Aralin 1 Konseptong Pangwika

Page 1


Mga Konseptong Pangwika 1

Mga Layunin:

Matapos ang aralin, inaasahan ang mga mag-aaral na matatamo ang sumusunod na mga kasanayang pampagkatuto:

1. Natutukoy ang mga kahulugan at kabuluhan ng mga konseptong pangwika.

2. Naiuugnay ang mga konseptong pangwika sa mga napakinggang sitwasyong pangkomunikasyon sa telebisyon, radyo, talumpati, at mga panayam.

3. Naiuugnay ang mga konseptong pangwika sa sariling kaalaman, pananaw, at mga karanasan.

4. Nagagamit ang kaalaman sa modernong teknolohiya (Facebook, Google, at iba pa) sa pag-unawa sa mga konseptong pangwika.

Kahulugan ng Wika

Malaki ang gampanin ng wika sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao sa lipunan. Sa katunayan, dahil sa wika ay naipararating ng isang indibidwal ang kaniyang saloobin o opinyon sa kausap. Bukod sa nagsisilbi itong instrumento ng komunikasyon, kasangkapan din ang wika sa iba't ibang elementong bumubuo sa lipunan. Sa katunayan, malaking tulong ito sa larangan ng politika, sistema ng edukasyon, larangan ng agrikultura, turismo, at mga kaugnay nito.

Sa pangkaraniwang pagpapakahulugan, ang wika ay instrumento sa pakiki pagtalastasan. Ito ay binubuo ng mga simbolo na kapag nagsama-sama ay nagkakaroon ng kahulugan sa isang partikular na komunidad. Ayon sa Ethnologue: Languages of the World (2017), sa kasalukuyan ay tinatayang may 7,099 na wika ang sinasalita at ginagamit ng mga mamamayan ng mundo. May pinakamaraming tagapagsalita ang wikang Mandarin ng Tsina na may mahigit isang bilyon. Samantala, tinatayang may mahigit 100 wika sa Pilipinas na ginagamit ng mga Pilipino sa iba't ibang panig ng bansa. Ang nasabing mga wika ay nagtataglay ng magkakatulad na katangian gaya ng paniniwala ni Dr. Consuelo Paz (2015) sa konsepto ng language universals. Sa kabilang banda, dapat ding malaman ng mga mamamayan na ang wika ay maaaring mawala o mamatay kung hindi na ito tatangkilikin ng lipunang gumagamit nito o kung wala nang mga katutubong tagapagsalita nito. Sa pag-aaral, ang wikang Latin, sinaunang wikang Griyego, Old Norse, sinaunang wikang Ehipto, at Sanskrit ay ilan lamang sa mga itinuturing ng mga dalubwika na mga wikang patay sapagkat wala nang katutubong tagapagsalita na sana ay magpapatuloy nito.

Pero ano nga ba ang wika? Narito ang iba't ibang kahulugan ng wika batay sa mga eksperto.

1. Binanggit sa panayam ni Dr. Jovy Peregrino na ang salita ay isa lamang sa manipestasyon ng wika.

2. Ayon kay Henry Gleason (1988), ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo ng mga taong nabibilang sa iisang kultura.

3. Batay naman sa UP Diksyunaryo (2001), ang wika “ay lawas ng mga salita at sistema ng paggamit sa mga ito na laganap sa isang sambayanan na may iisang tradisyong pangkultura at pook na tinatahanan.”

4. Ipinaliwanag naman sa Webster’s New World Dictionary (1994) na ang wika ay isang sistema ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng mga pasulat at pasalitang simbolo.

Sa mga nabanggit na depinisyon ng wika, mapapansin na taglay ng wika ang iba't ibang katangian na nagpapatingkad dito. Malinaw na ang wika ay pantao na nabuo batay sa lipunang gumagamit nito. Kaya naman hindi maikakailang mababatid ang kasaysayan at kultura ng isang bansa batay sa mga salitang namumutawi sa bibig ng mamamayan nito.

Kalikasan ng Wika

1. Ang wika ay sistema.

Nangangahulugan ito na may sinusundang padron at sistematikong balangkas ang wika sa pamamagitan ng mga tuntuning gramatikal upang bumuo ng makabuluhang mensahe. Sa katunayan, ang bawat wika ay binubuo ng makabuluhang tunog o ponema na kinakatawan ng mga simbolo at letrang bubuo ng pantig, kataga, at maliliit na yunit ng salitang tinatawag na morpema, hanggang sa makabuo ng mga parirala at pangungusap batay sa sinusundang estruktura o sintaks. Gayundin, sistema ang wika sapagkat may palatunugan ito. May iba't ibang tuntunin din sa pagpapantig at paggamit ng mga panlapi para sa pagtukoy ng iba't ibang panahunan ng kilos.

