nitong pinangalanan niyang halimaw, na tao rin naman bagaman may kakayahang maging higit pa kaysa rito; o ang manananggal na hindi naunawaan kung saan nakasalalay ang pamantayan ng karaniwan dito sa daigdig na naglagak sa kanya sa pagiging iba upang pangilagan, katakutan o kalauna’y pagtuunan ng galit ng mga tao na sa tingin niya, sa maraming pagkakataon, ay gaya rin lamang naman niya? Nang sinimulan kong isulat ito (pagkatapos ang mahaba-habang pananaliksik! bagaman wala pa ring tatalo sa kuwento ni Inay), sinabi ko sa sariling ikukuwento ko ang pinagmulan ng manananggal. Hindi iyon sinasagot ng anumang kuwento na nabasa ko. Napakaraming kuwento ukol sa pinagmulan ng tao, mula sa lupang niluto ng araw hanggang sa nabiyak na kawayan, ngunit wala para sa manananggal. Kaya nagpasya ako na lumikha ng kuwento ng kanyang pinagmulan, gaya ng isang tunay na alamat na nagtatangkang ipaliwanag ang hindi maipaliwanag bunga ng mga limitasyon ng ating kasalukuyang agham. Paano ipaliliwanag ang paghahati ng katawan? (Bagaman natanggap na ng marami na nahahati ang kamalayan, gaya ng sabi sa Sikolohiya, tulad sa kaso ng mga may dissociative personality disorder, at nabubuong muli, sa tulong ng mahusay na therapy.) Wala akong ibang matatakbuhan kundi ang bisa ng alamat. Nang mabuo ko ang kuwento sa isip, halos maniwala ako sa sarili kong kuwento, gaya ng paniniwala marahil noon ng mga unang tumanghod upang makinig sa paghahabi ng mga babaylan sa iba’t ibang alamat sa kung anu-anong bagay. ang alamat ng manananggal Noong unang panahon, sa isang bayan sa Filipinas na hindi natuklasan ng kahit sinong dayuhan, dumalaw ang isang mahabang tagtuyot. Nagsimulang mapansin ng matatanda na ilang pagbilog na ng buwan na hindi dumarating ang ulan. Kasunod noon, nagsimulang matuyo ang mga panananim. Nalanta ang mga halaman. Nalagas kahit ang dahon ng mga punongkahoy. Sa tindi ng init isang umaga, nagsimulang magliyab ang mga puno ng mulawin. Kumalat 137