LVI 4: Seniors Folio

Page 33

dahilan—pagbabadya, para sa kaniya, ng isang di-inaasahang pangyayari. At may kutob siyang hindi iyon isang karaniwang biyahe mula sa isang lugar patungo sa tahanan, o mula sa tahanan tungo sa isang lugar. May nakakandong na pekeng bag na Barbie sa bawat isa at may nakalapag pang mala-maletang sisidlan sa paanan. Sinubok niyang maalala kung saan sila sumakay at kung nagbayad na ba sila at nagsabi ng bababaan, subalit kabiguan lamang ang kaniyang narating. Tulog ang mas bata sa dalawa. Nakatingin naman ang isa sa malayo— kay bata pa’y tumitingin na sa malayo, isip niya—hindi maipinta ang mukha. Tila mabigat ang pinapasan ng kilay nito sa pagkakunot at ang mga mata nama’y tila walang nakikita kundi walang katiyakan, nananawagang tulungan sapagkat hindi alam kung ano ang pupuntahan at saan mananahan. Hindi makaalis ang titig niya sa dalawa. Walang humpay ang pag-usbong ng mga tanong sa kaniyang utak— kung naglayas ba ang mga ito o pinalayas, kung iniwan ba o namatayan ng magulang, naulila ba sila o matagal nang ulila at matagal na ring palaboy-laboy. Wala siyang ibang maisip na sagot kundi ang ipinipilit sa kaniya ng kasaysayan niyang tanging dahilan marahil ng patuloy na pag-ulan—na ang dalawang magkapatid ay, katulad niya, wala ring nadatnang tunay na magulang sa mundo at palipat-lipat lamang ng tinitirhan. Hindi kailanman ipinagkait ni Julio sa kaniya ang katotohanang ampon lamang siya. Kahit noong una siyang magtanong tungkol sa kaniyang ina, inamin na agad ni Julio na hindi siya anak nito. Naisip niya, sa paglaon, na hindi iyon dahil inalala ng kaniyang itinuring na ama ang kaniyang kapakanan, kundi dahil hindi lamang nito matiis ikuwento ang pangyayari kung bakit siya natagpuan nito. Ayon sa kuwento ni Julio, kasisisante lamang niya bilang security guard noon, kaya’t ipinagpatuloy na lamang muna niya ang paghahanap kay Ligaya. Naglalakad siya noon sa may Kalaw, malapit na sa embahada ng Estados Unidos. Marami na ang nagsasabi, kahit noon pa, na tanga ang hindi magtangkang pumila roon upang makakuha ng visa. Subalit sabihan man siyang tanga, nangako siyang hindi siya titigil sa paghahanap. Sa pagtawid niya sa interseksiyon papuntang embahada, may tubig na pumatak sa kaniyang harapan bagaman walang senyales na uulan. At sinundan ito ng isa pang patak, at isa pa, at isa pa, hanggang sa nakabuo ng linya patungo sa dating gusali ng hukbong pandagat ng mga Kano. Una’y hindi niya ito pinagtuunan ng pansin, subalit sa bawat hakbang niya palayo, pinapatakan ng tubig ang kaniyang ulo at sa paglingon niya pabalik, LVI 4 33


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
LVI 4: Seniors Folio by Heights Ateneo - Issuu