2. Ang wika ay arbitraryo.

Tinatawag na arbitraryo ang wika sapagkat ang mga wikang ginagamit sa isang komunidad ay napagkasunduan ng mga mamamayan na nananahanan dito. Walang batayan o pattern ang pagpapangalan. Halimbawa, ang palay na binayo ay tinatawag na “bigas” ng mga Tagalog at “begas” naman sa Batac, Palawan, at ang salitang “arroz” sa Espanyol ay tinatawag namang “rice” sa wikang Ingles. Gayundin, alam ng mga Ilokano

na kapag sinabing “nuang,” kalabaw ang tinutukoy nito at kaibigan naman ang tinutukoy kung ito ay salitang “gayyem.” Subalit tiyak na magtataka ang isang Tagalog o Ilonggo sa mga salitang nabanggit sapagkat hindi nila ito nauunawaan dahil hindi naman sila bahagi ng nasabing komunidad.

3. Ang wika ay tunog.

Nagsisimula ang wika bilang isang tunog na sa una'y aakalaing walang kahulugan hangga't hindi napagsasama gamit ang mga kasangkapan sa pagsasalita o speech organs. Ayon kay Covar (2005), may palagay ang mga dalubhasa sa wika na may kakayahan ang bibig na bumuo ng 600 iba't ibang tunog. Samantala, nagbabago ang mga tunog batay sa galaw at posisyon ng mga bahagi ng bibig gaya ng dila at panga, ngipin at labi, matigas at malambot na ngalangala. Sa pagsasaalang alang ng tamang pagbigkas at paraan ng pagsasalita, makabuluhang nagagamit ang wika sa pagbuo ng kahulugan at mensahe. Halimbawa, ang mga salitang “PUno” at “puNO", “SAya” at “saYA", at “BAsa” at “baSA” sa Tagalog ay mga salitang tumutukoy sa magkaibang bagay dahil lamang sa magkaibang diin. Kung susuriin, sa pamamagitan ng isang tunog lamang at/o diin sa pagbigkas ng mga ito ay maaaring mabago ang kahulugan. Kaya naman napakahalaga ng wastong pagpapagana ng mga kasangkapan sa pagsasalita at angkop na pagbigkas sa mga tunog upang maihatid ang nais ipakahulugang tiyak na mensahe.

4. Ang wika ay kabuhol ng kultura.

Hindi mapaghihiwalay ang wika at kultura bilang magkaugnay na konseptong kapuwa hinuhubog ang isa't isa. Naisasalin ang mga batayang pangkultura gaya ng tradisyon, paniniwala, at paraan ng pamumuhay ng isang lipunan sa isang partikular na panahon patungo sa isang panahon sa pamamagitan ng wikang nagsisilbing daluyan at salalayan nito. Dahil sa ugnayang wika at kultura, napatitingkad ang katangian ng wika na may sariling kakanyahan batay sa umiiral nitong heograpikal, kultural, sosyal, politikal, at ekonomikong kalagayan at pagkakaiba-iba.

Sa konteksto ng Pilipinas na isang multilingguwal at multi-etnikong bansa, mababakas ang malawakang pagkakaiba-iba sa wika na nagsisilbing daluyan ng sarisaring kultura, gawi, at paniniwala. Halimbawa, may iba't ibang katawagang ginagamitsa tradisyon ng paglilibing sa iba't ibang etnikong komunidad sa bansa gaya ng"bangil” (Benguet), “pompon” (Ilokano), at “lamay” (Tagalog). Hindi rin madaling matumbasan ang mga salitang hindi umiiral sa isang kultura. Sa katunayan, sa bansang Hapon, may iba't ibang katawagan ukol sa pormasyon ng snow at ilan lamang dito ang “aka-yuki” (pulang niyebe), “zarame-yuki” (niyebe na anyong kristal sa panahon ng tagsibol), at “botan-yuki” (snowflakes). Samantala, ilan sa mahigit sa 100 termino para sa niyebe ang ginagamit sa Iceland kabilang ang “hjarn” (matigas na niyebe), “fukt” (kaunting patak ng niyebe), at “hrio” (pagbagsak ng niyebe na may kaunting hangin).

Sa kabilang banda, maraming salitang kaugnay sa mga gawain at produktong agrikultural ang Pilipinas na hindi eksaktong matutumbasan sa wikang dayuhan.

Halimbawa na lamang, ang pagkaing suman ay tinatawag na budbod sa Bisaya at bukod pa ang iba't ibang varayti nito batay sa proseso ng pagkakaluto at sangkap gaya ng suman na binuo, suman sa ibus, suman sa inantala, sumang kamoteng kahoy, suman sa lihiya, at iba pa. Gayundin, may mga salitang nahubog ng ating sariling pambansang sensibilidad at karanasan gaya ng “tampo,” “kilig,” “usog,""dalamhati,” “balis,” at iba pang salitang may kultural na gamit at halaga na nagpapatingkad sa kakanyahan ng wikang Filipino.

