benilda santos
Ang Amen sa Drain ng Lababo Kung minsan ang pag-usal ng panalangin ay kasing kabagot-bagot ng paghuhugas-pinggan pagkapananghali ulam ang suwaheng isinigang sa kapipitas na kamyas, na nang mabalatan, isinawak sa sukang pinatisan sa platitong malukong. Hindi pa ba sapat ang masiyahan sa kabila ng pagkulapol ng lansang masangsang sa daliring nagdeliryo rin sa sarap kasabay ng pagsingit ng malagkit na kanin sa kuko dala ng diin ng pagdakot, na, bunga naman ng pag-uulol ng gana? Bakit kailangang itaas pa sa nibel ng hinahon itong pagpapakabundat sa pamamagitan ng pag-uurong ng pinag’kanan nang wari nais makaligtaan sa ‘sang iglap ang naninikit na paraisong tinamo ng kayamuan eh, mahabang kasaysayan naman ang nag-iinat sa likod ng lahat? Sige na nga. Ikukumpisal ko na sa inyo na nakadukmo pa rin sa mesa, na hindi pa ako handang talikuran ang ginhawa at pagkapuno, ni ang pagbibingi-bingihan sa samo ng Banal na Santatlo na ‘wag na ‘wag hahayaang dumulas nang gayon na lamang ang Amen sa drain niyaong nangungutim at nagbabara na’ng lababo.
1