


Ika-28 araw ng Mayo, taong dalawang libo’t dalawampu’t lima, kinabukasan, kaarawan ko.
Tahimik lamang ang aking buhay. Isang uri ng katahimikang hindi payapa, kung hindi nakakulong sa apat na sulok ng kwarto. Hindi sanay lumabas. Ang araw-araw ay umiikot lamang sa mga aklat at sa tahimik na kwartong walang ibang tunog kung hindi ang pag-ikot ng bentilador at tunog ng mga lumilipas na oras. Magmula noon, pinagkakaabalahan ko lamang ay ang pag-aaral ng mga tekstong banyaga, mga teoryang isinulat ng mga hindi kailanman lumulubog sa putik ng mga kanayunan, mga pilosopiyang hindi isinilang sa gutom o sa mga sigaw ng mga manggagawa’t magsasakang binabagsakan ng tanikala ng sistemang mapang-api
Sa mata ng marami, ‘matalino’ ako Maayos magbasa, mahusay magsulat, mabilis makaintindi. Ngunit ang hindi alam ng marami, mababa ang kamalayang pampulitika ko. Hindi ko nauunawaan kung bakit may mga nagsisigawang mga tao sa lansangan, kung bakit may mga batang naninirahan sa bangketa habang ang iba’y namumuhay sa karangyaan. Kapag may mga naririnig, nababasa, o napapanood akong mga balita ukol sa welga, demolisyon, patayan, o panunupil ng estado, hindi ko ‘to iniinda. Tinatanggap na lamang ang mga balitang ito bilang ulatpanahon: totoo, ngunit hindi ako bahagi. noon…
noon…
Tahimik lamang ako. Hindi dahil wala akong opinyon, kung hindi dahil natutunan kong huwag makialam. Tinuruan ako ng sistemang tumahimik, maging “magaling,” at umastang balang araw, makakaalis din sa kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon.
Pero, sa kabila ng lahat ng ito, minsan nang dumaan sa aking isipan na maging isang aktibista. Isang mabigat na pangarap, isang mabigat na desisyon para sa sarili. Matagal na. Simula pa noong una akong makabasa ng ilang mga sanaysay ukol sa lipunan kahit pa salin ito mula sa Ingles, kahit pa hindi ganap na malinaw noon. Minsa’y may humahatak pabalik sa aking kulungan, ngunit may isang boses naman na bumubulong: Hindi sapat ang mag-aral lamang. Hindi sapat ang tumalino lamang Kailangan mong makialam
Sa tuwing palalalimin ko ang sarili ko sa ideya ng aktibismo, may humaharang. Takot. Takot na baka tama nga ang mga sinabi nila. Delikado. Takot sa posibilidad na pagdukot, sa panunupil, sa pagpapatahimik. Lalo na’t lumaki akong tagasunod sa mga ‘batas.’ Laging pinapaalalahanan na huwag, huwag maging isang komunista, huwag makialam sa hindi mo problema. Sa ganitong mga kondisyon, mapapatunayan na ang aktibismo ay isang apoy: nagbibigay liwanag, ngunit nakakatakot lapitan.
Nang makapasa ako sa Unibersidad ng Pilipinas Baguio, itinanim ko sa isip ko: kailangan kong paghandaan ang kahirapang mawalay sa aking magulang. Batid ko nang hindi magiging madali ang daan Walang kasaganaan, walang katiyakan, at ang bawat hakbang ay kailangang igapang. Tuwing sasakay ng dyip, tuwing bibili ng kape, tuwing susulat ng papel lahat ay kailangang ilaban. Noon, malinaw lamang sa akin ang tunguhin: makapag-aral, makapagtapos, at makapagsablay. Isang tahimik na determinasyon na nakasentro sa sariling interes. Ang buhay ko ay ikinahon sa pangarap ng indibidwal na kaligtasan sa loob ng sistemang mapagsamantala.
noon…
Sa unang taon ko, bago sa akin ang Baguio. Ang lungsod, ang bundok, ang kultura ng mga katutubong minorya Isa akong banyaga sa sariling bayan. Produkto ng edukasyong kolonyal na tumatalikod sa sariling kasaysayan Isang kabataang pinalaking walang ugnay sa lupa, sa pakikibaka, sa masa. Ang tanging baon ko lamang sa rehiyong ito ay ang diploma ng pagkukunwari edukasyong ginagawang kalakal, hindi paglaya.
kaya noon...