5. Ang wika ay nagbabago at dinamiko.

Ang wika ay nagbabago at yumayabong kaalinsabay ng panahon. Patunay rito ang pagbabago ng wika dahil sa modernisasyon, kabilang na ang pagsulong ng teknolohiya at impluwensiya ng iba't ibang plataporma ng media. Halimbawa, bawat panahon ay may nauusong kalakaran sa paggamit ng wika. Nauso ang slang at pagbabaligtad ng mga salita noong dekada '70 gaya ng “tsikot” (kotse), “lispu” (pulis), “tomguts” (gutom), at “olats” (talo). Iniluwal naman ang mga koda ng pagpapaikli sa pagsulpot ng Internet at cellular phone gaya ng “LOL” (laugh out loud), “ikr” (I know right), “brb” (be right back), “gtg” (got to go), “NR” (no response), “AKA” (also known as), “AML” (all my love), at “BBL” (be back later).

Samantala, nagbabago rin ang kahulugan ng salita kahit hindi magbago ang estruktura nito gaya ng mga salitang “bomba” na nagkaroon ng iba't ibang pagpapakahulugan sa bawat panahon. Mula sa (1) bagay na sumasabog tungo sa (2) paglalarawan sa pelikulang hubad, (3) tsismis tungkol sa artista at politiko, hanggang sa (4) pamalit sa tawag ng “poso” na may akto ng pagbomba ng tubig. Gayundin, may nalilikhang mga bagong salita at kalakarang pinauuso sa subculture ng mga bakla at milenyal gaya ng “pak ganern,” “sel e,” “charot,” at iba pa. 6. Ang wika ay makapangyarihan. May kakayahan ang wika na makaimpluwensiya at kontrolin ang pagiisip at pagkilos ng isang tao sa iba't ibang sitwasyon. Halimbawa, ginagamit ang wika sa mga patalastas upang mahikayat na bilhin at tangkilikin ang mga produkto. Upang mangyari ito ay gumagamit ng iba't ibang tagline o mga linyang tatatak sa isip ng mga mamimili at makuha ang kanilang atensiyon. Sa kabilang banda, ayon kay Dr. Jovy Peregrino (2001), maaari ding makita ang gamit ng wika bilang instrumento ng kontrol at kapangyarihan sa pamamagitan ng tinatawag na malalaswa at negatibong salita. Halimbawa, maaaring lumikha ng tunggalian o makasakit ng damdamin ang mga salitang “batugan ka” at “hampaslupa” sa isang taong sasabihan mo nito. Samakatwid, nagagamit ang wika upang wasakin ang pagkatao ng indibidwal o ng isang samahan sa pamamagitan ng paggamit ng mga negatibong salita laban dito. Binanggit pa ni Peregrino (2001) na nakakakontrol din ang wika sa paggamit ng mga ekspresyon. Patunay rito ang kakayahan ng sanggol na makuha ang atensiyon ng mga magulang o tagapag-alaga sa pamamagitan ng iba't ibang ekspresyong nililikha niya gaya ng pag-iyak, pagsimangot, pagtawa, at pagngiti.

Samantala, para naman kay Randolf David (2003), ang wika ay nagsisilbing instrumento ng pagkontrol ng mga makapangyarihan, at instrumento naman ng pakikibagay, pag-iwas, o pagtutol sa parte ng mga biktima ng kapangyarihan. Sa

katunayan, sa maraming pagkakataon, nagagamit ang wika sa iba't ibang uri ng manipulasyon upang magsilbi sa interes ng gumagamit nito. Halimbawa, ang konstrak ng mga patalastas ng gobyerno at pampublikong babala ay mga manipestasyon ng kapangyarihan ng wika.

Kahalagahan ng Wika

Wika at Komunikasyon.

Hindi maikakailang malaki ang gampanin ng wika sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga tao sa isang komunidad. Sa katunayan, ito ang nagsisilbing instrumento upang maiparating ng bawat isa ang kaniyang saloobin at opinyon. Dahil sa wika, nagagawa ng isang tao na makipagpalitan ng kuro-kuro, makipagdebate, makaimpluwensiya, at makabuo ng relasyon. Bukod pa rito, nagsisilbi itong daluyan ng ugnayang pantao at makapangyarihang instrumento sa pagbuo ng mga ideya, polisiya, ordinansa, batas, at tuntunin na nagsisilbing instrumento ng komunikasyong pampubliko. Marahil, kung walang wika (berbal man o di berbal) na nalikha ang mga tao, tiyak na walang komunikasyong magaganap sa pagitan ng mga mamamayan ng isang komunidad.

