Hindi ko ito pinansin. Mas napagtuunan ko ng atensyon ang aking iniisip. Sa pagkakataong ito, nais ko nang umiyak, subalit ayaw kong sa harap ng kasama ko. Tila ba naghihingalo na ang aking paninindigan sa napiling desisyon sa pagitan ng minamahal at ng kinakailangan na mas pinili ko. Tumayo siya, ang nagsagawa ng orasyon sa aking harapan, sabay sabing: "Next time ulit, ha?" Wala na akong nagawa kundi isagot ang nais niyang marinig. Hanggang sa aking paglalakad pauwi ay dala-dala ko ang isang plastik ng manok na nilipasan na ng init, at nakatago sa aking bulsa ang biyayang ipang-aabot ko hanggang isang linggo, na ngayo’y hindi na kasalo ang aking minamahal. At ako ay napaupo na lamang sa mesa sa loob ng aming tahanan, habang nakatutok sa aking gilid ang gaserang lumilikha ng marumi at kagimbal-gimbal kong anino.
28