ISSUE 4 JULY 2019 EDITORYAL
HINDI DIYOS ANG PANGULO Maikli ang tatlong taon para isakatuparan ang pinangakong pagbabago ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pero sa tikas at bigkas niya sa mga pangakong ito, napaniwala niya ang milyong Pilipino na ‘Change is Coming.’ Marami ang nanalig sa kanyang mga salita, lalo na ang mga nasa laylayan na hangad makaahon sa kahirapan. Halos sumamba pa ang iba dahil mistulang si Duterte ang tagapaghatid ng ginhawa sa desperadong sambayanan. Tila siya ang magliligtas sa ating pagkakalugmok. At tila kaya niya itong gawin lahat sa isang iglap. Ngunit hindi dapat minamadali ang pangmatagalang pagbabago. Sa mabilis na paglipas ng tatlong taon sa ilalim ng kanyang pamamalakad, napatunayan niyang hindi naman nakamit ang kanyang pangako. Noong Hulyo 22, humarap si Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) para iulat ang akala niyang tagumpay ng kanyang Administrasyon. Pinagtanggol niya ang sarili laban sa mga batikos na siya ay maka-Tsina. Muli niyang minaliit ang turing at tingin sa kababaihan. Nagbanta rin siya sa mga kritiko at nagbitaw ng mga bastos na salita. Nanindigan siya sa marahas at madugong solusyon para lutasin ang korapsyon at droga sa bayan. Sa madaling salita, para sa pangulo, karahasan ang mabilisang solusyon para makamit ang pinangakong pagbabago. Ang shortcut-- pagkitil sa buhay. Ito ang pinakamasalimuot na kalagayan ng ating bayan. Inuutos na ng pangulo ang pagpatay, na parang ito lamang ang kayang lumutas sa problema ng bansa. Sa kabuuan ng lahat, ang mga mahihirap ang tunay na apektado sa problematikong pamamalakad na ito. Lalong sinasadlak ang mahihirap sa posisyong wala silang kalaban-laban. Pero hindi Diyos ang pangulo para hawakan ang
buhay ng tao at idikta na kitilin ito. Ginagamit lamang ng pangulo ang kanyang tikas at yabang para pumanig sa kanya ang mamamayan. Kaya marami pa rin ang tumatanggi nalang sa katotohanan. Ang ilan pa ay nagbubulag- bulagan at patuloy na sinasamba ang pangulo. Uulitin ko, hindi Diyos ang pangulo. Hindi rin siya superhero. Ang pangulo ay makapangyarihan lamang dahil siya ang tinuturing na pinuno ng ating bayan. Bilang isang pinuno, dapat nga ay taglay niya ang dalisay na malasakit sa mamamayan lalo na sa mga walang boses sa lipunan. Kung susuriin ang tunay na kalagayan ng bayan, wala namang mahirap na guminhawa sa ilalim ng kanyang pamamalakad. Miski ikaw, hindi mo rin masasabing mas bumuti ang lagay ng iyong pamumuhay. Balewala ang mga marubdob na talumpati kung hindi
naman ito naisasakatuparan sa ngalan ng serbisyo publiko. Hindi dapat sambahin ang pangulo. Hindi ito sukatan nang pagiging mabuting mamamayan. Kailangan nating maging kritikal lalo pa dahil nasa ilalim tayo ng demokratikong lipunan. Kailangang matuto tayong maningil ng mga karapatang pinagkakait o nilalabag sa atin. Kailangang panagutin natin ang pangulo sa kanyang pagkukulang at kamalian. Singilin natin ang pangulo sa mga pangako niya. Huwag na tayong mabilib sa mga padalos-dalos at mapusok na paraan para makamit ang mabuting
pagbabago. At lalong huwag tayong maghintay na ihahatid lamang ito sa atin ng isang pinuno. Dapat maging mapagmatyag at simulang kumilos. Simulan natin ang pagbabago ng ating pagtingin. At higit sa lahat, tumindig para sa moralidad at dignidad ng bawat buhay. Tatlong taon na. Tatlong taon na lamang.