Wika at Pag-unlad.

saaSa pamamagitan ng wika, umuunlad ang pamumuhay ng mga tao at ng sistemang panlipunan. Patunay nito ang iba't ibang sistema ng pagsulat ng mga umusbong na sibilisasyon sa mundo na kapuwa nagsilbing instrumento ng pag-unlad noong sinaunang panahon. Nariyan ang cuneiform ng kabihasnang Sumer ng Mesopotamia at oracle script ng kabihasnang Shang ng Tsina. Sa katunayan, sinasabing ang cuneiform ang nagbigay-daan upang maitala ang mahahalagang pangyayaring naganap sa Mesopotamia. Naitala ang mahahalagang batas, epiko, dasal, at maging kontrata sa negosyo. Ginagamit ng mga lider sa Tsina ang oracle script upang magsilbing gabay sa pamumuno tungo sa pagpapaunlad ng komunidad. Ipinapalagay naman ng mga eksperto na nakatulong nang lubos ang Indus script na paunlarin ang pakikipagkalakalan ng mga Indian (Zafra, 2014).

Samantala, ginamit naman ng mga sinaunang Pilipino ang baybayin bilang instrumento sa pakikipagkomunikasyon at pamamaraan ng pagpapaunlad ng panitikan atbatas noong sinaunang panahon. Sa kasalukuyan, wika ang pangunahing instrumento ng mga mamamayan upang makibahagi sa iba't ibang diskursong panlipunan na ang tanging layunin ay makatulong sa pagpapaunlad ng lipunan gaya ng pagbabago ng polisiya at pagbuo ng mga programa. Ang mga ito ay maisasagawa rin sa pamamagitan ng mga social networking sites na nalikha.

Wika, Kapayapaan, at Pagkakaisa.

Batayang papel din ng wika ang pagkaisahin ang mga tao sa isang pamayanan tungo sa kolektibong tunguhin na mapabuti ang kanilang kalagayan at kapaligirang walang katapusang nagbabago. Ginamit ang wika upang pakilusin ang mga mamamayan at magkaisa para magtagumpay. Sa katunayan, sa isang pamayanan, wika ang ginagamit ng mga lider upang pagkaisahin ang kanilang nasasakupan. Gayundin, wika ang ginagamit ng pangulo ng bansa upang pagbuklurin ang kaniyang mga mamamayan. Sa pamamagitan ng wika, natatamo ang kapayapaan at pagkakaisa. At magaganap lamang ito kung ang bawat indibidwal ay magiging wika ng kapayapaan at pagkakaisa at isusulong ang kooperasyon kaysa kompetisyon. Ang mga salita at pahayag gaya ng “Magkaisa tayo,""Magtulungan tayo,""kapanalig,""kapamilya,” “kapuso,” at “kapatid” ay kapwa maituturing bilang wika ng kapayapaan at pagkakaisa sapagkat ang mga salitang ito ay positibo ang epekto sa isang indibidwal. Sa kabilang banda, dapat iwasan ang magbitiw ng mga salitang tiyak na makasisira at makapagwawasak ng relasyon ng bawat isa gaya ng mga pahayag na “wala kang kuwenta,” “inutil,” “pabaya,” at “walang silbi.” Samantala, maipakikita naman ang ugnayan ng wika at kapayapaan sa anyong berbal sa pamamagitan ng “pakikipagkamay,” “pagngiti,""pagyakap,” at “pagtapik sa balikat.”

Wika, Kultura, at Kasaysayan.

Ang wika ay salamin ng kasaysayan ng isang lipunan. Sa katunayan, kung nais mong tuklasin ang kultura at kasaysayan ng isang bansa, mahalagang pag-aralan ang wikang nananahan dito. Sa pamamagitan nito ay malalaman ang iba't ibang pangyayaring naganap sa nasabing bayan. Halimbawa, hindi maikakailang ang Pilipinas ay dumaan sa kamay ng mga mananakop dahil sa wikang nabubuhay sa kasalukuyang lipunang Pilipino. Maraming bokabularyo mula sa wikang Espanyol, Ingles, at Hapon ang makikita sa wikang Filipino. Samantala, malalaman ang uri ng pamumuhay mayroon ang pamayanan sa uri ng mga salitang ginagamit dito. Halimbawa, maraming bokabularyo sa pangingisda ang makikita sa isang komunidad na napaliligiran ng tubig; o mayaman naman sa salita tungkol sa pagsasaka ang isang komunidad na may malawak na lupaing taniman. Sa kabuuan, makikita na ang wika ay susi ng komunikasyon, ugnayan, at pag-unlad ng isang lipunan, instrumento ng pagkakaisa, at salamin ng kultura at kasaysayan.

