(2012) Heights LX, Anniversary Issue

Page 86

Lahat ng banda noon, siprado ang Plush ng Stone Temple Pilots. Paano ba naman noong una, akala nila Pearl Jam ang tumugtog nito. Tapos noong mapanood nila sa MTV (matapos ang ilang oras nang pagpihit-pihit sa antena sa mga kalawanging bubong) nalaman nila ang katotohanan. Hindi man si Eddie Vedder ang kumakanta, napansin din naman nilang astig yong banda. At napaso ang mga mata nila sa tingkad ng pagkakapula ng buhok ni Scott Weiland. Tama ka, sinadya kong isalpak ang detalyeng ito, para ipahiwatig (ipamukha, sige na nga) na kopyang-kopya sa Plush ang tinutugtog ng banda ni Putakte. Binali lang nang konti. Ginawang saliwa ang palo sa tambol. Arpeggio naman ang banat sa gitara. Chromatic scale naman sa bass. Ang dating tuloy sa mga nanood ng gig, napakapamilyar ng kanta. Napakalapit sa damdamin nila. Mas marami tuloy ang naantig ang damdamin. Yong iba, nagkapit-bisig sa gitna ng slam pit. Yong iba naman, pinunit ang suot na itim na t-shirt. Para sa kanila, unang beses nilang narinig muli ang kanta. Kung wala nga lang gamugamo, sumabay na sila sa koro. Anthemic naman talaga. Marami ngang ginawang dikdikan ng gamugamo ang mga dibdib. (Oo, kahit na yong mga malalambot at malulusog ang dibdib. Oo nga, walang groupie sa bandang ito pero meron naman fans na babae. Sige na nga, sila yong mga syota ng hardcore fans na walang magawa sa oras ng gig dahil ipinasara yong perya nang may nalunod sa baha habang nagbi-Bingo nang lasing at di na rin itinuloy ang Amateur Singing Contest sa kanto nang may ilang naghuramentado nang kumanta ng First of May yong isang kagawad at nagchuchuwariwap ang mga miron.) Bago pa lang nagsimula ang gig, nag-alisan na ang mga judges. Ah, hindi ko ba nasabing battle of the bands ito? Hindi ako sinungaling. Pinagbibintangan mo ba akong bulaan? Naliliitan ka ba sa katawan ko? Nahihinaan sa boses ko? Puwes, ayan nasabi ko na. Battle of the Bands ito. Guest band ang banda nina Putakte. Alam kong naiinip ka na kung ano ba ang patutunguhan nito. Darating tayo dyan. Ano bang puwede mong panghawakan para ipagpatuloy ang pagbasa nito? Kuwento? Hindi pa ba sapat ang mga inilahad ko mula sa simula nito? Teka, heto kaya? Di ko pa sinasabi ang pangalan ng banda. Ipagpalagay na nating ito ang punto ng kuwento. Na kailangan mong tapusin para matanto mo sa huli ang pangalan ng banda. O ayan, meron ka nang pakay. Ulitin ko lang ha, ang kuwentong ito ay tungkol sa pagsakay mo sa kuwentong maaring meron o walang kuwento para matukoy mo ang pangalan ng bandang bida sa kuwento. Yon e, kung papayag kang hindi ikaw ang bida. Papayag ka ba? Papalag ka ba? Pero malaya ka. Puwedeng tapusin na natin dito. Puwedeng… Sa paglantak nina Putakte, Patatas at Patok sa malagkit na leche flan na binanlawan ng Marka Demonyo at maligamgam na Gold Eagle Beer, naisip nilang simulan ulit ang larong hindi nila natapos nang bumaba na sila sa stainless na jeep ni Patatas. “Ano na?” simula ni Putakte. “O, tatayo yata ‘to.” sagot ni Patatas. 70


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.