Sa unang taon sa kolehiyo, ikinulong ko ang sarili ko sa pagiging “estudyante.” Tahimik. Masunurin. Hindi nagtatanong. Hindi nagdududa. Hindi nakikialam. Binabalewala ang mga organisasyon. Umiiwas sa diskurso ng paglaban Pinipiling manahimik habang pinapatay ang panlipunang kamalayan. Ako ang perpektong produkto ng sistemang pampaaralan na inihanda upang magsilbi, hindi sa sambayanan, kung hindi sa naghaharing-uri.
dalawang taon na ang nakalipas magmula nang ako’y pansamantalang nanirahan dito...
Estudyante pa rin. Ngunit ang pagiging estudyante ay matagal nang nilampasan ng aking pagkatao. Kung noon ay pilit na ipinagsisiksikan ang utak ko sa mga teksto at araling banyaga
ngayon…
Hindi na lamang ako mag-aaral sa loob ng apat na sulok ng kwarto ng silid-aralan ako ay isang dayuhan na nagsisikap maging bahagi ng isang lipunang nilulumpo ng pang-aapi, ngunit hindi kailanman nagpapatinag.
Sa paglapit ko sa mga pang-masang organisasyong nagsusulong ng makauring pagsusuri sa lipunan, napagtanto kong hindi sapat ang pinagsisisiksikan lamang ang mga sarili sa mga ibinabatong salita ng mga propesor o ng mga teksto na gawa ng mga burgis na akademiko. Ang tunay na pagaaral ay nasa pakikilahok sa mga pwersa ng pagbabago, sa masa, sa mga organisasyong kumikilos upang baguhin ang umiiral na sistema. Sa pagsali ko sa mga organisasyong ito, dito ko unang narinig ang mga salitang umalingawngaw sa aking isipan. Mga imaheng nagpinta sa imahinasyon ko kung gaano naging kalunos-lunos ang karanasan ng mga mamamayan sa rehiyong ito. Dito ko unang narinig ang mga salitang tumimo sa aking diwa:
Tinapakan “daw” ang karapatang pantao.
Inagawan “daw” ng lupa.
Inalisan “daw” ng dignidad.
Pinatahimik “daw”.
Tinakot “daw”.
Tinortyur “daw”.
at saka pinatay “raw”… ang mga mamamayan ng Kordilyera.
Magmula pa noong madilim na yugto ng diktadura ng Batas
Militar hanggang sa kasalukuyang panahon ng neoliberal na pananalasa, hindi kailanman natigil ang sistematikong panunupil sa mga mamamayan ng Kordilyera. Patuloy silang pinagkakaitan ng karapatan, dinadahas sa ngalan ng ‘kaunlaran,’ at nilalason ng huwad na kapayapaan na ipinangangalandakan ng estadong burgis at pasista Isa ang probinsya ng Kalinga sa mga naging sentro ng marahas at mapaniil na tangka ng estado na paluhurin ang mga kaigorotan mga mamamayang hindi lamang inagawan ng lupa kung hindi tinangka ring agawan ng dignidad, ng kabuhayan, ng kinabukasan. Ang mga alingawngaw ng mga salitang iyon ay patuloy na lumakas nang lumakas. Ang mga imahen ng mga pangyayaring naranasan ng mga katutubo sa Kalinga ay nananatiling nakatatak hanggang ngayon sa isipan ko
Tinapakan ang kanilang karapatang pantao.
Inagawan sila ng lupa.
Inalisan sila ng dignidad.
Pinatahimik sila.
Tinakot sila.
Tinortyur sila. At saka pinatay.
Sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na kaayusan na sistema, pinagkakakitaan ng mga naghaharing-uri ang lupaing ninuno, ginawang tubo ang ilog, at binabansagang terorista ang mga lumalaban para dito. Sa ganitong kalagayan, tumindig ang isang lider na hindi kailanman yumuko sa kapangyarihan, Si Ama Macli-ing Dulag. Hindi siya pinuno lamang bagkus naging isang tagapagsalita ng samabayanan, larawan ng militanteng paglaban sa isang lipi laban sa pasismo at pyudalismo Ang kanyang paninindigan laban sa Chico River Dam Project ay hindi simpleng pagtutol sa isang proyekto ng estado, it ay pagharap sa salot ng imperyalismo at sa pagtatanggol sa kolektibong karapatan ng mga mamamayan sa sariling pagpapasya.