Mga Konseptong Pangwika

Wikang Pambansa

Tinutukoy ng wikang pambansa ang wikang sumisimbolo sa pambansang pagkakakilanlan o identidad ng isang lipunan na nakaugat sa kulturang nananahan dito.

Ito ang nagsisilbing puwersa upang matamo ang pambansang pagkakaisa lalo na sa isang bansang multilingguwal at multi-etniko gaya ng ating bansa. Sa kaso ng Pilipinas, de jure ang pambansang wika. Ibig sabihin, ito ay may legal na batayan. Patunay rito ang isinasaad sa 1987 Saligang Batas ng Pilipinas:

SEKSIYON 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Sa kasaysayan, ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), kalimitang pinipiling wikang pambansa ang sinasalita ng nakararami na nagsisilbi ring wika ng kalakalan, edukasyon, at gobyerno.

Batay sa mga eksperto, mahalaga ang pagkakaroon ng wikang pambansa sapagkat ito ang magsisilbing ambag ng isang bansa sa mundo lalo na sa panahon ng globalisasyon at internasyonalisasyon. Ito ang wikang ibabahagi ng bansa sa mga mamamayan ng mundo. Gayundin, mahalaga ang wikang pambansa sapagkat ito ang wikang may kakayahang pagbigkisin ang mga mamamayan at magsilbing instrumento upang pagusapan ang iba't ibang pambansang isyu.

Wikang Panturo

Kung ang wikang pambansa ay sangkap sa pambansang pagkakaisa at pag-unlad, mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng wikang panturo bilang sangkap sa pagtatamo ng mga tunguhing ito. Sa paliwanag ng KWF, ang wikang panturo ay ang opisyal na wikang ginagamit sa pormal na edukasyon. Ito ang wikang itinadhana ng batas upang gamiting midyum o instrumento sa paghahatid ng mga impormasyon at kaalaman sa mga mag-aaral mula sa iba't ibang antas. Sa perspektibang legal, ang paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng edukasyon ay isinasaad sa Artikulo XIV ng Konstitusyong 1987:

SEKSIYON 7: Ukol sa layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga't walang ibang i natadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon.

Dahil sa mandatong ito, nabigyang proteksiyon ang wikang Filipino upang maging midyum sa pagtuturo ng iba't ibang asignaturang huhubog sa pagkatao ng mga mag-aaral.

Patunay rin ito na kinikilala ng Konstitusyong 1987 ang kakayahan ng wikang Filipino namagamit sa seryosong pakikipagtalakayan at midyum sa pagtuturo ng mga teknikal na asignatura gaya ng Kemistri, Inhenyeriya, at Akawntansi. Taliwas ito sa sinasabi ng ibang laban sa Filipino na ito ay wikang hindi intelektuwal kaya hindi magagamit sa teknikal na larangan at mataas na antas ng diskurso. Patunay rito ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng Kemistri ni Dr. Fortunato Sevilla at pagtuturo ng Akawntansi ni Prop. James Christopher Domingo, na kapuwa propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas (Fajilan at Zafra, 2015). Sa kabuuan, naniniwala ang mga eksperto at nagtataguyod sa paggamit ng wikang Filipino at wikang rehiyonal bilang wikang panturo na kailangang gamitin ang mga ito sapagkat marami nang pag-aaral na nagpapatunay na mas mabilis matuto ang mga mag aaral kung ang wikang ginagamit sa paaralan ay wikang malapit sa kanila. Bukod sa natututo na sila ay napalalapit pa silang lalo sa kanilang kultura at bansa.

Wikang Opisyal

Kung ang wikang panturo ang nagtitiyak sa mahalagang papel ng wika sa larangan ng edukasyon, ang wikang opisyal naman ay kaugnay sa paggamit ng wika sa mga talastasan sa mga sangay o ahensiya ng gobyerno. Ayon sa pagpapakahulugan ng KWF sa kanilang inilabas na gabay, ang wikang opisyal ay tumutukoy sa wikang itinatadhana ng batas sa opisyal na komunikasyon, lalo sa anyong nakasulat, sa loob at labas ng alinmang ahensiya o sangay ng gobyerno.

Sa kasaysayan, unang itinadhana ang wikang pambansa na batay sa Tagalog (ngayon ay Filipino) bilang wikang opisyal sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 570, s. 1940 na nagtatakda sa paggamit ng wikang pambansa sa mga opisina ng pamahalaan simula Hulyo 4, 1946. Sa panahon naman ng panunungkulan ni Ferdinand E. Marcos, nilagdaan ang mga kautusan at memorandum upang palakasin ang “P(F)ilipino” bilang wikang opisyal:

1. Ang pagsasa-Pilipino ng mga edipisyo, gusali at opisina ng gobyerno alinsunod sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96, Oktubre 24, 1967.

