Zine

Page 13

niluluto niya. Mabilis siyang kumain ng isang hiwa ng cake at sa mismong bote ng softdrinks na siya uminom. Nagpasya siyang sundan si Neneng. Hindi naman ganoon kakomplikado ang daan tungo sa talipapa—lalo na’t katabi lang ito halos ng basketball court, ang sentro ng kanilang subdivision. Maraming mga namimili, ngunit hindi gaano makapal ang mga tao. Naging madali lang para kay Jun ang matuntong si Neneng. Sa laki ng pangangatawan ni Neneng, imposible yatang hindi ko siya makita kahit saan, isip ni Jun. Naabutan pa niya ito sa gulayan na bumibili ng mga hiwa nang gulay. Pagkatapos ay sa bilihan ng niyog. Doon niya nakita ang isang lalakeng matipuno ang pangangatawan. Wala siyang pang-itaas na saplot habang nagkakayod. Maya-maya niyang inaagapan na huwag tumatagaktak ang pawis sa kaniyang ulo at katawan gamit ang isang tuwalya. Nangingintab ang kayumangging balat ng lalaki sa init ng araw. Isang kumpol ng mga mamimili – pawang mga babaeng bihis na bihis at makapal ang kolorete sa mukha – ang nakapila para bumili ng niyog. Isa roon si Neneng. Manwal ang kayuran ng niyog na ginagamit, sa isang sulok ng tindahan ay naroon ang demakinang kayuran ng niyog na may nakasabit na karatula: SIRA. Sa bawat paggalaw ng katawan ng lalake ay umuunat ang mga laman nito, lalo na sa mga braso. Halatang-halata sa mga babaeng nakapila na gustong-gusto nila

ang napapanood. Dumating ang pagkakataon ni Neneng para bumili. Dalawang niyog. Muli, walang tigil sa pag-indayog ang katawan ng lalake. Pagkasupot nito sa kinayod na niyog, dumampi ang kamay niya sa kamay ni Neneng. “Hm, kaya pala,” sambit ni Jun sa kaniyang sarili na natatawa. “Bukas uli ha,” Brusko at magaspang ang boses ng lalake. Abot-tenga ang ngiti ng matandang dalaga kahit na tumalikod na ito para lisanin ang pila. Tumakbo pauwi si Jun para maunahan si Neneng. Pagdating sa bahay binuksan agad nito ang telebisyon. Narinig niyang bumukas ang gate kaya nagmadali siyang umupo sa sofa, nagkukunwaring nanonood ng cartoons. Pagdating ni Neneng na dinaanan lang niya si Jun at dumiretso sa kusina. Hindi niya sinita ang bata dahil sa panonood ng telebisyon nang ganoon kaaga, tulad ng nakagawian. Hindi man lamang nito napansin na pawisan at humihingal ang bata. Eksaktong alas-dose ng tanghali ay naghain ng pananghalian si Neneng. Suot na nito ang karaniwang gayak nitong daster, nakaheadband na rin ang kanyang buhok. Wala na rin ang kolorete nito sa mukha. “Oy Jun,” babala ni Neneng, “‘pag di ka kumain ngayon hindi kita papayagang lumabas para maglaro.” Nilalapag pa lamang ni Neneng ang ulam sa mesa ay nakakunot na ang noo ni Jun. Walang sigla siyang nagsandok ng kanin at ulam.


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.