Dignidad Issue 2 Election Edition

Page 1

ISSUE 2 ELECTION EDITION APRIL - MAY 2019

EDITORYAL

HATOL SA BALOTA: SA NGALAN NG BAYAN PAPALAPIT NA ANG ARAW NG HALALAN. Sa Mayo 13, nakapusta sa hatol sa balota ang ating magiging kinabukasan. Mahaba na ang kasaysayan ng pag-boto sa ating bansa. Ang panahon ng halalan ay tinuturing na ring ritwal ng demokrasyang panlipunan na tinatamasa nating mga Pilipino. Iba’tibang pakulo ang nakasanayang paraan ng mga kandidato para ipalaganap ang kanilang mga pangako. Ito na rin ang nakasanayang paniwalaan natin. Ngunit, pagkatapos ng halalan, lagi pa rin tayong bigo sa resulta ng boto. Sa pagkaluklok nila sa pwesto, burado at limot na ang mga mayayabang na pangako sa entablado ng kampanya. Hindi pala totoo ang pinangakong pagbabago.

Isang siklo muli ng pangako at pagkabigo. Wala nang iba pang mas dehado sa ganitong mapanlinlang at mapang-aping siklo kundi ang mga nasa laylayan ng ating bayan. Kaya naman, karamihan sa mga mamamayan ay nawalan na ng tiwala at kumpyansa sa halaga at dulot ng eleksyon. Pero kung malulugmok tayo at magpapadaig, mas lalong magiging suntok sa buwan ang ginhawa na pangarap natin. Isa pa ulit na pagkakataon ang hatid ng eleksyon. Isa pang pag-asa ulit na huwag na nating sayangin. Simulan sa tamang pagpili ng pinuno. Kaharap natin ang tunay na hamon na makaalpas sa bulok na siklo nang huwad na pangangampanya at tumungo na

sa mas matalinong pagboto para sa kinabukasan ng ating bayan. Ayon sa Commission on Elections o COMELEC, tinatayang nasa 60 milyong Pilipino ang boboto ngayong Midterm elections. Pipili ang sambayanan ng gagawa ng mga batas at tunay na reporma sa bayan. Isang malaking oportunidad ang halalang ito para suriin at husgahan ang mga pinuno natin. Panahon na para maningil ng dapat para sa mga mamamayan. Sa halalang ito, kinukumpronta tayo ng isang malaking patlang, sagot na sino ang dapat iboto. Ano ba ang tamang boto? Sino ang dapat maluklok sa pwesto? Maging kritikal sa pagpili sa susunod nating mga pinuno. Tinatalakay sa pahinang nakapaloob ang iba’t ibang isyung apektado ang milyong Pilipino. Ngayong halalan, lawakan ang pagtingin sa mga isyung kinakaharap natin at suriin

ang mga nilatag na plano ng mga kandidato patungkol sa mga isyung ito. Matuto na tayo at huwag na nating bigyang pagkakataong mamuno ang pulitikong sikat lamang sa pangalan pero isang magnanakaw at taksil sa mamamayan. Huwag na iboto ang makasarili at mapang-abuso sa kapangyarihan at yaman. Ang mamamayan ang tunay na may hawak ng kapangyarihan sa pagreporma ng ating bansa, sa pamamagitan ng tamang pagboto. Makakaalpas lamang tayo sa tanikala ng kahirapan, kung iboboto natin ang pinunong dapat Tayo ang tunay na lakas ng bayan. Tayo ang magdidikta ng mas maaliwalas na direksyon para sa ating bayan. Tayo ang magbubuo ng bagong pag-asa.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.