2. Mahigpit na pagsunod sa inilabas na KT Blg. 96, paggamit ng Pilipino sa mga opisyal na letterhead at Panunumpa sa katungkulan sa lahat ng opisina ng gobyerno batay sa atas ng Memorandum Sirkular/MS Blg. 172 noong Marso 27, 1968.

3. Iniaatas naman ng MS Blg. 199, Agosto 5, 1968 ang paglahok ng mga empleyado ng gobyerno sa mga seminar sa Pilipino at pagtangkilik sa mga gawain ng Surian ng Wikang Pambansa; inuutos naman ng MS Blg. 72 noong Agosto 6, 1969 na gamitin ang Pilipino sa mga komunikasyon at korespondensiya hangga't maaari sa kagawaran, kawanihan, at tanggapan.

4. Pagtatalaga ng mga tauhang mangangasiwa ng mga korespondensiya opisyal sa Pilipino alinsunod sa MS Blg. 384 noong Agosto 17, 1970.

Mahalagang ambag naman sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino ang paglagda sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 noong Agosto 25, 1988 na nag-aatas sa mga

kagawaran, kawanihan, tanggapan, ahensiya, at instrumentaliti ng pamahalaan na magsasagawa ng mga hakbang na kailangan para sa layuning magamit ang Filipino sa opisyal na mga transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya.

Kung susuriin, maraming pagsisikhay ang mga nakaraang administrasyon sa pagsusulong na magamit ang wikang Filipino sa komunikasyon at transaksiyon sa pamahalaan. Maipagpapatuloy lamang ang mga simulaing ito kung may pampolitikang paninindigan ang mga lider ng bayan gamit ang isang wikang opisyal na magsasangkot sa mga mamamayan sa demokratikong pagpapatakbo sa bansa.

Bilingguwalismo at Edukasyong Bilingguwal

Bilingguwal ang indibidwal na may kakayahang gamitin ang dalawang wika nang may kahusayan. Sa kasalukuyang panahon, maituturing na karamihan sa mga Pilipino ay bilingguwal sapagkat ang mga Pilipino bukod sa wikang Filipino ay marunong ding magsalita ng wikang Ingles ang nakararami lalo na ang mga nakapag-aral. Samantala, maituturing ding bilingguwal ang mga Pilipinong marunong magsalita ng kanilang katutubong wika gaya ng Ilokano, Chavacano, Hiligaynon, Cebuano, at iba pa gayundin ng Filipino.

Sa konteksto ng edukasyon sa bansa, ang patakaran ng edukasyong bilingguwal ay ipinatupad noong 1974 sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran ng Departamento ng Edukasyon, Kultura at Isports (DECS) Blg. 25, s. 1974. Ayon kay Espiritu (2005), ang pagpapatupad ng nasabing patakaran ay pagsunod sa probisyong pangwika ng Konstitusyong 1973 at ng deklarasyon ng National Board of Education sa pamamagitan ng NBE Resolution 73-7 s. 1973. Sa inilabas na resolusyon, ipinaliliwanag ang operasyonal na kahulugan ng Bilingual Education Policy (BEP) tungo sa mabisang implementasyon nito:

1. Tumutukoy ang edukasyong bilingguwal sa magkahiwalay na gamit ng Pilipino (malaon ay Filipino dahil sa Konstitusyong 1987) at Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga tiyak na asignatura. Pilipino ang gagamitin sa pagtuturo ng Araling Panlipunan, Musika at Sining, Edukasyong Pantahanan, Edukasyon sa Pagpapakatao, Edukasyong Pangkalusugan, Physical Education at Practical Arts, at Ingles naman sa Siyensiya, Matematika, at Teknolohiya;

2. Pilipino at Ingles bilang mga wikang panturo ay sisimulan sa unang baitang;

3. Ang mga bernakular na wika naman ay binibigyan ng tungkulin na pantulong na wikang panturo sa una at ikalawang baitang; at

4. Ituturo ang Pilipino at Ingles bilang asignatura sa mga paaralang primarya at sekondarya

Dahil hindi masyadong nabigyang-pansin ang implementasyon sa programang bilingguwal sa antas tersiyarya, nagpalabas ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 50, s. 1975

na nagtatakda ng pagtuturo ng Ingles at Pilipino bilang bahagi ng kurikulum sa mga institusyong tersiyarya.

