Liham Kay Orpheus Sa akin: huwag na huwag ka nang lilingon pang muli sa akin, aking iniibig; ipagpatuloy ang pagdaloy ng mga mata sa mga inukit na titik, ibaling lamang sa paroroonan ang iyong tingin, hindi kung saan tunay mong matatagpuan ang pag-ibig: minsan, sa isang piging, pinuno ng mga bulaklak na mahalimuyak at musikang nakaaantig, isang salusalong patunay ng pag-iisang dibdib sa pag-ibig; naisin mo mang balikan, aking mangingibig, ang mga alingawngaw ng mga nakaraang araw ng pag-ibig, matutunang idinig ang pagkalumbay sa iyong lira’t mahimbing: minamahal ka ng musika tulad ng aking pag-ibig, at hindi ka nito iiwan tulad ng aking pananambitan mula sa kabilang daigdig—nakikinig ka ba?—sapat nang mapatda ang mga diyos sa ating pag-ibig, ang yanigin ang dalawang magkaibang daigdig, kaya’t hindi na kinakailangang balikan pa ang mga salitang nasambit—makinig ka sa akin: ang lahat ay pawang alingawngaw, padayo’t pasulong ang dapat puntahan, o pag-ibig, hindi sa paglingon matutunton ang tadhanang dapat sapitin; nakikinig ka ba?—huwag na huwag ka nang lilingon muli, iniibig; ipagpatuloy mo lang ang pagdaloy ng mga mata sa mundong tahimik, punuin ito ng tunog ng iyong lirang mapang-akit, alalahaning ako ay nariyan pa rin sa iyong tabi, umiibig, maglaho man sa iyong maling pag-ikot, sa iyong pagtingin; nakikinig ka ba? makinig ka sa akin—sa huling liham na ito, ilang beses ko na nga bang nabanggit ang mga katagang mahal o pag-ibig? Huwag na huwag ka nang magtatangka pang bilangin: ang bumalik muli sa simula, ang bumalik muli sa akin.
50