lang ang mga katawan nila kung ikukumpara sa mga batang iyon. Hindi lamang sila basta-bastang mga buto’t balat. Paminsan-minsan, napaiisip ako. Mas malapit ang pangangatawan ko sa kanila kung ikukumpara sa mga alaga ko na sadyang napakalayo ang mga anyo sa akin. Pare-pareho kaming may dalawang mga kamay at dalawang mga paa. May mga buhok din sa ibabaw ng mga ulo nila, gaya rin ng sa ulo ko. Higit na mahaba nga lang ang buhok ko. Hindi ko alam kung bakit ganito ako, at kung bakit sila ganoon. Kung may isang bagay akong mahihinuha mula rito, pinatitindi ng mga pagtutulad na ito ang pagkahilig ko sa sariwa at malambot na katawan ng mga bata. Gutom na gutom na talaga ako. Kung pumasa lang sa panlasa ko ang kahiya-hiyang bangkay na iniuwi sa akin ng mga alaga ko kanina, kakainin ko na ito. Babalikan ko ito sa likod ng kuweba namin kung hindi ko lang magigising ang mga alaga ko sa daan papunta roon. Baka isipin nila tuloy na ayos lang sa akin na ganoong klaseng uri ng mga bata ang iuwi nila sa akin. Sa tumitinding kakulangan ng dugo at mga batang inuuwi ng mga alaga ko rito sa Bararing, hindi lamang ang pisikal na kapangyarihan ko ang nanghihina, maging na rin ang kapangyarihan mayroon ako laban sa mga alaga ko. Kailangan kong ipaalala sa kanila kung sino ang nagpapairal sa kanila rito, kung sino ang nagpapatakbo ng mga bagay-bagay dito sa Bararing. Tumayo ako mula sa pagkakaupo ko at nagsimulang maglakad sa gilid ng baybay. Hindi pa rin nakapagpapalaot ang lahat ng mga mangingisda ng Cuyo. Nakikita ko mula sa kinatatayuan ko ang isa sa kanilang hanggang ngayon hinahanda pa lang ang mga kagamitan niya sa pagpapalaot. Nadadapa-dapa pa siya sa pag-ayos ng mga kagamitan niya. Pinihit ko ang mga mata ko upang higit pa siyang mapag-aralan. Mukha siyang maliit kung ikukumpara sa ibang mga mangingisdang nakikita ko sa paligid. Nakikita kong hirap siyang bitbitin ang iilan sa mga kagamitang kinakailangan niyang ipatong sa ibabaw ng kanyang balsa. Pagkatapos ng pagkatagal-tagal na panahon, sinimulan na niyang itulak papalaot ang balsa niya at sumakay sa ibabaw nito. Hindi sumasang-ayon sa mga mangingisda ang alon ngayon. Bihira naman itong sumang-ayon sa kanila. Sa akin lang ito sumasang-ayon.
86  ¡  Fe Esperanza P. Trampe