Nirebisa ang Patakarang Bilingguwal matapos pagtibayin ang Konstitusyong 1987. Muling idiniin ang Filipino at Ingles bilang mga wikang panturo sa alokasyon ng mga asignatura alinsunod sa DECS Blg. 25, s. 1974 at pananatili sa dalawang wika bilang asignatura upang matamo ang kakayahang bilingguwal. Sa inilabas na Kautusang Pangkagawaran Blg. 52, s. 1987, idinagdag ang probisyon ng “pagpapanatili sa Ingles bilang internasyonal na wika ngunit hindi esklusibong wika sa larangan ng Agham at Teknolohiya.”

Sa antas tersiyarya, inilabas ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (Commission on Higher Education o CHED) noong 1996 ang Kautusang Memorandum Blg. 59 na may pamagat na Binagong Kurikulum sa Pangkalahatang Edukasyon na sinimulang ipatupad noong 1997-1998 at nagpalakas sa Filipino at Ingles bilang mga asignatura na sumusuhay sa adhikaing kapuwa mapalakas ang dalawang wika sa iba't ibang programang di gradwado.

Multilingguwalismo at Multilingguwal na Edukasyon

Multilingguwal ang isang indibidwal na may kakayahang gumamit ng higit sa dalawang wika, katutubo man o dayuhan. Ayon naman sa European Commission (2007), ang multilinggulismo ay tumutukoy sa kakayahan ng lipunan o indibidwal na makapagsalita at makaunawa ng higit sa dalawang wika sa pang-araw-araw na pamumuhay. Sa pag- aaral, ang isang lipunan o indibidwal ay nagiging multilingguwal dahil sa: (1) aspektong politikal at pananakop, (2) ekonomiya at migrasyon, (3) modernisasyon, at (4) edukasyon. Halimbawa, sa Pilipinas, upang makasabay ang mga Pilipinong mag-aaral sa globalisasyon at internasyonalisasyon, itinuturo ang mga wikang banyaga gaya ng Ingles, Mandarin, Pranses, at Espanyol sa antas kolehiyo lalo na sa mga kumukuha ng International Studies, Asian Studies, American Studies, Marine Transportation, Hotel and Restaurant Management, at Tourism Management bilang paghahanda sa kanilang magiging trabaho sa hinaharap. Gayundin, dahil sa kahirapang nararanasan ng mga Pilipino, maraming nagtutungo sa ibang bansa upang magtrabaho at kumita ng malaki. Sa kanilang pananatili roon, natututuhan na nilang magsalita ng wika ng kanilang bansang dinayo.

Sa pagsasaliksik nina Catacataca at Espiritu (2005), ipinapalagay na may pagtatangkang unang ilatag ang patakarang multilingguwal sa larangan ng edukasyon noong 1957 nang ipasiya ng Board of National Education na ang midyum ng pagtuturo sa unang dalawang taon sa elementarya ay lokal na bernakular at Pilipino. Sa binalangkas na patakaran, ituturo nang impormal simula sa unang baitang at pagtutuunan ng higit sa mataas na baitang ang lokal na bernakular at ang wikang Pilipino. Ituturo naman ang Ingles bilang asignatura sa una at ikalawang baitang at gagamiting midyum ng pagtuturo sa ikatlong baitang. Ngunit, inulan ng batikos at hindi naging mabisa ang panukalang patakarang pangwikang ito.

Muling binuhay naman ang ideya ng pagpapalakas sa kakayahang multilingguwal ng mga Pilipinong mag-aaral sa implementasyon ng programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa atas ng Department Order 16, s. 2012. Itinala ni Constantino (2014), na inisyal na 12 wika ang piniling gamitin sa rehiyon bilang asignatura at wikang panturo sa taong panuruan 2012-2013. Nadagdagan pa ito ng pitong wika alinsunod sa DepEd Order 28, s. 2013 at naging 19 sa kabuuan:

Inisyal na Siyam na Lingua Franca

• Bicol

• Hiligaynon

• Ilocano

• Kapampangan

• Pangasinan

• Cebuano

• Tagalog

• Tausug

• Waray (Samar-Leyte)

Idinagdag na Tatlong Lingua Franca sa Mindanao

• Chavacano

• Maguindanao

• Maranao/Mëranaw

Pito pang Idinagdag na Lingua Franca

• Aklanon

• IbanagIvatan

• Kinaray-a

• Sambal

• Surigaonon

• Yakan

Dahil dito, naging dagdag na wikang panturo sa antas ng Kto3 ang nabanggit na mga wikang katutubo. Batayang prinsipyo ng programa ang paggamit ng unang wika ng mag aaral sa pagkatuto ng mga asignatura mula baitang 1 hanggang 3. Matapos ang unang tatlong baitang, ituturo na sa mga mag-aaral ang Filipino at Ingles na magsisilbing midyum ng pagkatuto.

