mikael de lara co
Sapagkat Naaangkin ang Liwanag Sapagkat mas madaling magsalita, nakinig ka. Marahil ito ang una mong aralin sa pisika: Musmos kang pinalapit sa pisara, tinanong ng guro: Aling puwersa ang nagpapainog sa mundo? Paanong nabubuo ang anino? Nang pinatayo ka sa isang sulok, ibinulong mo sa pader: Huwag kang maingay, may nakikinig. Ang sabi ni Debeljak: Walang wikang may laban sa katahimikan. Ano ngayon ang sinasabi ng kuping tansan sa kalsada, ng malagihay na kumot sa sampayan, anong pampang ang binabaybay ng kanilang mga pangungusap? Tahakin ang ingay ng nakikita upang makarating sa katahimikan, tuklasin ang lihim na arkitektura ng bawat puno, ng bukbuking bahay sa tabi ng riles, alamin ang pangalan ng patpat na pilit mong itinindig sa bangketa: Kapag naglaho ang anino, tanghaling – tapat na. At ano ang ipinagtatapat ng tanghali? Sapagkat mas madaling magsalita, makinig ka. Nakasabit ang kalansay ng mga saranggola sa kawad ng kuryente, kumupas na ang mga kuwadradong iginuhit sa semento. Basag na holen, gusgusing pamato sa piko, palad na nakaumang sa harap mo. Anong puwersa ang nagpapainog sa mundo? Ikaw na nakatapak dito. Paanong nabubuo ang anino? 59