richell isaiah flores
maingay ang hatinggabi sa gitna ng dilim kumikislap ang ilaw sumisingaw ang bulong ng kalikasan. tingnan mo, kumikindat ang mga bituin at saka ko tiningnan ang kislap ng iyong mata. rinig mo ba ang mga kulisap kinausap mo ako at ang iyong tinig narinig ko sa ilalim ng malalim na paghinga. nais mo ng pahinga. kapwa nakatanghod sa tahimik na paligid, at saka umimik. oo. malawak ang lawang panatag na salamin ng langit. mas sanay akong tumanghod pababa, nakakangawit ang tumingala. sabay humagod ang awit ng langit na sa hangin ibinilin sumabay sa musika ng iyong telepono at saka isang buntong hininga. kumahol ang aso sa dumaang tricycle. matapos, ang kotse ng kapitbahay na kadarating lang. ngunit nanumbalik ang tahimik, at sa gitna ng dilim kung naisin kong humalik, magagawa ko, ngunit humibik ka habang humihilik ang karamihan, narito tayo sa piling ng bituin, ng kulisap, ng lawa, ng langit, ng hangin, ng telepono, ng aso, ng tricycle, ng kotse, ng dilim, ng gabi, ng ating damdamin. maingay ang hatinggabi.
9