Sa konteksto ng MTB-MLE, isinusulong ng UNESCO ang mahalagang interaksiyon ng mga lingguwistiko at kultural na pagkakaiba-iba tungo sa pagkakapantay-pantay ng mga kultura at wika, gayundin, ang pagkakaroon ng pantay na oportunidad sa pagtatamo ng de-kalidad na edukasyon ng lahat ng uri ng mag-aaral.

Diyalekto, Idyolek, at Sosyolek

Diyalekto ang tawag sa anyo ng wikang nabubuo dahil sa heograpikong katangian nito. Ayon kina Geronimo, Petras, at Taylan (2016), ang diyalekto ay varayti ng isang wika at hindi hiwalay sa wika. Sa diyalekto, bagama't nagkakaiba ang wika sa punto, bokabularyo, at sintaks ay ganap pa ring mauunawaan ang mensahe ng kausap dahil sa pagiging mutually intelligible nito. Halimbawa, bagama't mapapansin na may pagkakaiba sa bokabularyo at pagbigkas ng isang taga-Batangas at ng taga-Quezon ay nauunawaan pa rin nila ang isa't isa sapagkat nakaugat sila sa iisang wika, ang wikang Tagalog. Samakatwid, ang diyalekto ay nakapaloob sa wika. Kaugnay nito, narito ang ilang halimbawa ng diyalekto:

Tagalog Tagalog - Rizal Tagalog – Mindoro Tagalog - Cavite

Bikolano Bikolano –

Camarines Sur Bikolano – Albay Bikolano –

Camarines Sur Ilokano Ilokano – Ilocos Sur Ilokano - Tarlac Ilocano – Ilocos Norte

Idyolek naman ang anyo ng wika batay sa indibidwal na paraan ng paggamit ng wika ng isang tao kabilang na ang pamamaraan ng pananalita nito. Samakatwid, ito ay wika na personal sa nagsasalita. Ayon kay Ocampo (2002), ang kalidad ng boses at katayuang pisikal ang mga salik upang makalikha ng idyolek ng isang indibidwal. Halimbawa, makikilala ang isang tao batay sa kaniyang mga manerismo sa pagsasalita. Produkto naman ng dimensiyong sosyal ang paglitaw ng sosyolek. Binanggit din ni Ocampo (2002), ito ang baryasyon ng wikang ginagamit sa speech communities sangayon sa uri, edukasyon, trabaho, edad, at iba pang panlipunang sukatan. Samakatwid, magkakatulad ang wika ng tao batay sa antas ng kanilang pamumuhay, interes, hilig, at kasarian. Halimbawa, mahuhulaan mo ang edad ng isang tao batay sa pagpili ng mga salitang ginagamit niya sa talastasan. Patunay rito ang salitang “G” (game), “YOLO"(You Only Live Once),"at “bes"(kaibigan) na kalimitang maririnig sa kabataan subalit bihirang marinig sa matatanda. Makikilala mo rin ang antas ng pamumuhay at uri ng edukasyon batay sa paraan ng pakikitungo at pagsasalita. Halimbawa nito ang mga salitang nakabatay sa propesyong kinabibilangan ng isang indibidwal o kinahihiligang sports. Sa isang indibidwal na mahilig sa bilyar, madalas marinig ang mga salitang “tako,” “tisa,” “bridge,” “stick,” at “rack.” Samantala, mabilis namang maunawaan ng mga taong kabilang sa larangan ng medisina ang mga salitang gaya ng “aneurysm,” “antivert,” “BP,” “bronchoscopy,” “calyx,” “demerol,” “endoscope,” at “hyperglycemia.”

Unang Wika at Pangalawang Wika

Tumutukoy ang unang wika sa unang wikang natutuhan, sinalita, at kinamulatan ng isang indibidwal simula sa pagsilang. Habang lumalaki, nakikilala ng isang indibidwal ang sariling pangkultura at panlipunang realidad ng kaniyang unang wika at magsisilbing katutubo rin sa kaniya. Maaaring ito ay wikang katutubo sa lipunan niya o wikang banyaga na nananahan sa kaniyang tahanan. Samantala, ang anumang wika na matutuhan ng isang indibidwal matapos matutuhan at makapagsalita ng unang wika ay tinatawag na pangalawang wika. Maaari itong isa pang wikang katutubo sa nasabing komunidad, wikang pambansa, o wikang dayuhan. Sa pag-aaral, ang pagkatuto ng pangalawang wika ay produkto ng pakikisalamuha ng isang indibidwal sa isang tao na ang wika ay kaiba sa kaniyang kinagisnan. Maaari ding bunga ito ng edukasyong natamo niya sa paaralan o maging impluwensiya ng telebisyon at iba pang uri ng media.

Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
Aralin 1 Konseptong Pangwika by PAA, JOHN DAVID Q. - Issuu