ngayon…
Hindi na ako ang dating ako Hindi na ako alipin ng ilusyon ng indibidwal na kaligtasan, ng edukasyong walang ugat sa masa, ng intelihensyang hiwalay sa tunggalian ng uri. Ang mga araw ng pananahimik ay nagwakas, hindi dahil sa kusang nawala ang takot kung hindi nagliyab ang kamalayan sa gitna ng apoy ng pakikibaka. Sa bawat hakbang, batid ko ang bigat ng kasaysayan. Hindi na ako bulag sa pagsasamantala Hindi na ako bingi sa panaghoy ng mga pinatahimik, ng mga dinahas, ng mga ninakawan ng lupa’t kinabukasan Malinaw sa akin ang rebolusyon ay hindi panaginip kung hindi isang kagyat at makauring tungkulin.
ngayon… Hindi ko na ikinakaila ang sarili kong tungkulin. Ako ay bahagi ng isang henerasyong mulat, hindi na magpapakulong sa silid-aralan ng ilusyon. Ako ay kabilang sa uring pinagsasamantalahan, sa sambayanang minamaliit ng malakolonyal at malapyudal na sistema. At bilang ganito ang sitwasyon, hindi sapat ang pag-alam kailangang lumahok, kailangang lumaban, kailangang mag-organisa.
Ang salitang ‘kaunlaran’ ng estado ay hindi na kumikinang sa akin. Ang ‘ progreso ’ ng mga proyekto ng dayuhan at oligarkiya ay hindi ko na sinasamba. Ang dam ay hindi tubig ito’y tanikala. Ang kalsada ay hindi daan ito’y panghimasok.
Ang kapayapaan ay hindi katahimikan ito’y panunupil. At ang sinumang magpupumilit manahimik sa gitna ng ganitong kaayusan ng sistema ay kasangkot sa pananatili ng inhustisya.
ngayon…
Tangan ko ang aral ng makasaysayang paglaban ni Macli-ing Dulag. Hindi ito sentimental na pagpaparangal, kung hindi isang rebolusyonaryong panata. Ang kanyang pagtindig laban sa Chico River Dam Project ay hindi simpleng pagtutol, ito’y matatag na pagtanggi sa imperyalistang pag-agaw, sa pyudal na pagpapalayas, at sa pasistang panunupil Ang kanyang katawan ay pinatihimik ng mga bala, ngunit ang kanyang diwa ay patuloy na nananahan sa bawat organisado’t militanteng hakbang ng sambayanan. Dahil dito, hindi na ako naniniwala sa ‘neutralidad.’ Walang gitna sa panahon ng panunupil. Walang gitna sa panahon ng pasismo. Sa pagitan ng mamamatay-tao at ng pinaslang, pipili ako. Pipiliin ko ang sambayanan.
ngayon…
Kahit na dayuhan lamang ako sa rehiyong ito, sa rehiyon ng Kordilyera, naniniwala ako na ang laban ng Kordilyera ay laban ng buong bayan. Ang panunupil sa mga katutubo ay bahagi ng kabuuang estratehiya ng estado upang itaguyod ang interes ng mga dayuhan at iilang naghahari. At dahil dito, ang aking pakikibaka ay hindi maaaring isentro lamang sa identidad o rehiyon—ito’y dapat maging makauring paglaban
ngayon…
Hindi ko na tinatakasan ang katotohanan: ang rebolusyon ay hindi lamang posible ito ay kinakailangan. At kung ang paglingap sa masa ay ituturing nilang subersibo, kung ang pagkilos para sa lupa, bayan o ili, at karapatan ay tatawagin nilang terorismo, napapatunyan na tama ang rebolusyon.
ngayon…
Hindi na ako maghihintay ng pagbabago. Ako ay magiging bahagi at patuloy na magiging bahagi ng kilusang mapagpalaya.
ngayon… Habang ako’y nabubuhay, maglilingkod ako. Mag-aaral ako para sa rebolusyon. Mag-oorganisa para sa masa. At kung kinakailangan, ibubuwis ko ang buhay para sa panibagong lipunan.
dahil ngayon
Ang tanging wastong daan ay daan patungong rebolusyon patungong sosyalistang lipunan.
At ako bilang dayuhan lamang sa daigdig ng Kordilyera, sa siyudad ng Baguio, marapat lamang na patuloy ang pagaalsa at maging matapang kasama ang mga katutubong patuloy na nawawalan ng tirahan dahil sa malakolonyal at malapyudal na estadong pilit silang tinatanggalan ng lupang ninuno Hamon sa akin na maging isang Dulag na hindi duwag lumaban para sa karapatan.