhulma ang ating kamalayan, na siya ring humuhubog sa ating ugali, kuro-kuro, pagpapasiya, atbp.