ISSUE 3 JUNE 2019 EDITORYAL
SA MANLULUPIG, 'DI KA PASISIIL ISANG DAAN AT DALAWAMPU’T ISANG taon na ang nakalipas mula nang una nating ipinagdiwang ang kalayaan ng ating bansa. Ang araw ng kalayaan ang naging susi sa pagbubuo ng isang malayang bayan. Sa araw na ito, buhay ang pagpupunyagi sa bawat dibdib ng Pilipino. Hitik ang ating kasaysayan sa mga naratibo ng pakikipaglaban sa mga mananakop. Bago pa natin angkinin ang sariling bayan, ilang dekada tayong napasailalim sa mga Kastila, Amerikano, at mga Hapones, kung kailan sinapit ng ating bayan ang ilan
sa masalimuot na karanasan. Ilang ulit naghimagsik ang ating mga bayani bago tuluyang nalupig ang mga mananakop. Sa huli, nakamit rin ang paglayang minamahal. Pero hindi pa natapos ang laban. Sa ilalim naman ng diktadura ni Ferdinand Marcos, kinitil muli ang ating kalayaan. Nalugmok ang ating bayan sa malupit at mapaniil na kamay ni Marcos matapos niyang ideklara ang Batas Militar o Martial Law. Pero, nagkaisa ang mga Pilipino para sugpuin ang Administrasyon at nakamit ang demokrasyang inagaw nang ilang dekada. Ang mga ito at higit pa ang siyang magpapatotoo na hindi tayo nagpapatinag sa mga manlulupig kahit noon pa man. Sa pag-aaral ni Teresita Gimenez-
Maceda, isang tagasaliksik, ang tunay na kalayaan ng bayan ay maiuugat sa kaginhawaan ng mga mamamayan nito. Kung gayon, ganap na bang malaya ang ating bayan? Tiyak lang ang ating ginhawa at kalayaan kung nabubuhay ang bawat Pilipino nang may dignidad. Ito ay mangyayari lamang kung natatamasa ng bawat isa ang kanyang karapatan. Maisasakatuparan lang ito kung walang nananamantala at pinagsasamantalahan. Marami man ang nakararamdam ng ginhawa, ngunit mas marami pa rin ang nasa tanikala ng pagkalupig at kahirapan. Karamihan sa kanila ay biktima ng iba’t-ibang uri ng karahasan, gera, pang-aabuso, mga manggawang nakapiit sa hindi makatarungang kontrata, mga pamilyang naulila dahil sa extrajudicial killings, mga magsasaka
at mangingisdang hikahos sa buhay, mga OFWs na nakikipagsapalaran para lang buhayin ang pamilya at marami pang iba. Kamakailan lang ay ipinakita ng pamahalaan na hindi niya kayang ipagtanggol ang mga mangingisda na inabuso ng mga Chinese fishermen. Patuloy pa rin ang pag-agaw ng gobyerno ng Tsina sa mga teritoryo ng ating bansa. Panahon na para tulungan nating kalasin ang tanikala. Kailangan nating igpawan at umalpas sa mga tanikalang nagiging dahilan kung bakit hindi tayo ganap na malaya. Malapit na ang ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 22. Kailangan nating makita ang tunay na kalagayan ng ating bansa hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibilang ng naisakatuparang plano ng administrasyon, pero lalo na dapat nating matiyagan ang mga pangakong napako. Iisa lang dapat ang mukha ng kalayaan. Wala dapat itong pinipiling antas at hindi dapat maging pribilehiyo sa piling iilan. Lahat ay kasama, walang maiiwan. Katulad kung paano nakidigma ang ating mga bayani, dapat din tayong makidigma para iangat at isulong ang mas maginhawang buhay para sa bawat isang Pilipino. Saksi ang ating kasaysayan sa kapangyarihan ng ating pagkakaisa. Ang Araw ng Kalayaan ang ating matibay na paalala sa ating kasarinlan. Nararapat lang na itaguyod ito at ipaglaban sa sinumang kumikitil o nagtatangkang kumitil sa anumang panahon. Tuloy lang ang laban para sa kalayaan. Noon at ngayon, hindi tayo pasisiil sa manlulupig.